Umawit

Umawit ako sa Christmas Party namin
____Tangay ang isang damdamin,
Na ayaw ko namang aminin

12-24-14

Sa Pag-iisa – 3

Ang aking mga tula o berso
kung minsan o kadalasan
ang mga ito ay sirit lamang
ng damdaming libre ang diwa
sa paggala o paglaboy sa kawalan.

Kapag ang pakiramdam ng sarili
ay tila ba kakatwa
animo ay nahihibang
na wari bagang sinasaniban
isang lagnat na kakaiba
na ang diwa ko`y bangaw
o may kaululan
naging usiserong usyoso
sa landas ng mga bituin

ang mga kamay ay agarang magtatangka
na sa malinis na papel ay isulat
at itatala ang mga sustansiya at esensya
ng mga kamalayan at kinikinita ng guniguni
na nasalakab ng mapangaraping diwa
sa kanyang paggala.

Ang bawat imahinasyong nakalap
ay mga pintig-pantig na aakdain
sa mga taludtod at saknong
na siyang buhay at ligaya
sa mga gabi ng pag-iisa.

28-May-13
Luanda, Angola

Paano ba ang tumula?

Paano ba ang tumula?
Kailangan ba’y maging dalubhasa
Magkamit ng medalya’t mga parangal
Upang mga katoto ika’y itanghal
Sa ika-isandaan at pitumpong sinulat ko
At ang isang ito’y ika-isandaan at pitumput-isa
Ipagpaumanhin ninyo bawat isa’y panalo!
Sa wika ni Ina “Siyang tunay, anak ko”.
Isang nilalang na sa tula’y naglilibang
Lasap na ligaya’y sadyang nakahihibang
Di kailangang mangilag sa mga diskurso
Kaya sige ka lang, kahit anong pumasok sa ulo

Ang hilig sa tula ay di kailangan nang galing
Kailangan lamang sa puso manggaling

Subukan mo sumulat ka, puso ang iyong gamitin
Mararamdaman mo nagtagumpay ka, naihayag mo ang ibig mong sabihin

5-24-12, 9:45pm

Sa paglipas ng takipsilim

Sa tuwing aking naiisip
Ala-alang sa puso ko’y nakaukit
Sa aking isipan at panaginip
Ikaw ang laging iginuguhit

Sa tuwing sasapit ang umaga
Iniiwasan na maala – ala
Mga sandali sa iyong piling
Lalo na’t sa pagsapit ng takip silim

Takip silim na dati ay hinihintay
Naging makulay na parte ng aking buhay
Pagkat ikaw ang siyang kaulayaw
Hanggang pagsikat ng Haring Araw

Subalit minsan ay nagbabago
Maging ang damdamin ng bawat tao
Katulad ng paglipas ng takip silim
Sa pagsapit ng gabing madilim

Nangangapa man sa kadiliman
Hindi pa rin pinapanawan
Ng pag-asa na masisilayan
Ang ngiti nitong bukang liwayway

Lumipas man ang takipsilim
Dilim ng gabi man ay dumating
Hindi kailangang matakot o manimdim
Umaga ay sisikat sa aking pag gising

Could this be it?

Could this be the sign—
The sign I’ve waited for so long
An emblem of true love
Love I’ve searched for so long?

The poet has awakened
His pen scribbles and rhymes
His verses flow like water
Running wild against the tides

Could this be the time—
The right time for my happiness
Or could this not be the hour
Of the end of my aloneness?

The answer to my prayers,
The other half of mine,
The one I’ll share my forever with,
Could I have, at last, found?

Bulag Na Alitaptap

Binibini nitong lawa ay mayroong kahilingan

Sa binatang nanunuyo sa alindog at kariktan,

Kung sinong makatutupad malugod na ibibigay

Ang matamis niyang OO’y sadyang kamit habang buhay.

 

Binibini’y nagpahanap ng bulag na alitaptap,

Itatanglaw sa paglayag sa paglimas nitong dagat;

Sakali at ang buhangi’y  mapalitaw sa paglimas

Buong pusong iibigin magsisilbi hanggang wakas.

 

Ikalawang kahilingan ay gumawa nitong hagdan,

Abot doon sa may ulap siya niyang paglalagyan

Ng kristal na lilimasin sa malawak na tubigan;

At doon ay maglulunoy ang pag-ibig na tagumpay.

 

Ang bulag na alitaptap tanging saksi sa pagsuyong

Ga-mundo man yaong bigat aakyatin ang pangako.

