Araw ng mga Puso bukas

Ang puso
ay simbulo ng pagmamahalan
Lalo na sa magsing-irog at magkakatipan
Makikita sila sa mga pasyalan
Nagkukwentuhan, nag-aakbayan at nagyayakapan
Na kay-tamis pulot-pukyutan

Maging sa mga kabataan ito’y pinagdiriwang
Gayak rin sa lakwatsahan, sa mga mall at plaza
Sama-Sama, grupu-grupo, mga barkadahan
At ang iba’y ka-date ang kanilang mga magulang

Panibagong hamon

Papakabila na naman tayo ng Taon
Ano nga ba ang mga nangyaring naaayon?
Sa buhay na di naman sa atin
Tandaang ito’y pahiram lamang sa atin

Patuloy ang ragasa ng alon sa pampang
Salamat sa patuloy na pagsilay ng araw
Tayo’y humihinga pa ng hangin
Hanging malinis na kung tawagi’y oxygen

Alagaan ang ating kalusugan
Mag-ingat sa ating kinakain
Gulay at prutas nagbibigay lakas
Ehersisyo ay gamot dulot ay lunas

Maging matatag nawa tayo
Sa Kalikasang pagsubok gaya ng bagyo
Humingi ng awa sa Panginoon
Na palisin ang kalamidad, iligtas ang ating nasyon

Ang pangarap ay kailangan ng sipag
Ngunit higit sa lahat ay kalooban ng Maykapal
Manatili sa matatag na pananampalataya
Laging manalangin, hawak NIYA ang buhay natin

Maligayang Pasko, Manigong Bagong Taon!

12-25-14

Torotot

Salitang di lamang para sa pindeho
Maaari ring instrumento ng mga musikero
Kapag bagong-taon inirerekomenda ito
Gamiting pang-ingay imbes na piccolo

At nang mapalis ang masasamang espiritu
Pumasok ang suwerte na para sa iyo
Pag-asang inaasam ay darating na
Huwag ka lang susuko hangga’t may hininga

Maligayang bagong-taon sa lahat!!! Pasensiya na.

Disyembre 31, 2013, umaga
Gf—(ako yon)

Pag Sumapit ang Bagyo

Paano na ang Pasko

Pag sumapit ang bagyo?

Ang pangnotsebuwena

Inanod sa kalsada.

Wala nang kakabitan

Ng adorno at ilaw

Ang marupok na dingding

Binaklas na ng hangin.

Hindi na maririnig

Mga pamaskong himig

Walang radyo’t dagitab

Pati gitara’y biyak.

Ang krismastri’y nabugbog

At putik ang bumalot

Kasabay na nagutay

Ang aning kabuhayan.

Sa likasan, humantong

Laging banta ang gutom

Gutay na rin ang saplot

Bawat araw, malungkot.

Ngunit Pasko’y nar’yan pa

At ito’y makikita

Sa kapwang nagmamahal,

Dumaramay, may alay.

Kahiwagaan ng Buhay

Hiwaga ay kakaiba,
Sapagkat ito’y nakapagtataka.
Taliwas sa dapat asahan,
Hinahamon ang katuwiran,
Tulad nang Pagkakalikha,
Iyong itanong sa May-Akda,
Ang lalim ay hindi mahinuha,
Nang magising nang isang umaga,
At darating nang di namamalayan,
Walang putol na pagtulog,.. unan ay kamatayan,
Ganyan lang naman tayo,
Mga mortal na tao, sa ibabaw ng mundo,
Kaya’t huwag masiphayo, kung ang biyaya’y madalang,
Ang ating Kapalaran,.. tanggapin na lamang,
Gaya ng manok ko nang ito’y manalo,
Pero iba ang layon ng manok ni San Pedro.

10-19-12
gf

Sa Aking Ama

May tatay kung mag-alyas

Na sa galaw ay ungas

Aking bayolohikal

Na ama ay simple lang

Ama di lang sa tawag.
[Read more…]

Impitsment at Ekonomiya

Naisaimortal na ang dalawampung senador sa payak na pagboto na nagkasala si (dating) punong mahistrado Renato Corona sa isinagawang impeachment trial. Maihahanay ang yugto na ito ng kasaysayan ng bansang Pilipinas [Read more…]

“Vote for Jessica”

 

Waring makapanindig-balahibo sa Pinoysphere o kolektibong psyche ng mga Filipino saanman ang pagkakaabot ni Jessica Sanchez sa “top two” ng programang pangtelebisyon na American Idol. Medyo  halata  na  ‘manok’ siya ni Jennifer Lopez na isa sa mga hurado sa  palatuntunan. Pero sa huli’y paligsahan sa popularidad ang AI na ang boto ng mga manonoood ang magpapasya.

 

Bilang ‘American news’, halos banggit lang sa mga peryodiko at ulat-telebisyon ang katatapos na resulta ng AI. Mas malaking balita ang mga laban sa play-off ng NBA, mga liga sa besbol, futbol, at ibang isports. Pero sa mga balitang-Pinoy ay maiimpatso ka sa mga diskusyon at opinyon tungkol sa sinapit na ‘trahedya’ ni Jessica. Nakukuwestiyon ultimo kaluluwa ng programa. May paratang na nadaya si Jessica. May napasama lang sa top two na may dugong-Pinoy, na di nanalo, ay biglang nagkaroon ng dayaan sa isang programang nakalabing-isang taon na?

 

Walang dayaan at wala ring himala. Sa huli, panalo sa bilang ng boto si Philip Philips. Hindi ito nakapagtataka. Sa populasyon ng US, pitumpu hanggang walumpung porsiyento pa rin ang nabibilang sa lahing Puti o Caucasian. Wala pa sa limang porsiyento ang populasyon ng lahat ng Asyano kabilang na ang mga Pinoy. Kahit pagsama-samahin ang lahat ng kulay: Itim, Asyano, Hispanik (na binubuo ng mga Mehikano, Puerto Ricano, Cubano, atbpa.) pati na ang mga Native American ay minoridad pa rin kumpara sa mga Puti. Ang mga Pinoy at may dugong-Pinoy ay mistulang patak lang sa timba ang bilang. Reyalidad na ang mga manonood, pagdating sa mga kontes, ay papabor sa kakulay. Sa kasaysayan ng AI, maliban sa dalawang may lahing Itim, ay puro lahing Puti ang nagwagi. Kung susuporta rin lang sa may kulay ang mga Puti madalas na angat ang simpatya nila sa mga lahing Itim sapagkat mahaba ang pinagsasaluhang kasaysayan ng dalawang lahi. Sa isang banda, masisisi ba ang ibang lahi gaya ng mga Puti sa pagboto sa kakulay nila kung kahit ang mga Filipino ay ‘kahinaan’ din ito?

