Ang Bakuran ng Pulitika

Napansin kong tigang
ang bakanteng lupa
sa aming bakuran
kaya sinimulan kong
abonohan.

Binungkal:
dinakot kung isa-isa
at sinilid sa sako
ang nalantad na basura;
tansan ng serbesa,
lumang dayaper,
lumang baterya,
gulanit na tela,
sangkaterbang bubog,
nagkalat na plastik
at maraming pang ibang bagay
na kahit muling ibaon,
hindi magbabago
ang anyo
ni ang kulay.

Habang hinihimay
ang bulok sa hindi
upang ihanda
sa pagdating ng trak,
naisip kong sana
ganito rin kadali
linisin at patabain
ang bakuran…

…ng pulitika.

Pahabol: Wish Ko Lang

Kahit may aberya ay nairaos din
Botohang Barangay kasama ang SK.
Ang mga nagwagi tila nasa “heaven”
Sa mga nasilat ang mundo’y madilim.

Subalit hindi pa tapos kaibigan
Bagkus ang kalbaryo’y simula pa lamang.
Ng mga nanalong partido’y kalaban,
Niyong nakaupo na Mayor ng bayan.

Lalo na’t Alkalde ay hindi dinala
Sa barangay nito’y sadsad ang boto n’ya.
Bago makahingi ng proyektong pita,
Kailangang sumumpa ng buong  suporta.

Sa pondo at “relief” lugi sa hatian
Kung hindi man “delay” ay tiyak na kulang.
Ang mga papeles bago mapirmahan,
Butas ng karayom ang pagdaraanan!

Walang magagawa ang pobreng Kapitan
Maging matiisin ang dibdib tibayan.
Kung sakali’t siya ay maninindigan,
Mga nasasakop ang mahihirapan.

Huwag nang itanggi ang aking tinuran
Kahit saang dako ito’y kalakaran.
Kapagka nanalo’y hindi magkakulay
Ang mababang pwesto ay api-apihan.

Kailan mangyayari ang laging pangako?
“Maglilingkod kami ng taos sa puso!”
Mga taong-bayan tuwina ay bigo,
Yaong nakakamit ay pawang siphayo.

Sana sa pag-upo ng mga nanalo
Limot na ang laban bilang kandidato.
Nawa ang ibigay serbiyong totoo,
Para sa pag-unlad ng bayan at tao!

Ipuipo sa ‘Hunyo’ – Pangwelkam ng mga Makata sa Magiging Bagong Dispensasyon

 Bumubungad ang 2010, wala pang palatandaan ng padating na alimpuyo ng eleksiyon-heneral bagaman nasisipat na ang mga pangkatan. Nagpadala ako ng isang email sa isa sa mga kaibigan sa ‘Peysbuk’, isang nagngangalang ‘Chito Gascon’ na nagsasaad na ikinalulungkot ko at di ako makatutulong sa nalalapit na tunggalian na haharapin niya/nila. ‘Apolitical’ ako, sabi ko kay Chito. Wala siyang reply. Iyon ang una’t huling email ko sa kanya bago nagdesisyon ang taumbayan sa idinaos na halalan.

-oOo-

 

‘Pangwelkam’ Na Panitikan

 Kisap ng pagkamalikhain ang suhestiyon ng ilan sa mga kontribyutor sa antolohiya ng mga tula na “Ipuipo sa Piging’ (IsP) na itakda ang paglulunsad makalampas na ang halalan at mga kaugnay na alingawngaw nito. Ipinaabot sa akin ni Abet Umil na patnugot ng libro  ang  sentimyentong  ito.

Bilang ‘coup de grace’, sinabi kong magandang ideya iyon at magiging “pangwelkam” o “pambulaga” ang aklat sa magiging bagong pangulo at dispensasyon sinuman at anuman ito at kung sadyang magkakaroon ng transisyon sa gobyerno sa takdang-panahon sa Hunyo.

Sa panahong iyo’y isang malaking katanungan ang magiging hantungan ng bruhaha ng halalan. Kasaysayan ang naghahayag na sa Pilipinas ang ‘lohikal’ na kongklusyon ng eleksiyon ay eksemsiyon sa halip na panuntunan.
Hindi nananangan sa literal na poder na pulitikal ang mga makata ng bayan bagaman ang paninindigan bilang manunulat ay pulitikal na puwersa ring maituturing.

