Tao Lamang
Hindi ako poon upang mapatawad
Ang ‘yong pagkasalang inihalintulad
Pagsabog ng bulkang kaydaming inutas,
Dahil ako’y taong umibig kaywagas
Itulak man ako sa balon ng ahas.
Kahit ano pa man ang ‘yong kasalana’y
Ikaw at ikaw din ang aking minahal,
Rindido mong diwa’y aking bubulungan
O kaya’y pahiran ang pusong sugatan;
Tubig na nanggaling sa balon ng buhay.
Saan man naroon ang iyong imahen,
Ako’y maghahanap sa gitna ng dilim;
Kahit abutin pa pupong takipsilim
Ikaw’y lililuking kawangis ng birheng
Tala’y nakaligid na ubod-luningning.
- Saksi Ang Buwan - 9th February 2010
- Dayaw Ng Ibon Sa Pugad - 4th February 2010
- Biso* - 4th February 2010
- Sa Balag Ng Kababalaghan - 3rd February 2010
- Tubig at Pag-ibig - 26th January 2010