 

May mga nagsasabing kasi raw ay “American Idol” ang pamagat kaya dapat laging ‘Amerikano’ ang magwawagi. Hindi ba isang ‘Amerikano’ si Jessica Sanchez? O kahit si Jasmine Trias? Ibig kong sabihin, walang tiyak na kulay ang pagiging mamamayang Amerikano. Kahit saang bayan nagmula ang mga magulang, ang anak na isinilang sa US ay Amerikano. Amerikano rin kung nag-naturalize. Pero kahit pare-parehong Amerikano ay grupo-grupo batay sa lahi o kulay.  Ang mga lahing Puti sa US ay nahahati sa Ingles, Italyano, Aleman, Pranses, o Griyego pero nagsasama-sama sila bilang lahing-Puti. Ganundin ang mga Itim (Jamaica, Haiti, Africa). Ganundin ang mga  Asyano  at  Hispanik.

 

Ang pamagat ng programa ay hindi “America’s Best Singer”. Ito’y “American Idol”. Kaya saan papasok ang paratang na si Jessica ang dapat na nagwagi pagkat siya ang mas mahusay na mang-aawit? Ang AI ay di pahusayan sa pagkanta. Ito ay populariti-kontes. Para maunawaan ito, panoorin ninyo ang mga unang yugto sa isang ‘season’ mula sa inisyal na iskrining na ang libo-libo ay sinasala ng mga delegadong hurado bago makaabot para sa paghatol ng tatlong selebriti na hurado at pagkatapos ay hahantong sa bahaging ang mga manonood  na  ang  bumoboto. Hindi nawawala ang ‘lapses’.

 

Problematiko ang sumukat ng husay, galing, o antas ng talento na boto ng publiko ang magpapasya. Kahit si Manny Pacquiao ay malabong manalo sa Amerikanong katunggali sa boksing kung pagkatapos ng laban ay dadaanin sa teks ang panalo. Hindi dapat umasa ang mga Pinoy na mananalo na si Jessica dahil sa mas may talento. Maaaring ang ginawa ay isang agresibong kampanya sa ibang lahi na siya ang iboto. Magpamudmod ng mga flyers sa mga kalsada sa lahat ng estado. Kulitin ng mga Pinoy na nars ang mga pasyente at kamag-anak ng mga ito na bumoto kay Jessica. Pati ang mga guro sa mga estudyante nila. Isingit ng mga call center agent ang plugging pag may nakausap na Kano. Magdikit ng istiker sa mga sangay ng Wal-Mart, Macy’s, Sears, Piggly-Wiggly at pati sa mga McDonald‘s. Mag-lobby na rin sa Washington D.C.

 

Sino ang nakaaalala kay Sanjaya Malakar? Si Sanjaya ay isang nakaaaliw na personalidad. Flamboyant at passionate siya sa pagtatanghal. Pero ang boses niya ay pampasyon. May mga nagtanong kung paano siya nakalusot sa eliminasyon bago pa man naging salik ang boto ng mga manonood. Nagsimula sa isang ‘joke’ sa pagitan ng mga hurado. Mas itinuring siyang komedyante imbis na mang-aawit. Sumali pa si Howard Stern sa eksena. Si Stern na tinaguriang ‘shock jock’ ay sumikat sa pang-uudyok ng mga bagay na para sa marami’y kabastusan o kontra-moralidad. Madalas din ay trip niya lang mambulabog. Kaya sinimulan niya ang malawakang kampanyang “Vote for Sanjaya” at “Sanjaya for American Idol”. May reputasyon din si Stern bilang ‘king of all media’. Nagbukas siya ng websayt para sa kampanyang ito. Milyon ang nakiloko at sumuporta sa ‘kilusan’ ni Stern. Tuloy-tuloy sa pag-angat patungo sa finals si Sanjaya. Sa pagitan ng perpormans sa AI ay nagiging guest si Sanjaya sa mga late night show na ginigisa siya ng mga komedyanteng host na sinasakyan naman niya, ginagawang katatawanan ang sarili at kasikatan sa AI. Sa huli’y di na nakatatawa para sa management ng AI. Nalalagay  na  sa  alanganin ang integridad ng programa. Pero wala silang magagawa hangga’t mismong mga manonood ang bumoboto para huwag maalis si Sanjaya. Kaya gumawa ang AI ng seryosong panawagan sa mga manonood na ayusin at huwag gawing laro ang pagboto.

 

Ang “Sanjaya experience” ay isang patunay na maaaring maniobrahin ang AI para sa kagustuhan ng mga manonood at pagbibigay-diin na di talaga pahusayan sa pagkanta ang programa. Ito’y parang sarbey lang ng manonood. Kapansin-pansin na kahit sa Indiya na bayang pinagmulan ng angkan ni Sanjaya ay di nagkaroon ng ingay. Kung ang sangkot kaya ay nagkataong isang Pinoy, paano tatratuhin ng mga kapwa-dugong-Filipino ang ganoong ‘laro’? Iiral pa rin kaya ang notoryosong pagkauhaw ng mga Pinoy sa isang  ‘mababaw’  na  anyo  ng karangalan?

 

Noong panahong ang mga hurado ay sina Paula Abdul, Randy Jackson, at Simon Cowell ay naging ‘terror’ ang huli sa mga kontestant sa maaanghang na salita. Pero sa tatlo’y siya rin ang maaasahang aaproba sa kontestant batay sa galing sa pagkanta. May tendensiyang magbigay ng pasadong marka sina Abdul at Jackson batay sa ‘gaan ng loob’. Pero naging negatibong puntos din sa programa ang pagkaistrikto at pagkaantipatiko ni Cowell na masyadong teknikal at wala nang kunsiderasyon sa mga kung tawagin ay ‘intangibles’.

 
(Artikulo ng may-akda sa kolum niyang “Estado” sa diyaryong Fil-Am MegaScene na may sirkulasyon sa Chicago at Hilagang Illinois.)

 

Banal na may Banil

Libong beses na makabubuti pa

Ang maging harapang ashol

Kesa magbanal-banalang

Singaw-asupre ang tumbong.

Dala-Dala Mo ang Iyong Halaga

Dala-dala mo ang  iyong  halaga

Kaya dito’y walang makakakuha

Wala ring makapagbibigay  nito

Huwag mong lokohin ang sarili mo.

Ang halaga ay nasa pag-iisip

Kahayuka’y hindi maililingid

Bilib  sa  gawa-sa-buhanging  setro

Huwag mong lokohin ang sarili mo.

Ang halaga ay nasa pagkilala

Ng kapasyahang parehas kahit pa

Mapag-isa,   walang  inagrabyado,

Huwag mong lokohin ang sarili mo.