Ikaw Sa Akin

Baka di mabuhay na wala ang Ikaw
Kung di ka makamtan
buhay walang saysay,
Siguro ang buhay na tanging ikaw lang
Tulad sa halaman
dilig mo ang buhay.

Sa’king panaginip
ikaw ay ang langit
Bituing marikit na ayaw pumikit,
Ikaw ang daigdig aking ninanais
Sa bawa’t pag-idlip
ang aking kadikit.

Mainit mong palad
kamay ko ang hawak
Sa hangin at ulap sabay lumilipad,
Laging magkayakap sa sarap at hirap
Ang aking pangarap
ikaw ay ang lahat.

Lilipas ang araw sisilay ang buwan
Liwanag ko’y ikaw
kahit na nasaan,
Ang iyong kariktan kung hindi matanaw
Maghapon ay kulang
parang di nagdaan.

Pag-ibig ko sayo ay ang aking mundo
Umiikot ito
dahil lamang sayo,
Puso ko ay sayo kung iibigin mo
Ang buhay kong ito
para lamang sayo.

dcd/dodie
14February2012

Nalilitong Pag-ibig

Tunay na pagmamahal ang nadarama
Ng puso ko sa iyo tuwina
Kapag ika’y nasisilayan
Gumagaan ang pakiramdam

Sa tuwing ika’y aking kasama
Ibang sigla ang nadarama
Walang mapagsidlan ng tuwa’t saya
Lalo na’t pag ikaw ay yakap ko na

Ngunit ako ay nalilito
Sa mga salitang tinuturan mo
Di ko alam ang totoo
Ano ba talaga para sa akin ang nadarama mo

Sinasabi mong ako’y iyong mahal
Ngunit nais mo akong iwan
Bakit ang dating init ng iyong pagmamahal
Ngayon ay sinlamig na ng karimlan

Nais ko sanang malaman
Ang tunay mong nararamdaman
Dahil handa akong sa iyo’y ialay
Maging itong abang buhay.

By:egt

Pakiusap

“Pakiusap aking mahal

ako’y huwag mong iiwanan”

yan ang mga katagang

laging binibitawan

nang aking damdaming

ikaw lang ang sinisigaw

at nitong abang puso kong

tigib ng kalumbayan

nang dumating ka sa buhay ko,

ang lahat ay nabago mo

at naging makulay din

ang bughaw ko nang mundo

ikaw ang naging inspirasyon

sa bawat mithiin ko

at tila bawat tibok ng puso ko’y

nakalaan lamang sayo

ito’y aking tatanggapin

ala ala ng nakaraan

tataglaying kayamanan

bawat pintig ng puso ko’y

ikaw pa rin ang isisigaw

pakiusap lang sa iyong paglisan

baunin mo’ng aking pagmamahal

huwag hilingin sa akin,

na ika’y aking kalimutan

pagka’t yan ay di ko magagawa

habang may buhay na taglay

at patuloy na aasa

maging hangang sa kabilang buhay

by:egt

Bulag Na Alitaptap

Bulag Na Alitaptap
Nobyembre 13, 2011
Binibini nitong lawa ay mayroong kahilingan
Sa binatang nanunuyo sa alinog at kariktan,
Kung sinong makatutupad malugod na ibibigay
Ang matamis niyang OO’y sadyang kamit habang buhay.

Binibini’y nagpahanap ng bulag na alitaptap,
Itatanglaw sa paglayag sa paglimas nitong dagat;
Sakali at ang buhangi’y mapalitaw sa paglimas
Buong pusong iibigin magsisilbi hanggang wakas.

Ikalawang kahilingan ay gumawa nitong hagdan,
Abot doon sa may ulap siya niyang paglalagyan
Ng kristal na lilimasin sa malawak na tubigan,
At doon ay magtitimbol ang pag-ibig na tagumpay.

Ang bulag na alitaptap tanging saksi sa pagsuyong
Ga-mundo man yaong bigat aakyatin ang pangako.

Sonetong Pantubigan ni Tata Raul Funilas!