Pebrero o umpisa ng Marso marahil nang mapagpasyahan ito. Mula sa panahong iyon ay maraming naganap sa  bayan: ekonomiya, literatura, pulitika, boksing, Wowowee, at kung saan-saan pang kanto at sulok ng buhay-Pinoy. Tumindi ang intensidad ng pukulan ng putik ng mga kontender sa iba’t ibang puwesto. Naganap ang  mga  kalamidad, bahagya o malala, sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at sa buong mundo. Naisipan lagyan ng  ‘companion  video’ ang IsP. Nakasaglit ako sa Pilipinas. Umagapay sa proseso ng pagbubuo sa libro ang pagbubuo sa kasamang bidyo.

Hindi naganap ang sigalot, o ang lawak at antas na pangamba ng marami at hula ng ilan, sa naganap na eleksiyon. Sa pangkalahatan ay naging tahimik at maayos ang botohan at pagsuma ng mga boto. Bumungad ang Pilipinas sa era ng bilangan ng boto na awtomasyon na ang gamit.

Naging pinakamatunog sa mga partidong naglaban ang Liberal at ito ay dahil sa mabilis na paglinaw na si Senador Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang magwawaging kandidato sa pagkapangulo bagaman marami ring kandidato ang lapian sa ibang posisyon na hindi naging mapalad.

Nagwagi rin sa pagkakongresista si Gloria Macapagal-Arroyo pati na ang mga supling, kaanak, at mangilan-ngilang alipores. Sa kabila ng mga badya ng tahimik na transisyon sa Malacanang ay hindi maipapayo ang lubusang pagluwag ng pagmamatyag.

Bilang gimik, kung babansagan man ang IsP na ‘pangwelkam’ sa magiging bagong dispensasyon ay nararapat alalahanin na nakalalamang lagi ang hindi literal na katuturan ng salita sa realmo ng panulaan.

Tatandaang ang mga makata sa IsP, o mayorya sa mga ito, ay nabuhay sang-ayon sa nilalaman ng kanilang mga akda. Walang kompromiso. Hindi nakikipagnegosasyon kapag prinsipyo ang nakataya. Marahil ay ako, o isa ako, sa mga mas modereyt ang tindig. Nais kong pangibabawin ang pagiging bukas ng isipan sa kabila ng mga luksang salaysayin ng karanasan at pagsipat ng mga kaantolohiya sa sitwasyon ng bayan. Hindi dapat makalimutang ang IsP ay ‘Pagsisiwalat din ng Pag-asa’.

Kinakatawan ng Malacanang ang rurok ng piging sa bansang Pilipinas. Ano kaya’t magtanim ng isang binhi ng puno sa hardin ng Palasyo para sa bawat isang tula sa kalipunan? Dinedma nina Abet at Randy ang mungkahi kong ito. Pagkatapos ay sinabi ko kay Abet na baka makapagsingit siya ng segment sa ‘bidyula’ ng interview kay Chito. 

Chito Gascon

Ang Chito Gascon na tinutukoy ko ay si Jose Luis Martin Gascon na kasalukuyang Director-General ng Partido Liberal na lapian ng mauupong presidente ng Pilipinas sa susunod na anim na taon. Isang klasikong ehemplo si Chito ng mga tao na ‘low profile’ subalit napakaimportante sa bansang Pilipinas. Kabilang siya sa mga constitutional commissioner na sumulat sa 1987 Konstitusyon na pinaiiral ngayon. Naging kinatawan siya ng mga kabataan. Siya ang pangulo ng UP student council nang mag-‘EDSA Uno’. Siya rin ang nagpahayag nang lumaon na “Tinanggal natin ang diktador pero pinanatili natin ang sistema!” (“We removed the dictator but we retained the political system!”). Siya’y nagtapos ng AB Pilosopiya at Abogasya sa UP. Nagtapos siya ng Master of Laws sa Cambridge. Isang debatista at orador, siya ay kasama sa koponan ng Pilipinas na nanalo sa Jessup Law Moot Court Competition na ginanap sa United Nations Headquarters sa New York.