Ang halaga ay nasa bawat galaw

Gaano ka kalalim o kababaw

Sa pagpili at pagpalit ng amo

Huwag mong lokohin ang sarili mo.

Ang  halaga’y  di  marapat  sukatin

Subalit ang may pangarap at haling

At magkaiba at mapagsisino

Huwag mong lokohin ang sarili mo.

Homiletiks

 

Tawagin na lang natin siyang si Scalabrino. Isang lalaking Italyano ang lahi. Mas maliit sa akin at payat. Halos puti na ang lahat ng buhok at balbas, nasa paga-sisenta. Beterano ng Digmaang-Vietnam, na sa mga hindi pa alam ay nagtapos noong 1975. Hindi ko alam dati na pati siya’y naging GI bagaman marami nito sa mga teknisyan at may mga dating US navy na nadestino sa Subic. Manipis kasi ang katawan at batay sa pananaw niya sa mga bagay-bagay ay parang isang hiping kulelat. Hindi rin ibig sabihing hindi talaga nagiging hipi ang mga dating militar. Pero malay ako na isa siyang solidong Republican at ang isa pang dating kapwa-teknisyan sa 3rd shift na katsokaran namin pareho, may lahing-Ingles, tawagin nating si Woody na die-hard GOP din.

Nakita niya ako na nasa opisina ko na bukas ang pintuan, bumati, at di nag-alangang pumasok. Kipkip niya ang isang plastikbag ng bukstor ng Barnes and Nobles na naglalaman ng isang katamtamang libro. Malamang na binabasa habang naka-duty. Pauwi na siya at dumaan lang sa Unit Building para ilagay ang pangalan niya sa talaan ng mga nagboboluntaryong mag-overtime. Hindi mo iisiping wala pang tulog magdamag  sa  sigla.

May reputasyon sa kilometrikong pagkukuwento si  Scalabrino. Nagkataong nasa mood akong makinig, at sinasadya kong gawing punto ang makinig sa mga kuwento. Masyado nang na-outnumber sa mundo ng mga ‘talker’ ang mga ‘listener’. Di   masamang  sadyaing ilagay ang iyong sarili sa minorya.

 

 

Maliban kung may emerhensiyang dapat unahin, tungkulin din naman ng nakatataas na pakinggan ang mga sentimyento ng mga sabordineyt. Nakaupo ako sa hapag ko, nanatiling nakatayo si Scalabrino. May mga bakanteng upuan at di na kailangang sabihin ko sa kanya na maupo siya dahil wala kaming  agenda. Pero tila kailangang nakatindig siya para mabalanse ang sariling puwersa sa pagsasalita. Ipinatong  niya lang ang hawak na libro. Sa gawing ulunan niya’y may orasang-dingding kaya maoorasan ko ang pagdidiskurso niya. Di ko puputulin ang mga nais niyang sabihin. Hahayaan ko lang siya. Tape recorder lang ang makabibihag nang ganap sa lahat ng tinuran niya sa mabilis na pagsasalita at paglipat-lipat ng paksa.

 

 

May sinabi siya tungkol sa isang batas na magpapabago sa buhay sa US na malapit nang ipatupad ng administrasyong Obama na, anya, ayon sa sinabi sa kanya ni Woody. Isang taon ang nakararaan noong panukala pa lang ang batas na ito ay kategorikal na nagsabi si Pangulong Obama na tututulan niya ito. Ngunit sa palihim na paraan at lumusot sa monitor ng midya, ani Scalabrino, ito’y naaprobahan din. Di isang beses lang gagamitin ni Scalabrino ang ekspresyong “lumusot sa monitor ng midya”. Susunugin ng nasabing batas ang mga fundamental na karapatan na nakasaad sa konstitusyon. Ang batas na ito ay magbibigay-karapatan sa awtoridad  e.g. kapulisan na dumakip at magkulong sa sinumang paghinalaang nasa impluwensiya ng alak. Wala nang due process. Makukulong ka na nang indefinite. Ito ay batay sa sinabi ni Woody na alam kong manginginom at di isang beses nagkaroon ng personal na problema kaugnay ng pag-inom. Unang banat kay Obama.

Paiskets lang ang salaysay ko dahil hindi madaling i-recall nang buo sa kabuuan ang diskurso. Kahit pa di ako gumamit ng utak para magbigay ng reaksiyon bagkus ay sadyang nakikinig lang sa kanya.

Biglang lumiko kay Ron Paul. Si Paul ay isa sa mga kontender para maging standard bearer ng partidong Republican. Anya, ang diskarte nito’y biglaang tapyasin ang maraming serbisyo at benepisyo na ipinagkakaloob ng gobyernong federal gaya ng medicare. Drastiko. Napamaang ako. Akala ko’y isusunod niya ang kritisismo sa kandidato ngunit idinugtong niyang ito ang paraan para unahan ang mga banko sa plano ng mga ito. Walang babala na magsasara ang mga banko dahil walang usad ang gobyernong federal sa pagsolusyon sa malubhang deficit sa badyet.

Susundan niya ang diskurso ng bigtaym na pagbira nang patalumpati, o sa madaling-salita’y ‘rant’, laban sa mga banko at mga bankero na sa kahatulan niya’y mga salot ng sansinukob. Bumanggit siya ng mga pigurang historikal. Anya, pinatay si John F. Kennedy sapagkat naglayon itong buwagin ang Federal Reserve na anya pa’y may titulong ‘federal’ ngunit ang totoo’y pinatatakbo ng mga pribadong tao at walang katapatan sa US.  Ito  rin ang dahilan kaya pinatay si Abraham Lincoln – may nasabi rin siyang nagpanerbiyos sa mga bankero. Pagkatapos ay pinapansin niya sa akin si Theodore Roosevelt. Isang pangulong ‘macho’ na nanindigan laban sa mga bankero. Kaya sa Mt. Rushmore ay may busto siya kahilera sina George Washington, Thomas Jefferson, at Lincoln.

May aklat ang isang awtor na Indiyan na nabasa niya na sadyang marunong, anya, na 1995 pa ay nagbigay ng forecast tungkol sa mga magaganap na recession. Matatandaan na nagkaroon ng resesyon sa Timog-Silangang Asya kabilang ang Pilipinas noong 1998. Nito na lang huli sa ekonomiya ng US. Nais niyang ma-enlighten ako sa konspirasi ng mga bankero sa mundo na kayang manipulahin ang patutunguhan ng ekonomiya at ang lahat ay artipisyal na pangyayari na nasa ilalim ng kontrol ng mga ito.

Bumaling naman siya sa relihiyon. Sa lahat ng fundador ng relihiyon, ayon sa kanya, si Hesu Kristo lang ang may mensahe ng pag-ibig. Pero minsa’y nagwala si Hesus. Itinaboy niya ang mga puwesto ng mga nagpapautang sa templo saka kumuha ng latigo at nilatigo ang mga ito. Sila’y kumakatawan sa mga bankero sa modernong panahon.