Organikong Makata

Si Tata Raul Funilas: Organikong Makata at Tinig ng Isla de Talim, Binangonan, Rizal

Ni Filliffe Rae Anthonie C. Anorico

Para sa masusugid na mag-aaral ng panitikan, marahil ay narinig na nila ang Isla de Talim sa kanilang klase sa buhay at mga akda ni Dr. Jose P. Rizal. Ang islang ito kasi ay binanggit ng nobelista sa ikatlong kabanata ng El Filibusterismo. Mataman itong inilarawan sa loob lamang ng isang talata mula sa punto de bista ng isang nakasakay sa Bapor Tabo, mabagal na umaandar sa Lawa ng Laguna. Binanggit din ni Rizal ang maalamat na Bundok ng Susong Dalaga sa isla, na ayon nga sa nobela, ang mismong malalambot nitong kunday ang nagpapaliwanag sa taglay na pangalan.

Ang Isla de Talim, na bahagi ng bayan ng Binangonan (silangan) at Cardona (kanluran) sa lalawigan ng Rizal, ay makikita sa gitna ng lawa ng Laguna. Ang pagpapangalan sa isla ay dahil sa hugis-punyal o balaraw na katangian ng topograpiya nito.

Ngunit bukod sa El Fili, bibihirang mabanggit sa anumang nakasulat na kasaysayan sa bansa ang naturang isla. Maliban sa nakatalang 728,110.10 sq.m. na sukat at nang gawin itong tambakan ng pulbura sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano noong 1901, bibihira na ang makahagilap ng salaysay hinggil sa maalamat na bayan. Tila isa itong kuwentong inukit sa buhanginang unti-unting nilulusaw ng kilapsaw ng katubigan sa lawa.

Iyan ang pangunahing layunin ni Raul G. Funilas, o mas kilala ng kanyang mga kamanunulat, kapwa artist at kabarkada sa tawag na Tata Raul, upang magpunyagi sa pagsusulat ng mga tula at salaysay tungkol sa kanyang bayan. Malinaw ngayon sa lahat ng kritiko ang taglay niyang kahusayan pagdating sa paggamit ng wika, malawak na bokabularyo at natatanging bukal ng karananasan na siyang pinagsasalukan ng kanyang mga taludtod at pananalinghaga. Ayon nga sa makata at kritikong si Teo T. Antonio, sa “paghuli ng talinghaga” ni Tata Raul ay nagbabalik ang “antigong kudyapi ng bokabularyo ng Binangonan.” Siya ngayon ang matalim na tinig ng Isla de Talim na nagbabanyuhay sa buhay at karanasan ng mga mamamayan nito. Hindi maitatangging siya ay tunay na makata ng Talim, makata ng tubig.

Naging mabilis ang pag-imbulog ni Tata sa hanay ng mga kilala (o kaya ay kanonisadong) makata ngayon. Kung tutuusin, ang kanyang pagpasok sa sirkulo ng mga kilalang makata ay nito lamang nakalipas na sampung taon. Ngunit kapuna-punang agad na naging maingay ang kanyang pangalan. Nakabingwit siya nang matataas na parangal sa pagtula tulad ng Talaang Ginto at Gawad Amado noong 2003. Nalathala ang una niyang aklat na Halugaygay sa Dalampasigan ng UST Press noong 2007. Itinuturing din siya ngayong mahalagang hiyas na nahulog sa lambat ng LIRA.

Mahabang panahon na kung tutuusin ang ginugol niya sa pagsusulat ng tula. Umaabot na sa humigit kumulang dalawang libo ang mga naisulat at nailabas niya sa mga pahayagan, dyornal, aklat at on-line magazines. Ngunit malinaw na siya ay isang makatang “kailan lamang” nagkapuwang, pumuwang, o pinapuwang sa sirkulo ng kamakatahan.

Ano’ng klaseng makata ba si Raul? Nasaan ang matang tubig ng kanyang buhay na pagtula? Mahihiwatigan sa ubod ng kanyang panulat ang katangian ng mga tradisyon sa panitikan—ang panulaang pangpuso at paksaing pampolitika; formalismo at pagtuon sa “nilalaman.” Para sa akin, mahihirapan ang sinomang mag-aaral ng panitikan ang ikahon siya sa anumang pagmumuhong ito. Ang mahalaga sa ngayon ay ang sikapin nating kilalanin, kung hindi man lutasin nang buong-buo, ang mga dahil ng di matatawaran niyang galing sa pagtula.

INILISTA SA TUBIG

Isinilang si Tata sa Rayap, Isla ng Talim, noong Agosto 8, 1951. Ilang taon pa lang natatapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at panahon iyon ng muling pagtutundos ng pamahalaang Amerikano ng kapangyarihan sa bansa. Sa panahon ng kanyang kabataan ay pinatitibay na ang pamahalaan sa bansa at patuloy na lumalakas ang pang-ekonomiya, pampolitika at pangkulturang pananakop ng mga Amerikano.