Kinatawan ni Chito ang sektor ng kabataan sa Kongreso at naging prinsipal na awtor ng R.A. 7610 at iba pang batas na nagtataguyod sa karapatan at kapakanan ng kabataan. Siya ay naging miyembro ng Peace Panel ng pamahalaan na nakipagnegosasyon sa National Democratic Front, executive-director ng National Institute for Policy Studies, at professorial lecturer sa UP College of Law at Department of Political Science ng De La Salle University.

Si Chito ay board member ng Philippine Section ng Amnesty International, convenor ng Coalition for Peace, miyembro ng steering committee ng Kongreso ng Mamamayang Pilipino at Civil Society Consortium for Electoral Reforms, at organisador ng Libertas.

Sa napakalaking ginampanang papel sa kampanya ni Senador Noynoy Aquino sa halalan at sa tahakin ng Partido Liberal sa pangkalahatan ay hindi mahirap mahagap ang puwang ni Chito sa dispensasyon ng Pilipinas sa darating na malapit na hinaharap.

Matapos ang pamamayagpag ng mga ‘instant’ na lapiang pulitikal sa nakalipas na mahigit tatlong dekada matapos ideklara ni Pangulong Marcos ang batas-militar ay isang ganap na partido, LP, ang uugit sa gobyerno. Bago nagdiktadura, dalawa ang lapiang tradisyunal na naglalaban tuwing halalan. Isa rito ang Nacionalista na pinakamatandang lapian sa kasaysayan at ang isa pa ay ang Liberal na pangalawa sa pinakamatanda. Nilikha ni Marcos ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL) bilang ‘front’ ng kanyang diktadura na, matapos ang EDSA Uno, sinundan ng mga pasadyang partidong pulitikal na may mga pangalan/akronim na LDP, Lakas-CMD, PMP, Kampi, at kung anu-ano pa.

Administrasyon ng Isang Lapian

Sa sinabi kong ‘ganap’ na lapian ay binibigyang-diin ko ang pagiging entidad nito na pinagagalaw ng kasapian na ang bawat isa ay may pantay-pantay na saysay sa halip na mistulang karwaheng sasakyan na para sa pangunahing personalidad lang.Mahalagang katangian din ng isang ganap na partido ang pagkakaroon ng plataporma na di nababago ayon sa arbitraryong kagustuhan ng namamayaning personalidad.

Hindi dapat mapalampas ng sambayanan ang obserbasyong ito. Na sapul maisailalim ang bayan sa diktadura ni Marcos ay si Senador Noynoy pa lang ang magiging presidente na naipanalo ng kanyang lapian sa halip na kabaligtaran nito. Bagaman may malaking hatak din naman bilang anak ng dalawang prominenteng personalidad sa kasaysayan, umasa si Senador Noynoy sa makinarya ng LP upang matiyak ang pagwawagi.

Sa mga nakalipas na panahon ay laging biglaan ang ‘luto’ ng lapian ng naluluklok na pangulo na ang resulta ay lubusang pagsandal sa pangulo na ang bunga naman ay kahinaan ng administrasyon ng nasabing lider. Nakaasa madalas sa ‘spur of the moment’ na kapasyahan ng pangulo sa halip na sa mga prinsipyo ng partido. Tumatanda at lumilisan ang mga kasapi ngunit hindi ang mga prinsipyo ng lapian na inilapat hindi sa mga indibidwal na interes kundi sa interes ng bayan.

Maibubuod sa ganitong obserbasyon ang kuwento ng pamamalakad nina Marcos, Cory, Ramos, Erap, hanggang kay Arroyo.

Sa kaso ni Senador Noynoy, hindi lumikha ng partido ‘overnight’ para sa kumbinyensiya ng kandidatura niya sa pagkapangulo bagkus siya ay isang bahagi lamang ng isang partidong umiiral na sa panahon pa ng lolo at ama niya. Kaya mas angkop sabihin na ang papalit na rehimen pagkatapos ni Arroyo ay sa Partido Liberal sa halip na kay Noynoy. Nakataya, sa isang banda, ang maningning na reputasyon ng LP sa magiging dispensasyon sa bansa sa ilalim ng pagkapangulo ni Noynoy.

Noong nasa Pilipinas pa ako ay may mga pagkakataong nakasama ko sa mga pagtitipon si Chito. Kabilang sa mga posisyong pinagtalagahan sa akin noon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay pagiging hepe ng serbisyong paralegal nito na isang programang nilikha at itinatag ng isang maliit na grupong kinabibilangan ko at ibang junior officer na sina Captain Norberto Abuda, (ngayo’y Col.) Rex Delarmente, sa pamumuno ni Col. Ramon A. Abenir Jr. na retiradong hukom-JAGO sa binuwag na Philippine Constabulary.