 

 

Habang nagsasalita manaka-naka’y napapasulyap siya sa gawing pintuan na inaalam kung may ibang tao. Ngunit walang patlang ang pagsasalita niya. Kahit lumilingon-lingon ay patuloy siya sa mga sinasabi.

 

 

Sentido-kumon, ito ang wala ang maraming tao. Bakit, tanong niya, napakaraming tao ang hindi man lang marunong sumuri. Nabubuhay na lang sila nang parang siklo. Anya, may sinabi si Woody sa kanya na na-quote nito mula kay Nietzche. Si Nietzche…nangapa siya sa isip kung paano ide-describe si Nietzche. Isang pilosoper, ‘kako nang hindi ako nakatiis na di sumabat. Iglap ang pag-ayon niya. Hindi niya maalala ang eksaktong linya nito. Pero naalala niyang natumba siya nang marinig ang sinabi nito na sinabi naman sa kanya ni Woody. Amazing, sa kanya, ang sinabi. Ayokong isuhestiyon ang linyang “Patay na ang Diyos”. Tiyak na di ito dahil relihiyoso siya. Tungkol daw sa pagiging nakaprograma ng tao. Nagpramis siyang hahanapin ang linyang iyon para verbatim ay masabi niya sa akin.

Sa sumunod na tungayaw ni Scalabrino ay inatake niya ang mga nakapag-aral ng mataas na edukasyon nang mapasulyap sa mga papel na nagsasaad ng mga tsart, graph, at triangulation sa mesa. Maraming degree holder, sabi niya, pero walang sentido-kumon. Ipinaliwanag kong sa praktikal ay mainam ang may formal na pag-aaral sa modernong panahon para sa tawag ng espesyalisasyon. Halimbawa,  kung  doktor ka sa atay ay doon lang nakatutok ang dagdag-kaalaman mo. Magpapaliwanag pa sana ako pero sa tingin ko’y patungo na siya sa susunod niyang diskurso.

Biglang napunta ang talakay sa mga bagay na nakasasama sa kalusugan at sa kabuuang eksistensiya at preserbasyon ng tao bilang specie sa planetang daigdig. Nagdiskusyon siya tungkol sa mga pagkaing ‘genetically modified’. Binanggit din niya ang paglipad ng mga eroplano (may kasamang muwestra at tunog) at pagkakalat ng erosol (aerosol) na nalalanghap  sa  lupa. Hindi ko ganap na makuha ang lohika sa ilan sa mga sinasabi niya sa mga araling pang-agham ngunit hindi ako nagtatanong. Ang kongklusyon niya’y labis ang kasamaan na ng tao. Walang  kiber kung mapinsala ang planeta. Napaka-selfish, anya. Ginagawa ang pamiminsala pagkatapos ay nagkakaroon ng mga anak na pag-iiwanan ng mga dumi. Ang pagkakaalam ko’y walang asawa o anak si Scalabrino sa kabila ng limpak-limpak na kinikita niya. Nagbabayad siya ng limpak-limpak sa storage fee para sa sari-sari niyang abubot na gaya ng mga bagay na antique, mga aklat, at pati mga lumang magasin. Walang dudang mahilig siyang magbasa. Umuulan ang diskurso niya sa mga citation at mga reperensiya mula sa Wall Street Journal hanggang sa aklat ng mga awtor na ang pangalan ay madalas  hindi  niya  maalala.

 

 

Emosyonal siya sa isyu ng preserbasyon ng kalinisan ng mundo at, impliedly, sa kalinisan ng genes ng tao bilang specie sa planeta. Nagpahiwatig siya na malay siya na may mga nagmamaliit sa saysay ng kanyang mga pag-aalala. Kailangang talakayin ito, katwiran niya. Ikinuwento niya ang pagpunta sa Veterans Hospital (pagamutan ng mga naging sundalo) dahil sa mga kakaibang nararamdaman pati na ang kati ng lalamunan. Lahat nang ito’y isinisisi niya sa mga manipulasyon sa kinakain at paglason sa hanging nasasagap. Ikinuwento niya na noong nasa Vietnam siya ay itinalaga siya sa isang lugar na di niya alam ay imbakan pala ng Agent Orange. Halos may halong gigil siya pag pinagbabalikan ang naging paglilihim na ito sa kanya ng mga superyor. [May ilan na nakausap ako na mga dating GI na may paranoya sa mga kamaldituhang kayang gawin ng gobyernong-US sa sariling mga tropa nito. Pero halos lahat din ay sa Veterans Hospital na ospital ng gobyerno tumatakbo pag may naramdaman sa katawan.] Parang nahulaan ko rin bakit hindi niya ginustong magkaanak. Binigyang-diin niya ang selfishness. Gusto mong maipreserba ang lahi mo pero wasak na mundo ang iiwan mo sa mga anak mo? May pilosopiya ng paglipol sa sariling specie sa pamamagitan ng boluntaryong pagtigil na masundan pa ang lahi. Makasarili at pansarili ang layunin ng paglikha ng bagong henerasyon kung nais mo lang maipreserba ang lahi mo gayong magdurusa lang sila sa uri ng mundong ikaw din ang sumira. Bakit mo pa sila hahayang maisilang?

Dumako siya sa ‘doomsday scenario’. Ang ama niya raw ay isang migrante. Ni hindi nakapag-aral. Isang manginginom. Bata pa siya noon, natatandaan niya ang minsang sinabi nito habang lasing. Na darating ang araw pag nagbukas ka ng pinto ay bubulaga sa iyo ang sangkaterbang nagugutom at walang tanong-tanong o permiso na papasok sa bahay mo para maghanap ng makakain. Sa una’y iisiping hulang-lasing pero ngayo’y nakikini-kinita niyang nagkakahugis ang mga sinabi nito.

Bumalik siya sa paksang-bankero. Minsan naglalakad siya sa La Salle Street (sa downtown ng Chicago) na lugar ng mga banko. Nagulat siya nang mapansing wala na ang isang malaking karatula ng Bank of America na pamilyar sa kanya sapul bata pa siya. Sa tono ng lahad niya’y sadyang big deal ang pagkawala ng karatula. Na babala na ito ng kalagiman na magaganap. Magsasara ang mga banko. Kakalat sa kalsada ang mga walang bahay, gutom, desperado. Kaya  preparasyon  na  ng  administrasyong   Obama   para   sa sitwasyong ito ang batas na nagpapahintulot sa arbitraryong pagdakip at pagpiit sa sinumang paghinalaang wala sa tamang katinuan. Misteryoso, sa tingin, ang batas na iyon at bawat batas ay may isponsor at labiyista (lobbyist) – sino ang mga ito? Siya na rin ang sumagot: ang mga militar, ang Pentagon.

