Luhang Pilantod

May benda ang bumbunan

pilit tinutulayan

ng pilantod na luha,

subalit sumasagka

ang dibdib na nagdaramdam

at ang matang salawahan.

Kahit Luha

May pakimkim man na sigwa
ang mundo ng upasala;
wag nang kimkimin ang tuwa,
dahil langit kahit luha.

Luha

Pagkai’y mga luha
habang nangungulila
hanggang ika’y makita

itinigis na luha

bathala ng ligalig

dagit ang lupa

lawa sa panaginip

may sumilip na luha

namangka na tahimik

bingwit sa lawa

ginambala ang tubig

may likha ang luha

lupa na humalakhak

patak sa lawa

gunita ng bulaklak

Luha ng Pasko

habang nalalapit ang araw ng pasko

dumating si sendong may dalang regalo

malakas na hangin at maulang bagyo

sa iligan city’t cagayan de oro.

ang lupang natigang ay ‘di naman uhaw

ngunit dinilig ng ulang walang humpay

kaya pati ilog kaydaling umapaw

ragasa ng agos bahay ay tinangay.

dinig ang palahaw sa gabing madilim

habang inaarok bahang lumalalim

hindi na nga batid ng sila’y tangayin

kasama ng troso mula sa kaingin.

sa mga sandaling lumisan si sendong

bumulaga naman ang kanyang pabaon

halos winalis nya ang maraming nayon

pati mga buhay na wala na ngayon.

sasapit ang pasko tayo’y nagluluksa

bawat pilipino humugot ng awa

tulong sa pag-ahon, pagbangon ng kapwa

kahit ngayong PASKO na puno ng luha.

paalam na luhaan

kagubatan ng bundok

yapak sa batang

nagsipatak ang hamog

Patak

Ika’y karamay
Sa kabiguan,
Ika’y takbuhan
‘Pag nalulumbay.
[Read more…]

sa pulang lauaan

pinapaslang ng lawa

ang gamugamo

sumasamo na luha

Paglimot kay McArthur

Bawat sampal.

Bawat suntok.

Bawat dagok.

Pasubasob.

Patagilid.

Papatay.

Huwag mong hayaang

Lumapat pang muli

Ang kanyang mga palad

Sa makinis mong mukha

Huwag mong hayaang

Muling matikman

Ng dalisay mong mga labi

Ang kanyang kamaong pagkasama

Huwag mo nang hayaang

Maikubli ng asul na pasakit

Ang kinang ng iyong mga mata

Parang awa mo na.

Huwag mong hayaang

Sa likod na iyong masaganang halakhak

Magkubli ang dusa,

Luha at hinagpis.

Hindi ka ba nahahapis

Sa tuwing ang iyong mga ngiti’y

Napapalitan ng pasakit

Dahil lamang sa sinasamba mong pag-ibig?

Bawat tampal

Bawat tadyak

Isang buhay

Isang pangarap

Sa bawat patak ng luha

Sa bawat impit na iyak

Sa bawat sumamo at pakiusap

Isa kang kalapating

Matayog kung lumipad

Ngunit paano na

Kung sa bawat sampal

Sa bawat suntok

At sa bawat pagkakataong

Puri mo ay nalulugmok

Ay ang mga pakpak mo’y

Tumikom at mabulok?

Saan ka pupunta?

Saan ka magkukubli?

Saan matatapos?

Kailan ka magigising?

Lumimot ka

Sumpain mo ang kanyang mga bisig

At pakiusap

Huwag ka ng babalik.

Ulan Sa Iyong Mga Mata

Iluha mo nga ang aking pagpanaw

Malapit ko nang usalin salitang “paalam…”

Aking natatanaw, mga ulap na naglalayag

Dala nila ay ulan sa kanilang pagdatal.

Ang sinag ng liwanag mula sa panginorin,

Unti-unting nababalot sa lungkot ng dilim;

Tila nagbabadya sa aking damdamin

Na bilang na ang sandali ng buhay kong angkin.