Boluntaryong Paralegal sa mga Piitan

Sumulat ako ng isang artikulo na inilathala ng Philippine Panorama na lingguhang magasin ng pahayagang Manila Bulletin na nananawagan para sa mga boluntaryong paralegal para sa mga piitan. Dumagsa ang mga liham ng mga interesado mula sa buong kapuluan. Marami ay mga nag-aaral ng abogasya. Sa umpisa ay naging problema kung paano namin ipoproseso ang sangkatutak na aplikanteng boluntaryo. Bukod sa mga indibidwal, nagsialok din ng tulong ang mga pribadong organisasyon. Kapag may ganitong ‘komosyon’ ay puwede bang mawala ang mga tagamidya laluna ang mga tv network?

Sa pagpursigi, pagpupuyat, at walang patid na mga ‘brainstorming’ sa tanggapang sentral ng BJMP ay unti-unting naikasa ang Programa Para sa Boluntaryong Paralegal ng Byuro. Marami sa naiibang katangian nito ay hango sa ideya ko gaya ng pagtatatag ng non-stock/non-profit na BJMP Legal and Paralegal Volunteers Association upang maisalin sa mismong mga boluntaryo ang kabuuan ng pagpapatupad ng kanilang bolunterismo sa kasong legal ng mga detenido.

Isang epiko sa haba ang nasa likod ng programa para sa mga boluntaryong paralegal sa mga piitan kaya puputulin ko na ang pagtalakay dito. Bagaman mahirap iwasang banggitin na napakarami ring personalidad na naglahad ng kamay at higit pa para rito magmula sa noo’y Punong Mahistrado Hilario Davide ng Korte Suprema, Kalihim ng DILG Joey Lina, hanggang sa mga lokal at internasyunal na NGO. Kumbaga sa iskrinpley, ‘cut’ patungo sa paglaon ay kapasyahan ko na magpokus sa Manila City Jail na may daglat na MCJ. May mesa ako sa BJMP Central Office na elegante at pinalalamig ng air-condition pero mas madalas ako sa isang dipang purgatoryong tanggapan ko sa MCJ. Nasa pusod ito ng downtown at university belt ng Maynila kaya sapul magkaroon ng programa sa ‘paralegal volunteers’ ay palaging sinasadya ng mga estudyante partikular ang mga law student. Paisa-isa sila o pangkatan. Bukod sa mga NGO na unang tumulong gaya ng Caritas Manila, Integrated Bar of the Philippines (IBP), Legal Assistance Pro-Indigent Tao (LAPIT), Jaycees, at iba pa ay marami ring organisasyon ang nabuo at naitatag paglaon na inspirasyon ang adhikain ng pagboboluntaryo sa piitan.

Madalas mapadalaw sa MCJ ang ilan sa mga kunektado sa Libertas (Lawyers League for Liberty) na inorganisa ni Chito. Nag-iimbita sila sa mga ebento ng Libertas. Ginawa kong polisiya sa sariliat 7 tauhan na prayoridad ang ‘civic involvement’. Sa mahabang panahon ay may ‘persepsiyon’ ang publiko na ang piitan ay lugar na may tabing at may ikinukubling hiwaga. Kahit sa aspeto lamang ng pag-aasikaso sa istatus ng asunto ng mga detenido ay tatanggalin namin ang antigong birang. Haharap kami sa taumbayan, sasagutin ang mga katanungan sa aming partikular na responsabilidad. Kaya kahit gabi ay dumadalo ako sa paanyaya upang magsalita sa iba’t ibang NGO gaya ng Caritas Manila at Jaycees. Isang salita lang ng tanggapan ni Chief Justice Davide ay dumarating kami upang makipagpulong sa kanya sa Justices’ Lounge na kahit ang mga de-kuliling na abogado’y hindi pa nakatapak.