 

 

Nabanggit muli si Pangulong Obama kaya tila paralelo nito na nabanggit din muli si Ron Paul. Gusto niya si Ron Paul pero ang problema rito’y Republican sa labas pero libertarian sa loob. Payag sa aborsiyon, atbpa. Humingi pa siya ng pagsang-ayon sa akin na ang kahulugan ng ‘libertarian’ ay free-thinker o bukas ang isipan sa lahat ng ideya na mas tatak na ng lapiang Democrat kesa Republican. Walang tsansa si Ron Paul, sa tingin niya, pero wala rin siyang mapili kina Romney o Gingrich. Saka niya ipinaalam ang tunay na plano ni Ron Paul. Gusto lang nitong pasikatin ang pangalan ng pamilya niya para sa anak niyang papalit sa kanya sa pulitika.

Pagkatapos ay naging medyo ‘weird’ na ang tumbok niya. Sa simula ay parang nag-uulat na sinabi niyang kahit ang Tsina na namayagpag nang ilang taon ay umaming nakakaranas na rin ng pagdausdos ng ekonomiya. Magiging mainit itong pumatol sa mga bulabog. Desidido ang Pentagon na brasuhin ang Iran na kaalyado ng Rusya. Katatapos ko lang mag-almusal sa mesa ko at may bote ako ng Welch’s fruit punch. Tinungga ko ito.

Minsan naaalimpungatan daw siyang parang may umuugong sa ilalim ng lupa. Parang isang uri ng motor. Hindi niya pinansin. Nagulat siya nang malamang may mga nagsasabing nakakaranas din nang ganoon sa ibang estado at pati sa ibang bayan. Meron sa Sumatra, sa Costa Rica. Anya, may malalakas na ngayong panghukay at ang mga ito’y ginagamit para magprepara ng kanlungan pag di na matitirhan ang ibabaw ng lupa. Mga bankero rin daw ang nasa likod ng mga ito para sila lang ang makaliligtas.

 

 

Napasulyap ako sa orasang-dingding, mahigit isang oras na siyang nagmomonologo. Wala pa siyang tulog magdamag, naisip kong dapat na siyang umuwi at ayokong ang pagbibigay sa kanya ng bukas na tenga ang maging sanhi ng pagkabalam ng kanyang pahinga. “Take it easy,” sabi ko sa tonong nagpapahiwatig na may mga gagawin pa ako. Mataas pa rin ang enerhiya niya. Sinita ang ininom kong fruit punch. Puro asukal daw. Sabi ko’y may tubig din ako at maliit na bote lang ang ininom ko. Mas mabuti raw ang kape. Nagdadala siya kung minsan ng kung anu-anong mga organikong pagkain at pati na kape.   Siya   rin ang nag-demonstrate na marumi ang tap water. Naglagay siya ng tap water sa isang baso at saka pinatakan ito ng kung anong likido na lumikha ng kulay sa tubig at ang kulay na iyon daw ang tanda ng dumi. Hilig niya ang ‘Indian food’ pero kahit ito’y hindi na niya masiguro kung okey pa rin. Pati mga gulay delikado na raw. Saka siya tuluyang umalis.

 

 

Sa kabuuan, si Scalabrino ang tipong sagad sa laman ang utak na ibig niyang ibahagi pero malay din siya na dapat ay may sistema o sining sa pagsasabi ng mga ito. Malay siya na kailangan ang pag-iingat sa kapakanan ng accuracy ng mga pahayag. Napansin kong malalim ang kaalaman niya sa heyograpiya, kasaysayan, at iba pang aralin. Pero  ang  kaso, at ito ang laging problema sa mga nagsasariling-basa, ay ang pagproseso ng mga kaalaman sa konteksto ng kabuuang senaryo. Hindi mainam na may mga nakatato na sa iyong pagkiling. Kung inherent, halimbawa, ang di mo pagpabor kay Pangulong Obama may tendensiyang sagpangin mo na lang ang anumang masamang pidbak tungkol dito nang walang sapat na pagsusuri. Kung kahinaan mo ang ekstremong perspektiba ay laging may histerya sa halip na moderasyon ang paraan ng pagsipat sa mga ideya at bagay. Hindi dapat kalimutang ang mga nababasa ay di awtomatikong katotohanan na ‘easy reference’ sa pangungumbinsi.

 

 

Sa kabuuan pa uli ay masasabing si Scalabrino ay isang mabuting tao na may (abstraktong) malasakit sa nasa labas ng sarili at lampas sa sarili. Gaya nang sabi niya’y kailangang talakayin ang mga tinalakay niya dahil hindi dapat hayaan lang ang mga nagaganap at manahimik. Siya’y isang taong mahilig sa kaalaman gaya nang maraming ibang taong nakilala ko. Ngunit, kagaya rin sa mga taong ito, nakapanlulumo kung ang kaalaman at malasakit ay di naisasaayos. Nagpapahayag na animo’y naghahagis lang ng mga abubot mula sa isip.

 

 

Sa maliit na aklatan sa opisina ko’y kinuha ko ang librong “Bernanke’s Test (Ben Bernanke, Alan Greenspan, and the Drama of the Central Banker)” ni Johan Van Overtveldt. Nasa pahina 125 ang marker ko – hindi na umusad mula roon. Matapos ang sermon ni Scalabrino, muling nagising ang interes ko sa libro. Ipagpapatuloy ko ang pagbabasa. Pero agad din akong nawalan ng gana. Wala kasing drowing ang mga pahina.
***

Teatro Clockwise ng Waukegan

 

 

Napag-alaman ko ang pagbubukas ng Teatro Clockwise sa Waukegan downtown dahil sa mga paskil (post) sa Facebook tungkol dito ng mga prominenteng residente ng siyudad partikular si Gng. Joan Takamoto-Sabonjian na walang pagod sa walang humpay na kapo-promote ng mga ebento at planong pangsining at pangkultura sa siyudad na siya ang Unang Ginang.

Nasa Kalye Genesee sa pagitan ng mga Kalye Washington at Avenida Grand sa Waukegan downtown ang Teatro Clockwise. Kahilera at ilang hakbang lang ang layo sa elegante at ‘Lake County landmark’ na Teatro Genesee. Nasa anino, sa madaling-salita, ang  TC ng multi-milyong gusali ng TG. Ngunit ang teatro ay teatro. Ang ibig sabihin, sa labas ng salik ng pisikal na aspeto ang bawat teatro ay may sariling tatak/identidad. May sariling anyo at pagkakakilanlan bilang lunan ng sining ng pagtatanghal. Dinadala nito ang personalidad ng mga tao  na  nasa  likod  nito.