Habang hindi pa ang ulan sa ulo ko’y pumapatak,

Nais kong malaman mo kahit kaluluwa’y naghihirap;

Sakit ay naiibsan kapag nagbabalik sa isipan,

Masasayang sandali na ating pinaghatian.

Hayan na! Dumadaloy na! Luha ng mga ulap…

Patuloy na umaagos maging sa iyong mga mata,

Hayaan mo na ikaw at ang langit ay maging isa

Sa paghatid sa akin sa takda kong lupa!

Lipas na ang dilim, wala na rin ang ulan

Kumikislap ang mga bulaklak sa kasariwaan;

Bango ang dulot ng basang damuhan

Na nagpapasaya sa aking kalooban.

Kaya’t narito, ako’y namamaalam…

Ito na ang sandali ng aking paglisan;

Iluha mong muli ang aking pagpanaw,

Luhang aking babaunin sa aking libingan!

Dalawang Isip

nuknukang sakit, naidulot na pait
ng ala-ala na ayaw pumahupa
ako’y nag tiis, ‘di makuhang magalit
walang ibang magawa kundi lumuha

sa silid na pinagkait ang liwanag
nakaupo sa sulok at nangangarap
ngunit batid na saluhin mang kalasag
ang saya ay di na muling malalasap

sa likod ng isipang mapaghinagpis
isa-isang inisip san nagkamali
‘di tuluyang tanggap ang sakit na labis
walang kadahilanang ako’y nasawi

nag niningning ang bawat patak ng luha
tila may mensahing pinahihiwatig
‘sang umalahokang saki’y nanunula
ngunit di matanggap ang balitang hatid

nararapat daw na ako’y lumigaya
lasapin ko raw ang tunay na pag-asa
sa buhay ay hindi raw dapat manawa
dapat sa ligaya ay magpakasasa

sa kabilang tainga’y may ibang bulong
maghiganti raw at ako’y nalamangan
galit daw sa puso ko’y dapat ikulong
nang magsilbing lagablab ng walang hanggan

dalawang balitang di maunawaan
na mula sa luhang patak ay makinang
alin ang may mabuting kadahilanan
sino sa dalawa ang syang pakikinggan

balik sa dati ang daloy ng isipan
nagpakulong sa isang lumang larawan
nagnanais na muli kang masulyapan
hangad ay ang tunay na kaginhawaan

Himálay

Madalang ang sangat sa gunitang
iniwan ng ating pagsasama noong ako’y bata:
Ang mabilis mong mga hakbang
habang halos tumatakbo ang maiikli kong paa
para habulin ka.
Ang pagpasan mo sa aking mga hita
habang yapos ng munti kong mga palad
ang iyong noo.
Ang paghabol mo sa aking sombrero
na dagling inilipad ng hangin
habang tayo’y nakatayo sa gilid ng barko.
Ang pagdagan mo sa akin
nang kapuwa tayo tumilapon
sa minamaneho kong natalisod na bisekleta.

Madalang ang natatandaang muhon
ng gunitang tayo’y magkasama.
At kaytulin ng panahon.
Parang kaydaling bumagal ng iyong mga hakbang.
Tila ba nasa iyong balikat ang iyong mga hita.
Parang kaytuling humalik ang di natin
abutang hangin upang bigyang pugay
ang gatla sa iyong noo.
At kanina, nang kita’y buhatin,
muli mo akong nadaganan,
ngunit parang ayaw mo akong lisanin.
Dinaop ko ang malamig mong palad.
Hinaplos ko ang malamig mong noo.
Niyakap ko ang wala nang pintig mong dibdib.
Nadama ko ang bigat ng mga
muhon ng alaalang iniwan mo
sa ating pagsasama.
Saka ko namalayang
umaagos na
ang tinitimpi kong luha.

Sa aking tatay Pilo
Dec.28, 1928 – March 19, 2010
H-Vill Hospital, Manggahan Sn. Jose Rodriguez Rizal