Ngunit dahil ang Talim ay malayung-malayo sa sentrong bayan ng Binangonan, masasabing bibihirang maramdaman sa loob nito ang mga pagbabagong nangyayari sa bansa sa larangang pangkultura at pampolitika. Mula sa pritil sa kabayanan ng Binangonan, umaabot ng hanggang dalawang oras ang paglalakbay sa lawa gamit ang bangka bago pa ito marating. Maipapalagay na ang mga katutubong pagwiwika, idiom at paraan ng pamumuhay sa isla ay napanatili ang kakanyahan.

Mahabang panahon ng kabataan ni Tata ay ginugol niya sa payak na pamumuhay sa isla. Ang kaniyang ama, si Tonieng Funilas, ay isang maninikit, mangingitang, mag-iitik, mamumukot, mananakag, at mamamarukot. Madalas siyang kasama ng kanyang ama sa paghahanap-buhay, na siyang nagpakilala sa kanya sa mga karanasan sa tubig at paraan ng pamumuhay ng mga taga-isla.

Bibihira ang nakakarating na babasahin noon. Sa kanyang kamusmusan at paglalaro, nakahiligan niya ang pag-ukit ng mga salita sa buhangin at kawayan; at paglilista sa tubig. Iba’t ibang danas sa dalampasigan, katubigan at kawayanan ng isla ang unti-unting nabubuhay at nagkakapangalan sa kanyang isip.  Ito ang masasabing unang danas niya sa panitikan.

Noong siya ay sampung taong gulang, nakarating na ang teknolohiya ng radyo sa Talim. Nakahiligan ng mga taga-isla ang pakikinig sa radyo. Madalas ay nag-uumpukan sila tuwing hapon o gabi para makinig ng mga balitaktakan. Hanggang sa mauso ang Balagtasan sa radyo. Ang una niyang mga narinig sa patulang sagutan ay sina Ofelia Angeles at Tony Raymundo.

Ang pangyayaring iyon ay magkakaroon ng malaking bigat sa kanyang panulaan. Kapansin-pansing sa mga pasulat niyang tula ang natural na kislot at indayog na tila hawig sa isang makatang nagtatanghal ng pang-madla at pabigkas na pagtulang naglalayong manghimok o maggiit ng isang tiyak na paninindigan. Kahit sa mga on-the-spot poetry reading, o mga pagtulang walang script, ay nakakapanabayan niya ang pinakamahuhusay na makata mula sa Maynila. Malay na ipinahahayag ni Tata Raul ang kanyang kakayahang ito. Sulat pa nga niya sa isang tulang nagsasalaysay ng pangkaraniwang karanasan sa piling ng kanyang mga kamanunulat:

Tuwinang Biyernes kung magkita-kita
Ang susi’t kandado ng literatura
Sa Timog Avenue tanging opisina
Ng de-kampanilyang Redem Villanueva.
Naro’n sina Teo, Baquira’t Nadera;
Bobby Añonuevo, Balde at Coroza,
Dan Pinto at Charles Ong gurong Bien Lumbera,
Kilates at Rillo, bidang Rio Alma.
Sa bungguang basong iba’t ibang alak,
Hindi maiwasang saya ay maghanap;
Kaya Rio Alma’y agad pumalakpak
Upang patindigin ang dal’wang matikas,
Teo at Corozang sabik nang bumigkas.
‘Tamang nakikinig sa pamamalagtas
Ang mga tarikang kasiyaha’y langhap
Palitan ng anghang sa dal’wang Balagtas.
Ngunit nang huminto itong si Michael
At di maidugtong tugmang sasabihi’y
Agad na pumakli si Rio ng hiling:
“Ikaw Sampay Bakod iyo ngang tugunin
Si Teo Antoniong sadyang Hari natin
Sa bawat pagbigkas ng mga tulain.”
Kagyat na tumayo’t animo ay tandang
Na sasagupai’y teksas-senibalang.
Laking pagkagulat sa harapang dulang
Dahil “Sampay Bakod” bumigkas, lumaban
Sa taguri’y Hari nitong balagtasan.
Matapos bumigkas nang ilang tindiga’y
Biglang nagsalita Lakandiwang tunay:
“O, merong kapalit Haring Balagtasan,
Makata ng Tubig inyong palakpakan!”