Lagi kaming ‘on the go’. Kabi-kabilang tanggapan. Basta may maitutulong. Public Attorneys Office (PAO). Parole and Probation Office. Bureau of Correction (BuCor) na noo’y nasa pamumuno ni Hen. Dionisio Santiago na naging hepe ng PDEA. NBI na ang hepe noon ay si Director Wycoco. Higit sa lahat ay sa mga unibersidad. Bagaman wala akong sapat na panahon noon para magsulat ng malikhaing akda gaya ng tula ay isinasama ko kapag may palatuntunan ang mga klasikong tula tungkol sa bilangguan sa alinmang wika na bibigkasin ng aking magigilas na sarhento.

Palagi rin ay nariyan ang Libertas at si Chito. Palaging mabibigat ang mga panauhin sa mga pulong ng Libertas na tumatalakay sa mga bagay sa pamahalaan na malamang at madalas ay hindi matutunghayan sa mga pahayagan. Hindi nagtagal ay lumikas ako sa US. Paglaon ay nabalitaan ko ang pagbibitiw ni Chito bilang undersecretary ng Department of Education (DepEd).

Para sa ‘Ipuipo sa Piging’

Pangalawang pagkakataon kong nag-email kay Chito sa taon na ito para sabihing kailangan kong humingi ng pahayag sa kanya para sa ‘companion video’ ng IsP. Ipinaliwanag ko kung ano ang IsP. Na ito’y isang hamak na kalipunan ng mga hamak na tula ng mga hamak na makata ng hamak na bayan na marangya sa mga pangarap, sa pag-asa, sa mga mamamayang malalakas ang katawan at dalisay na pagkatao, na naninirahan sa kapuluang mayaman sa likas na kayamanan.

Bilang ‘Utak’ sa likod ng Partido Liberal, ang nakatakdang mamunong lapian sa estado, maaari bang marinig ang kanyang mga opisyal o di opisyal na pananaw at opisyal o di opisyal na pananaw ng LP hinggil sa mga usapin ng kultura? Di nagwakas ang araw na iyo’y may sagot siya – Itakda ang petsa!

 

-o0o-

 

Naging malaking hamon sa mga bumubuo ng IsP nang lumaon ang pagbuo ng companion video nito na ang nakalap na ‘footages’ ay umabot sa mahigit sa 20 oras lahat. Bagong karanasan para kay Abet ang madugong proseso ng ‘editing’ ng  video. At dahil dapat na sabay ang libro at bidyo ay kailangang hintayin ng isa na matapos ang isa.

Ipuipo sa Hunyo. Sa pagtatapos ng Hunyo magsisimula ang pagpapalit ng dispensasyon sa bansa. Sa Hulyo pa mabibigyan ng ‘welkam’ kung anuman ang pagkakaintindi ninyo ng “welkam-makata” ang bagong dispensasyon sa Pilipinas. Kumatok  tayo sa kahoy na maganap ito o, mas mainam, itaga natin  sa  bato.

-o0o-

 

Mga Hayop Sa Pilipinas

 

Labing apat na hayop nagtumaas, nagtumayog,

Nagharing uri sa pedestal at bantayog,

Niyukuran, sinamba, sinunod,

Yaman, kapangyarihan ang sa kanila’y bumusog.

 

Masang alipin ‘di malaman kung saan susuling,

Pumurol na ang tabak, natunaw ang kalasag,

And ganti sa hagupit ng hayop na pangil,

Mga piping hiyaw at mga luhang basag.

 

Tangả ang sisira sa kalawang na bakal,

Yuyurakan ka kahit na luhuran,

Timawang hayop sa gutom ay basal,

Walang pagkilala kay Bathala at dasal.

 

Sa hukom ng Hari doon ang higanti,

Pagsibol ng araw sa dilim ng gabi,

Mga hayop na busog at nakangisi,

Sa apoy ng impiyerno, hahantong sa huli.


Hinanakit ng Titser

Titser akong nakasubsob

sa paglikha ng lesson plan

sa layuning mapaunlad

kalidad ng karunungan

bakit ngayon kami’y biktima

sa pagbagsak ng edukasyon

gayong hindi lamang aklat

at titser na gradwet sa suhol

maging liderato ng pulitika

paaralan ay binababoy

may prinsipal at supervisor

naapoint din sa padrino’t lagay

kaya ang Ingles sa memo

ay linggwahe ng bulol

salary din ay dahilan, kaya

may negosyo’t raket ang titser

registrar na custodian sa college

aregluhan ng grades sa transcript

may textbook board na magician

director signature mahal pa sa ginto.