Pabulong Kung Manalasà

Upos na si Yolanda
matapos niyang ibuga
ang lahat ng bagsik
ng nakakabibinging hagupit.

Kaya damá na uli ang drama
ng bagyong may dalawampu’t dalawang puyo
ng hanging lumilingkis sa ere
at nakikipagpataasan ng ihi.

Sikat sa kanilang lahat
ang matandang puyong
may pangako ng banayad na amihan;
ngunit ang totoo ay pabigat na habagat,
may bahid ng kamay na bakal
at dilang armado ng retorika.

Kasama niyang umaalimpuyo at sisinghap-singhap
sa ikalawang palapag ng langit
ang anak ng teteng
at ang balingkinitang anak ni asiong
tila isang mantsang bigote sa alapaap.

Taglay din ng bagyong ito ang bugsong
hindi hihigit sa dalawang daan at limampung
tahimik na nagpapahangin,
papitik-pitik sa ibabang palapag ng paraiso,
handang magparamdam
gamit ang kapangyarihang hiram.

Sa lambong ng madilim na ulap;
pabulong kung wasakin
ang lupang nananalangin,
ipapako ang panaginip
bago pa maging pangarap.

Sa kabila ng kaliwa’t-kanang unos;
ang lahing kayumanggi ay hindi matitinag,
sa kumunoy ay hindi lulubog
maglalakbay, patuloy na babangon
sapagkat lagi itong nakaluhod.