Nasa puso ni Tata Raul ang Isla de Talim. Malalim na nakabaon sa kanyang dibdib ang likas na pag-ibig sa tahanan ng kanyang kamusmusan at kamuwangan. Ito ang pinagbubukalan ng kanyang kapangyarihan at pagpupunyagi sa pagsasalaysay ng isang mukha ng buhay sa isla na masasabi nating “natiwalag” mula sa pusod ng Katagalugan o Maynila. Malinaw itong mahihinuha sa kanyang sulat sa isang tulang pinamagatang “Ibinabangon Ako ng Alon”:

Alon ang nagbangon sa malikhang diwa,
At simoy ng hanging humaplos sa mukha;
Pagmasid sa ulap ang nakalilikha
Upang ang persona at ang talinghaga’y
Manulay sa saknong ng akda kong tula.
Ang batong hinilod ng tubig sa batis
At ang punong kahoy malaki’t matuwid
Ang nagpapagitaw sa malikhaing isip
Upang ang soneto, ang dalit at awit
Ay maitalaksan ang lirikong titik
Sa aking tulaing nagpapahiwatig
Ng saya o lumbay ng buhay pag-ibig.
Sakali’t matungha’t tula ko’y mabasa,
Alam ko… kahit konti’y napaligaya ka.

ORGANIKONG MAKATA SI TATA RAUL

Kapag nakausap mo si Tata, aakalain mong siya ay aral sa matataas na kurso sa panitikan, sining, politika at pilosopiya. Madalas siyang makitang nakikipag-umpukan at palitang-diwa sa mga “tagayan” ng mga makata-cum-propesor ng UP at Ateneo. Paminsan-minsan ay nakaka-debate pa niya ang mga ito sa ilang pakikiharap.

Ngunit sa kabila nito, ang hindi alam ng marami, si Tata Raul ay walang formal na edukasyon sa pagsusulat. Sa katunayan, aminado siyang noong mga bandang 1980’s ay hindi pa niya alam ang tugma at sukat. Ang akala pa nga niya noon ay pawang magkatugma ang mga salitang giliw at hagip!

Ang mga una niyang naisulat ay nasa bisa ng kanyang kawalang-alam sa mga batayang reglas ng pagtula. Ngunit mararamdaman na ang indayog at saliw ng mga salita at linya. Maaaring maugat iyon sa mga naringgan niyang balagtasan sa radyo. Kapuna-puna rin ang payapa, malamyos at mahinahong tono at saliw ng kanyang mga tula (bagamat matatalim ang banat ng pamumuna kung minsan) na maiuugnay naman sa hinahon at dahan ng payak na pamumuhay sa isla. Pansinin ang tulang ito sa pamagat na “Oda sa Isla ng Talim”:

Ang laksang halamang sobrang halimuyak
Ang masamyong amoy ng bawat bulaklak
Na nagpapasigid sa gilawgaw-kulag
Ng hanging amihang sa gubat pumungas
At mayuming hanging habagat sa dagat.
Ganyan ka kalantay, ganyan kang mahalin,
Ganyan ka kayaman sa biyayang angkin;
Ganyan ka karikit, O, pulo ng Talim.
Ganyan ka kalusog, ganyan ka kagiting,
Walang dumarating sa ‘yong salamisim—
Noong ang ganda mo’y walang umaangkin.

Ang mga unang naging paksa ni Tata ay dulot ng payak at maalamat na buhay sa Talim. Malimit niyang nagiging kausap sa tula ang kidlat; kung minsan ay nangangarap din siya ng ginto; at kung anu-ano pang mga kababalaghan sa isla tulad ng mga diwata. Direkta o hayagan ang mensahe sa kanyang mga unang akda. “Masalaysay” o hindi matulain ang mga unang naging bunga ng pagtatangka.

Pinatutunayang likas at organiko ang pagiging artist ni Tata ng katotohanang siya ay hindi lamang makata, kundi eskultor din. Nakomisyon siyang gumawa ng mga busto ng iba-ibang Pambansang Alagad ng Sining sa bansa tulad nina Edith Tiempo, Virgilio S. Almario at Alejandro Roces. Nakapaggroup show na rin siya sa mga pinakasikat na ahensiya ng gobyerno  tulad ng Senate at siya ay naikomisyon ng dalawang sangay ng Kongreso na lumilok ng mga tropeo taun-taon. Siya rin ang gumawa ng busto ni Ramon Magsaysay sa UERM. Naging apprentice din siya ng Pambansang Alagad ng Sining na si Napoleon Abueva sa 6th Asean Square Sculpture Symposium. Ngunit ang kanyang kakayahan sa pag-ukit ay dulot lamang ng karanasan bilang welder ng kotse at sasakyan. Sa ganitong punto, mahihinuhang ang talento ni Raul ay hinubog lamang ng mga praktikalidad sa buhay—ang panitik na hinugisan ng kanyang mayamang danas sa katubigan at paet na sinisop ng pagbubuo ng mga bakal sa pagmemekaniko.