Isang ‘understatement’ kung sasabihin kong pabor ako at nalulugod sa pagdagdag at pagdami ng mga teatro at grupong teatro sa itinuturing kong siyudad na tahanan ngayon, ang Waukegan. Wala sa reputasyon ng Waukegan na isa sa mga ‘best medium-size city’ sa US o sa pagiging sentro ng sining at kultura. Pero birthplace at hometown ito ng primera-klaseng manunulat ng sci-fi na si Ray Bradbury, alas-komedyanteng si Jack Benny, at bayani-sa-komiks na si Johnny Blaze. Sa eryang downtown nito’y matatagpuan ang mga antigo (isang siglo o mahigit ang edad) na gusali at parkeng pantalan na batbat ng mga yate sa Lawa ng Michigan. Isang ideyal na lugar para sa hanap na kontradiksiyon ng isang alagad-sining na katiwasayan para sa pagdidili-dili at aktibidad para sa interaksiyon.

Magkalapit ang dalawang sentro ng pagtatanghal sa Waukegan downtown, ang Teatro Genesee at Teatro Clockwise. Kung ang TG ay mistulang korte ng hari ang TC ay parang baraks ng mga sundalo. Maikukumpara sa isang bodega na nilagyan ng dibisyon sa gitna na ang harapan ay ang lobby/reception area at sa kabila/likuran ng inilagay na harang ay ang tanghalan. Maliban sa hapag ng isang front desk clerk, sala set, buletinbord, at ilang lamesita ay halos hubad ang paligid ng Teatro Clockwise. Nakakuwadro sa dingding ang napablis na artikulo tungkol sa teatro at rebyu ng dula. Payak, level sa lupa ang tanghalan – tipikal na/sa ‘teatrong bodega’. Ang perpormans ng mga aktor at produksiyon ang nagbibigay dito ng mahikal na transpormasyon kaugnay ng ‘willing suspension of disbelief’ ng manonood.

Pangalawa sa huling araw ng pagtatanghal ng dulang “Panunuyo sa mga Bampira” (“Courting Vampires”) ang inabot kong nasa marquee o, mas eksakto, sa poster na nakadikit sa dingding na salamin ng teatro. Ito’y dulang may dalawang oras na haba at tatlo lang na karakter. Mula sa panulat ni Laura Schellhardt at direksiyon ni Alexandra Main. Sa cast ay sina Norma Serna at Christina Thodos bilang magkapatid na Nina at Rill Archer at si David Thomases sa iba’t ibang papel mula sa colleague hanggang sa mangingibig hanggang sa ama ng magkapatid.

Ang tagpuan ng dula ay sa loob ng isang korte na umiiral sa loob ng isip ni Rill Archer. Depende sa dinidiskusyon ng mga karakter, nag-iiba-iba ang tagpuan na ang background ay napapalit-palitan sa pamamagitan ng paggamit ng projector kaalinsabay ng pagpapalit-palit ng panahon, eksena, at papel na ginagampanan ni Thomases. Ang sementeryo ay prominenteng tagpuan ng mga eksena na marapat kaugnay ng gotiko (gothic) na tema ng dula.

 

 

Sentral na reperensiya sa dula ang isang lumang librong ninakaw ni Nina sa aklatang-bayan, malaking makapal na aklat na naninilaw na ang mga pahina, at may kaugnayan sa ‘figurative’ na transpormasyon nila sa pagiging bampira.

Ang lumang libro ay may pamagat na “Mga Nilalang ng Takipsilim” (“Creatures of Twilight”). Ang twaylayt (twilight) na tinatawag ding ‘dapithapon’ at/o ‘takipsilim’ ay ang bahagi ng maghapon na tradisyunal na iniuugnay sa kaisipang mahikal/mistikal. Pansinin ang mga sinaunang salitang Tagalog na ‘dapithapon’ at ‘takipsilim’. Bagaman kumakatawan ang dalawang salita sa isang tiyak na yugto ng maghapon/panahon ay may pagkakaiba ang gamit nila ayon sa konteksto. Ang salitang ‘dapithapon’ ay nagbabadya o nagpapahiwatig ng kapanglawang hatid ng pagsapit ng karimlan bunga ng paglubog ng araw. Na winawakasan nito ang kaliwanagan/aliwalas ng maghapon at mga konotasyon nitong positibong bagay. Sa  isang  banda,  ang  salitang  ‘takipsilim’ ay di ganap na kalungkutan ang ipinadarama bagkus ay may halong pagkabahala na tila ba ang pagtatapos ng liwanag ay pagsisimula ng kadiliman at mga kaakibat nitong misteryong waring likas na tuwing sasapit ang gabi. Kaya minarapat ko ang ‘takipsilim’ sa halip na ‘dapithapon’ sa ginawa kong pagsasalin upang magbigay-diin sa tono/tema ng kalagimang ipinahihiwatig ng titulo, at istorya na rin, ng dula.

 

 

Hindi naman talaga katatakutan ang “Panunuyo sa mga Bampira” sa paghahambing nito sa tradisyon ng mga ‘mababaw’ na horror film kabilang/partikular ang serye ng aklat/pelikula na “Twilight” bagaman mahahaka na ang kontemporaryong popularidad/meme ay sinakyan ng dula.

Nasa isandaang tao ang nakaupo (sitting) na kapasidad ng Teatro Clockwise. Humigit-kumulang sa pitumpung tao ang kasama kong nanood – ito’y bilang na malayo sa inakala kong hindi aabot sa kalahati ng kapasidad ang magiging odyens. Puro lahing Puti sila, disente ang mga kasuotan at demeanor. Kung ito ang tipikal na bilang ng mga manonood tuwing tanghal ay masasabing di na masama at senyales na masusustena ng benta ng tiket (15 dolyar-US + service charge) ang operasyon ng teatro bukod sa pagkalap nito ng mga donasyon at tulong-pinansiyal mula sa gobyerno at pribadong institusyon. Pang-adulto ang dulang “Panunuyo sa mga Bampira” na ang marami sa odyens ay 40-taon pataas. Di ko alam ang educational at economic background ng odyens pero ang mga patron ng dula ay laging isang tiyak na hanay saanmang lipunan at estado kung alam ninyo ang ibig kong sabihin.

