Kumot

Sana’y wag kang lumimot
dito, tela ang kumot
panangga sa’king lungkot

kumot ng hilakbot

pumalaot ang ningning

himbing na bundok

ibinalot sa dilim

Lawanit

natutulog ang ulap at mga tala
maging ang hangin ay di maalintana
hinanap ko ang batis, ‘di ko makita
pati mga ibo’y tila nawawala

at sa pag anod ng isipang tuliro
ng mga ala-alang na sa’king puso
patuloy ang damdamin kong mapanglaro
na hamunin itong tuso nating mundo

ngunit subukin mang balikan ang lahat
batid kong hindi ko na mahahagilap
ang yaring ligaya na aking tinanggap
magpanggap man ako’y lalong sumasaklap

balikan natin ang bawat ala-ala
nag nagdaang araw natin sinta
sa piling ng kalikasang kumalinga
at bukid kung saan tayo’y lumigaya

sa umagang pagsikat ng haring araw
nariyan ka lang at aking natatanaw
at sa gabing lampara lamang ang tanglaw
batid na sayo ako’y walang kaagaw

pagdaka’y sasapit na ang hating gabi
sa lamig ikaw ang kumot ko’t katabi
ikaw rin ang unan kong napakalambot
panay ginhawa lang ang naidudulot

kung mawalay ka man sa aking paningin
yaon ay dahil ako’y nasa bukirin
nagmamadaling matapos ang pagtanim
nang hapunang luto mo’y aking makain

ngunit sa puso ko ngayong mapag-imbot
pilit na ligaya ay ating malimot
kung kapwa damdamin nati’y kumikirot
nasa mundo tayong mali ang pag-inog

nilipad na ang lahat ng mga ulap
mga tala’y di na tanaw sa bintana
agus ng batis na ating kasiyahan
mistulang ngiti na lang ng nakaraan