Ang dalawa niyang talento sa sining ay hindi maihihiwalay sa isa’t isa. Ang sinop ng kanyang mga salita ay maiuugnay sa kanyang masinsin na pagmomolde at pag-uukit. Malinaw nitong ebidensya ang tulang “Tumbalik” na sumusukat sa kanyang husay sa kontrol ng titik at salita:

Ang dalampasigan at sinag-mapalad,
Ang kasal at sakal ay laksa at lakas;
At ang napipilas ay ang Pilipinas
Nalitong talino’y nakalag ang galak.
At may inalipin, yuming Pilipina;
May lusob na lubos ukab na bakuna,
May laban ang banal sa antas ng santa
Kaya kahit alas ay nagkakasala.
Goli man o ligo sa ilog na patay,
Payat mang kawayan dadapo’ng kanaway.

Subalit paanong nagkaroon ng tiyak na landas ang pagtula ni Raul? Bagamat nasasa-kanya ang likas na pagkamakata, saan pinanday ang talim ng kanyang panulat?

ANG KAUGNAYAN NI JOSE DOROTEO ESPENIDA

Bago pumasok ang 1990’s ay nagkapalad siyang maghanap-buhay sa Physical Plant Office (PPO) ng Unibersidad ng Pilipinas. Napasok siya sa trabaho sa tulong ng kanyang bayaw na drayber ni Salvador P. Lopez, dating pangulo ng UP. Nagtrabaho siya bilang welder ng PPO. Una silang tumira ng kanyang maybahay sa Krus na Ligas sa UP Campus.

Sa UP niya ngayon makikilala si Jose Doroteo Espenida, isang batang mag-aaral noon ng wika at panitikan sa Filipino Department, manunulat at editor ng Philippine Collegian at volunteer ng Brgy. UP Campus. Ngayon, siya ay kinikilala na ring makata ng ating kasalukuyang panahon. Siya ay mamamayan naman ng Angono, katabing bayan ng Binangonan.

Si Doroteo ang nagpakilala kay Tata ng tula. Ibinahagi niya kay Tata Raul ang mga natutuhan niya sa akademya. Maraming gabing nakipanuluyan si Doroteo sa bahay ni Tata sa Pook Amorsolo dahil sa kahingian ng kanyang mga gawain sa Brgy. UP Campus, partikular sa Ricarte-Palaris-Dagohoy (RIPADA) na nakaambang ipademolis sa bisa ng UP Strat Plan. Sa mga gabing iyon ng hindi naman planadong pagpapalihan sa pagtula, unti-unti nagkapangalan kay Tata ang kanyang pagtula. Naging malapit na magkaibigan ang dalawang madalas na magka-ututang-dila hinggil sa mga paksang pampolitika at pansining na kinakaharap ng naninirahan sa UP at bansa noon. “Itinuring ko siyang parang anak. Siya talaga ang nagturo sa akin kung ano ang tula,” sabi ni Tata Raul.

Pangyayari ito sa buhay niya na nakaapekto nang malaki sa kanyang sining, na hindi maaaring ipagwalang-bahala. Sa katunayan, hindi magkatulad ngunit may hawig ang kanilang tula—sa paraan ng pagpapahayag na simple, payak, deretso, ngunit matulain. Bisitahin halimbawa ang tulang “Luha ng Alon” ni Tata Raul:

Kailan kaya magbabalik
Ang pagaspasan ng sari-saring pakpak ng ibong
Pumapaypay sa nagbabagang pamimiyapis
Kailan kaya maaalimaymayan
Ang salit-salit na lawiswis nang tangkaring kawayang
Yumuyukod at nagbibigay pugay
Kailan kaya mauulinig
Ang dalit at korido ng may gahing bural sa laot
Mga musikang sumasaliw sa ugoy ng alon
Kailan kaya makikita
Ang pananayaw ng mga puting kanaway
Na kinakawaya’t sinasaway
Nang nangingimbulong buhawi
Sa tingkaring kulay ng balantukang bahaghari