 

Ang ikinahanga ko sa Teatro Clockwise ay ang bisyon at misyon nito na nakaugnay sa pagsusulong ng Waukegan bilang sentrong pangsining at pangkultura. Na ito bilang teatro at ang Lungsod-Waukegan  ay  magkakabit-pusod.  Layunin  nito  na  maghandog ng mga dula kabilang na ang mga ‘world premiere’ bilang alternatibang libangan na may empasis sa mga mandudula (playwright) sa Midwest, sa mga naiiba at small-scale na musical, at sa mga adolesenteng odyens. Ang Waukegan, ayon sa websayt ng Teatro Clockwise, ay isang masigla (vibrant) at sari-lahi (diverse) na kumunidad na nagtataglay ng maraming makasaysayang gusali at ‘storefront’ na naghihintay ng renobasyon upang maging teatro, mga bukstor, art galleries, abot-kayang pabahay, at marikit na aktibong pantalan. Kaya di kataka-takang naakit ang mga propesyunal na bumubuo ng board of directors ng teatro sa potensiyal na madebelop ito sa isang “funky, urban, creative vibe similar to SoHo in the 50s and 60s but through the lens of the 21st century”. Isinaad din ng Teatro Clockwise ang sumusunod: “A perfect storm of events is coming together, including soaring gas prices, a shaky economy, and the urgency to create a greener world, to make this the time to seize the day. Clockwise Theater hopes to play a vital role in this renaissance.” Pangsining na direktor ng teatro si Madelyn Sergel at tagapamahalang direktor si Rebecca Adler.

***

Mga Linya Mula sa mga Tula ng Pag-ibig (Na Naipaskil sa Emanila)

 

“Mahirap lutuin iyang nadarama, / Walang kumpleto o permanenteng timpla.” (Pagbabago ng Timpla – 12/14/07)

 

 

 

“Walang romantiko pag nasa bingit ng tortura.” (Kapareha – 2/13/08)

 

 

 

“Kailangan ng yakap ng pusong malauhog.” (Kailangan ng Yakap – 3/6/08)

 

 

 

“…may mga pusong pinatayo / At sumulat nang padaskol sa pisara ng pagsuyo.” (Hindi Na Tayo Nag-uusap Nang Seryoso – 4/4/08)

 

 

 

“Ang hindi ko na lang nahagkan sa iyo / Ay ang sutlang pisngi ng kaluluwa mo.” (Pahalik Sa Iyong Kaluluwa – 4/18/08)

 

 

 

“Payak lagi tayo na iibig, / At pag-ibig man nati’y sisigid.” (Pag-ibig sa Panahon ng mga Lamok – 7/14/08)

 

 

 

“Palaging panahon upang tayo’y umibig nang wagas / Palaging panahon upang ang kagandaha’y ihayag.” (Pitong Pilar ni Pilo – 8/30/08)

 

 

 

“…papayag ba tayo / Na tayo ay maging kasingbobo / Tuwina ng ating libog?” (Kalidad ng Libog – 9/1/08)

 

 

 

“Parang balot ang pag-ibig / Masarap hangga’t mainit.” (Parang Balot – 5/3/06)

 

 

 

“Paliparin mo ang iniibig, / Ipagkaloob ang kanyang laya / Na maglakbay, hanapin ang kanyang / Sarili.” (Paliparin Mo Ang Iniibig – 8/2/06)

 

 

 

“Hindi naisasalansang / Talinghaga ang damdamin.” (Muntik Nang Naging Soneto – 7/24/06)

 

 

 

“Umuusbong ang damdaming ganap na hungkag sa saysay, / Subalit nasa kawalan ng saysay ang halaga.” (Pag Nariyan Siya – 7/20/06)

 

 

 

“Sagana sa mito pag bago pang haling.” (Makakasama Habambuhay – 6/21/06)

 

 

 

“Siya ay mamahalin hangga’t kakambal ng Davao / Ang anino ng Bundok Apo, amoy ng duryan, / At may lumad ang lupang balwarte ng agila.” (Kay Mary Jane -5/26/06)

 

 

 

“Ang mahal ay kapirasong laman / Lamang kapag wala nang pagsinta.” (Kapag Wala Nang Pagsinta – 5/19/06)

 

 

 

“Rurok ng kiliti’y nasa kanyang halik, / Tinig n’ya’y hahanap-hanapin na tamis.” (Hahalikan Ko Ang Kanyang Kaselanan – 5/8/06)

 

 

 

“Nalalasahan ko pa ang kulay ng ‘yong puso / Nang kuyumin ko ito nang ihain mong buo.” (Nalalasahan – 6/19/07)

 

 

 

“Nagkalapit tayo, ‘Relationship,’ ‘kamo. / ‘It’s all crap,’ sagot ko.” (Lengguwahe Natin – 7/4/07)

 

 

 

“Makita ka lang ay may tula na ako, / Oda o tanaga, o maging soneto.” (Makita Ka Lang – 6/22/07)

 

 

 

“Isip, isip, Puso / Bago marahuyo; / Gayuma’y lilipas, / Makalawa, bukas.” (Isip, Isip, Puso – 6/15/07)

 

 

 

“Mabangis ang mundo, maramot ang galak / Sa tulad mong sutla ang puso at liyag.” (Nabubuhay Ako Para Tulaan Ka – 6/6/07)

 

 

 

“Ginawa namin ang mga hindi / Ginagawa ng mga sixth- / Grader, / Subalit ginagawa ng mga aso.” (Ex na Ka-Sex – 6/15/07)

 

 

 

“Pagkat ang pag-ibig ay nasa nagdaan, / May kaway na siya’y magbalik, at nasa / Hinaharap, hayo’t humangos palapit.” (Bakit Madaling Sumulat ng Love Story – 6/2/06)

 

 

 

 

Tomas Agulto: Makata ng Dagat, Ilog, at Lawa

 

Isa ako sa mga pinagtiwalaan ni Tomas Agulto na makatunghay nang adbans sa bago niyang librong ililimbag na may tentatibong pamagat na “Kumentularyo”. Nasabi kong bago niyang libro dahil sa pagkaalam ko’y ito pa lang ang sumunod sa nobela niyang “Sa-Ba-Tri” na inilunsad sa Bistro 70s may isang dekada ang nakararaan. Adbans niya rin akong binigyan ng kopya ng Sa-Ba-Tri na pinagbalakan kong igawa ng rebyu ngunit masyadong abala ako noon bilang opiser sa BJMP. Ngayon namang mas may panahon ako’y nareyalisa ko na di ako karapat-dapat gumawa ng rebyu sa akda ng isang Agulto. Kaya gumawa na lang ako ng iskets tungkol sa persona niya – siya na sa mga mas nakababatang hanay ng mga manunulat ay isang misteryosong ‘adik’. Pinagtiyap, sa B-70s din inilunsad ang “Ipuipo sa Piging” may isang taon at kalahati na  ang  nakalipas.

 

 

 

Ang Kumentularyo ay anti-Simbahan  at  anti-Establisimyento. Isa sa mga pinabasa niya ng manuskrito ang nagkumento na ‘punk’ daw ang  mga  akda. Kung ganoon si Tomas ay isang pangkistang kulelat. Pero metamorposis na lang niya ito. Hindi  siya  ang  Tomas  na  ito tatlong dekada ang nakararaan. Hindi siya ganap na gaya ngayon kung maibabalik ang dalawampung taon; o 3,650  araw. Pero lagi, sa loob ng bawat panahong iyon siya’y isang makata – mangingisdang naging makata at – nitong huli’y  pangkista  pa.

 

 

 

Nang bumulaga sa eksena ng pambansang panitikan at kultura ang batambatang si Tomas noong dekada sitenta ay agad na ibinansag sa kanya ng marami, hindi isa o dalawang tao lang at lalong hindi siya ang nagsariling-lapat, na Makata ng Tubig. Bumulas at namuhay siya sa mga pampang ng ilog sa Hagonoy sa Bulacan at dalampasigan ng Dagat-Maynila bilang isang tipikal na mangingisda bago natupad ang guhit sa palad niya na siya’y magiging maangas na manunulat. Inilagay niya sa ibang antas ang pagtula tungkol sa mga alon, pakikipagbuno sa unos, buhay-alamang ng mga mangingisda, pagbuhay sa mga alamat sa paligid ng mga bukal, lawa, at ibang anyong-tubig. Nagsipaglabas ng kuwaderno ang mga nagbasa ng tula niya para itala at hanapin ang depinisyon ng mga salitang gamit niya.

 

 

 

Kung gintong isasabit sa katawan niya ang mga panalong natamo niya sa mga pakontes sa pagsulat ay malamang iisiping mamamatay na siya sa hepataytis. Di ko alam kung ilang beses siyang nag-first prize sa Palanca at ilan ang second, third, at honorable mention. Tatlong beses siyang itinanghal na “Makata ng Taon”. Gaya nang nabanggit, prominenteng paksa niya ang mga dagat, ilog, lawa, at ang pamumuhay at mga pagdidili-dili kaugnay ng mga lunan na ito.

 

 

 

Kabilang siya sa mga pinakaunang kasapi sa Galian sa Arte at Tula (GAT) na pinakamahalagang samahan ng mga makata at alagad-sining sa Pilipinas sa huling bahagi ng ika-20 siglo. Dito ko siya nakilala nang mapili akong dumalo sa palihan nito noong mga panahong uhugin pa ako. Sa di ko malamang dahilan, subalit di ko nalimutan, inirekomenda niya ako para maging bise-presidente ng GAT sa harap ng mga pinagpipitaganang dating pinuno at emeritus na kasapi. Nagpunas ako ng uhog at tumanggi sa nominasyon sa mababaw na dahilang di magagampanan ang tungkulin sapagkat nag-aaral pa ako sa kolehiyo. Nang lumaon ay lumuwag ang pagsasamahan sa GAT ngunit halos paulit-ulit ding makikita ang mga prominenteng kasapi nito sa iba’t ibang tagpuan at pagtitipon. Itinatag noon ni Tomas at asawa katuwang ang direktor ng pelikula na si Ismael Bernal ang Kasalo Café sa Diliman sa Kyusi na halos gabi-gabi’y naging tambayan ng iba’t ibang alagad-sining at akademiko mula sa kalapit na mga unibersidad. Si Bernal na isang ‘pipitsuging’ direktor ang minsa’y nagtatala at naghahain sa order ng mga kostumer. Regular ang mga palatuntunan sa Kasalo. May mga tumutugtog at/o nagmomonologo. May mga dula at dula-dulaan. Minsa’y tinanong ako ni Mulong (Romulo Sandoval) kung nagdodrowing ako. Sabi ko’y konti. Niyaya niya ako sa itaas (second floor) ng Kasalo at nabuglawan ko roon ang isang babaeng modelong hubo’t hubad na nasa sentro at iginuguhit ng isang grupo ng mga mag-aaral, amatyur, at propesyunal na dibuhista.

 

 

 

Namatay si Bernal at di na rin nagtagal ang Kasalo Café. Naging co-editor si Tomas ng lingguhang magasing “Pilosopo Tasyo” na pinaglunsaran ng karera ng maraming naging batikang mamamahayag. Pagkaraan nito’y di ko na siya muling nakita. May nakapagsabing nanirahan  na  sa  Leyte.

 

 

 

Hindi masusubok sa pakikisama si Tomas. Hindi nawawala ang init ng pakikipagkaibigan niya kahit minsa’y dekada ang pagitan bago kami muling nagkikita. Hindi nababawasan ang libog niya sa pagtula at pagtalakay sa mga usaping sangkot ang bayan at kultura. Higit sa lahat ay di niya hinayaang mabahiran ang prinsipyo kaugnay sa mga nasabing usapin sukdang bumangga siya sa mga makapangyarihan sa establisimyentong pangkultura at matamo ang mga kunsekuwensiya ng gagawing pagbangga.

 

 

 

Sa hamak kong pananaw, ang mangilan-ngilang kagaya ni Tomas sa pag-iisip at pamumuhay ang nalalabing pag-asa ng panitikan at sining sa Pilipinas. Kung hihiramin ang dayagnosis ni Gat Dr. Rizal na aydol na aydol niya: May kanser na nakalukob sa Pilipinas damay na ang panitikan, kultura, at sining pagkat ang mga ito’y kabilang sa mga lamanloob ng lipunang Filipino.

 

 

 

Nilapatan ko ng melodiya ang apat sa mga tulang nasa Kumentularyo: “Tratado kay Mephisto”, “Sabay-Sabay Tayong Dumura sa Langit”, “Tinggayad” at “UP Writers Summer Workshop”. Ang “Tratado kay Mephisto” ay naisaulo ko nang di sinadya matapos ang ilang ulit na pagkanta nito sa saliw ng gitara. Kuwento iyon ng isang taong sinubok mag-email kay Mephisto (pangmitolohiyang diyablo) para magpaturo sa pagtula inialok kapalit ang kaluluwa niya. Isang ‘take’ sa epikong “Faust” ng dramaturgong Aleman na si Johann Wolfgang von Goethe. Ang tulang “Tinggayad” ay nagsasaad nang ganito:

 

 

 

Halina’t arukin

 

Ang gabing malalim

 

Sa buhay na tabsing

 

Tinggayad sa  dilim.

 

 

 

Halika’t tunghayan

 

Sa dalampasigan

 

Buhay ng alamang

 

Paglukso ay patay.

 

 

 

Kami’y mangingisda

 

Na laging  sariwa

 

Sa gasang at bula

 

At lansa ng isda.

 

 

 

Kami’y magdaragat

 

Loob ay kaytatag

 

Pagkat  kabangkilas

 

Ay kulog at kidlat.

 

 

 

Tinggayad sa dilim

 

Ang buhay na tabsing

 

Dagat ma’y malalim

 

Halika’t lusungin.

 

 

 

***