Umaalingawngaw ang bulong at anasan
Ng hilong pantas at dalubhasa
Doon sa pamantasang pinagligisan ng utak
At pinagsunugan nang makapal na kilay
Kanilang ikinulapol sa katsa ng kabatiran
Na ang inang lawa sa hugis balaraw na pulo
Ay masidhing dinadalahit nang ginaw at kalumbayan
Batbat nang pangangaligkig ang ngimay at mitig
Di na makayang kalungkungin ang burak, gilik at banlik
Na sumusuyod sa anit ng kanyang kapusuran
Hindi na kayang batahin ang pagkakasalagmak
Ang pananampalasan at walang pakundangang
Pagbuntog at paglunod sa kinandong na pasakit
Ng mga mandarayuhang nangaligaw
At ng mga taal at lehitimong nakasakay
Sa lungki’t kaparangan

Hanggang sa pagsapit ng 2001, nakapanguna si Doroteo sa iba’t ibang publikasyon sa lalawigan ng Rizal tulad ng Endramada, Rizal Times at Manila East Watch. Sa mga lokal na magasin at pahayagang ito ay nakapaglalabas ng mga tula si Tata Raul. Mula doon ay lalong natanghal sa mga intelektwal, propesyunal at artist ng lalawigan ang angking galing at husay niya sa pagtula. Naging kapansin-pansin ang katangian ng kanyang tula na gumagamit ng mga salitang karaniwang hindi mawawaan ang kahulugan ng mga aral sa Maynila o sinomang taal na Tagalog. Ang lengua at bokabularyong ginamit kasi ni Tata Raul ay iyong mga salitang may pangkaraniwang gamit sa mga taga-Talim, ngunit wala sa diksyunaryo ng nasa kabayanan. Kung kaya malimit na kakikitaan ang kanyang mga tula ng sangkatutak na talababa para magsilbing paliwanag sa mga salitang ginamit, katulad ng ginawa ni Balagtas sa Florante at Laura. Sabi nga ni Tata, “ganyan ang pagbuhay sa wika. Ginagamit ang mga salitang kung tutuusin ay patay na.”

Mula doon ay napaglimi ni Doroteo, kasama na ang mga kaibigang pintor sa bayan ng Angono, na may salaysay si Tata Raul na kinakailangang matanghal sa madla.

SI TATA RAUL AT ANG MGA TARIKAN

Pinayuhan din siya ni Doroteo na sumali sa LIRA. Malay tayo na ang grupong ito ng mga makata ay nakabase sa UP at kinikilala ngayon bilang ubod at pusod ng formalismo na kinokontrol ng mga nakaposisyon ngayon sa loob ng akademya at mga institusyong pangkultura. Ngunit sa kabila nito, inudyukan siya ni Doroteo na pumaloob dito dahil sa mahalagang layuning pampanitikan—ang matunghayan at maranasan ni Tata Raul ang iba’t ibang paraan ng pagtula ng mga makatang Tagalog at taga-Maynila.

Samakatuwid, isang sinasadyang kilos ang pagsali ni Tata sa LIRA. Dahil sa kanyang kakapusan ng akademikong pagsasanay, minarapat niyang silipin ang grupong ito mula sa loob.

Napabilib sa hiwaga ng tula ni Tata ang mga makatang-LIRA. Kahit ang mismong si Virgilio S. Almario ay napansin ang kanyang organikong husay, kinikipkip na karanasan at malawak na kaalaman sa wika at pananalinghaga. Sa katunayan, marami sa mga nailistang salita sa Glosaryo ni Tata Raul ay naipasok na UP Diksyunaryong Filipino.

Ang una niyang aklat na Halugaygay sa Dalampasigan ng UST Press ay naging tampok din ng usapan sa hanay ng mga makata at artist, nang ang paglalathala nito ay hindi sang-ayunan ng makatang si Michael Coroza. Pangyayari iyong naglagay sa mga artist at manunulat ng Rizal sa pakiramdam ng sadyang hirap bago makalusot sa palimbagan ang isang manipis na aklat, kahit ng isang magaling na makatang tulad ni Tata Raul. Kung hindi nga lamang dahil sa pagtulak at suporta ng kaibigan at makatang si Bobby Anonuevo ay hindi pa malalathala ang libro ni Tata.

Ang totoo’y malalim na ang ganitong iringan sa pagitan ng dalawang makata. Kapansin-pansing minsan nang natatalakay ni Tata Raul sa mga ganyang usapin sa paraang patula pa rin. Matutunghayan iyan sa tulang “Selosang May Karosa” na mahihiwatigan sa pamagat pa lamang ng tula na patuyang pinahahagipan si Mike Coroza:

Pirming may parunggit kung kami’y magkita
Nitong mang-aawit na dala’y karosa,
Lalo na’t dalaga ang aking kahunta;
Di mo makakain ang saboy ng hinga
Na kesyo mag-ingat laging patutsada
Sa aking salitang pulut ang gayuma;
Gayung walang alam sa karakter-kara
Ng pagkatao kong wala daw kapara
Ang talismang bulong kay lelong namana,
Kaya laging susot ako at imbyerna.
O baka may gusto pogi kong hitsura
Kaya may parunggit ay selosa pala
Itong tagaluging may dalang karosa.

Subalit ang “panghihimasok” ni Tata Raul sa LIRA ay masasabing panandalian lamang. Nagpasya siyang iwan ang grupo dahil sa mga “kalayaan sa pagtula” na hinihingi sa kanyang isuko o bitawan. Minsan ay pinayuhan siya ni Almario na iwasan na ang pagpapasa ng mga tulang “libre” sa mga on-line magazine at pamomolyeto. Kumbaga’y nais siyang paiwasin na sa paglalabas ng mga tulang panglahat at pangmasa, at manatili na lamang sa paglalabas ng tula sa mga lathalaang kilala.

Ngunit mariin niya itong tinutulan. Para kay Tata Raul, mas nais niya ang maging makatang pangmadla, hindi panglibro lamang. Malalim nang nakabaon sa kanyang dibdib ang layuning makaabot sa mas maraming mambabasa kaysa matulog sa mga mamahaling aklat ang kanyang mga tula, pagkakitaan ng mga lathalaan at tindahan ng aklat. O kaya naman ay muli itong mabaon sa limot, tulad ng mga salaysay sa Isla de Talim.

Tula ang pangarap ni Tata Raul at mahal ng kanyang puso ang islang kanyang pinagmulan. Si Tata Raul ay makata. Si Tata Raul ay mangingibig ng isla. Mula sa kanyang likas na kakayahan at karanasan ay matapang niyang sinalunga ang mga agos sa panulaan upang bigyang tinig ang kanyang pinagmulan—na malaon nang pinipi sa ating kasaysayan. #

(Ang awtor na mas kilala sa tawag na Philip ay nagtapos sa UP Diliman at isang guro ngayon. Kasapi siya ng Angono 3/7 Poetry Society. Ang papel at panunuring ito ay bahagi sa pananaliksik ng may-akda sa isang sabjek nya sa gradwadong kurso sa UP Diliman sa ilalim ng kanyang guro na si Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera.)

(Mula sa patnugutan ng RNO: Ang binabanggit na Jose Doroteo Espenida sa artikulong ito ay ang sagisag panulat ni Rizal News Online editor Richard R. Gappi noong siya ay nasa UP Diliman at editor ng Philippine Collegian.)

Kasalukuyang itinatayo ni Tata Raul ang KUTA NI TATA RAUL Art Center sa Bgy. Tabon Mainit, Isla ng Talim, Binangonan, Rizal bukod pa sa kaniyang Eskultula ni Tata Art Gallery na nasa sentro ng Metro Manila at studio sa kaniyang bahay sa UP-Diliman. At kung mamalasin ay baka makidnap ng anak niyang nasa Australia sa isang taon.

Warrior’s heart

What can break a warrior’s heart?
It’s not the assault or the gunning
Not the torture or the chasing
Nay, the true warrior, made brave by odds,
Will neither yield nor surrender
Even when subject to the beating [Read more…]

Daydreaming

What will have my breath as its hostage?

The rise and fall of the Manila sun

on our lazy loving days;

Lyrical waves of the Pacific tide  [Read more…]

Poem

I pray I were a poem

as plain as pain can’t be

that poets may possess me

to parse till I am pretty.

Then, pleading further, no more paltry

my pod of pea be pithy

perhaps a pinch profound

enough to eschew pesky.

Perchance, as well, I were a psalm

not really prim but proper, sung

in praise to probably put to pause

precision on a pedestal.

No longer petulant I will

discard pretense and prurience kill

and, possibly, pedestrian

shall pay heed lastly to pronounce

the pathos of a puny piece

pays no price to perfect its peace.