Birtud na Kasipagan

“Basta’t masipag ka,
Yayaman ka,”

5-12-15
7:50 n.g.

Harapin

Panay ang tik-tak ng orasan
Panahong hihinto, di alam kung kailan
Hindi ang nasa dingding ang tinutukoy ko
Kundi ang kamatayan o katapusan ng mundo
Handa ka ba kung sakaling mamaya na?
Handa ka na ba na humarap sa KANYA

Huwag mag-alala, may panahon pa
Sapagkat may natitira pang hininga
Oras ay huwag sayangin, huwag nakatanga
Gumising nang maaga, tamuhin ang grasya

Enero 26, 2014
11:20 a.m.

Inspirasyon

Hindi ko inasahang ika’y darating
Sa pusikit kong gabi bigla kang nagningning
Sinag mo’y pinukaw malabong paningin
Muling pinaalab lamig ng damdamin

Musika’t daluyong ang iyong kapara
Ang hampas ng alon may bigkas na tuwa
Sa taglay mong himig ako ay namangha
Nagawang aliwin puso kong ulila

Halika, irog ko, tayo na, halika
Isayaw mo lamang ako’y sisigla
Marahang umindak malay ko’y itaas
Isinag ang kislap na walang pagkupas

Sa mga bisig mo’y iduyan ang pag-asa
Ako ay hihilig magpapaubaya
Piling na nadama may sikdo at kilig
Sa puyat man ng buhay gising na pag-ibig.

Takipsilim

Takipsilim na nga bang matatawag
Ang taon na dumadagdag sa edad?
Wari ko’y di sapat na matatawag
Kung di naman nawawalan ng liwanag

Ang sigla at saya sa buhay,
Sa aki’y di nagpapatanda
Narinig ko, ito ri’y tandaan niyo
Ang edad raw ay isa lamang numero

ngayon, hapon
Rod / gf

Sa Pag-iisa – 2

Ilang linggo nang umaayaw
sa imbita sa piyesta o kasayahan
kahit pa ipakita ang wisking kagustuhan
nang nag-iimbitang ang wika`y,

“Igan basagin mo naman ang linggo mo
at makiumpok sa amin
nang may gumuhit sa lalamunan mo
na agua-de-patarantang aliw.

Ang tinidor ay pwedeng tumuklaw
at isisid sa nangangagat na maanghang
ang mapili mong ihulog sa lalamunan
nang sa ikot ay lalo kang ganahan.”

Ewan ba at kada huling araw ng sang-linggo
nakasanayang nasa loob ng kwarto
at ang diwa`y paglakbaying mangahoy
na ipanggagatong sa tintang nakakulong.

Ito ang aking bisyo sa ngayon
na kada walang pasok ay magumon
sa pananalakab ng berso ay naroroon
ang ligaya at aliw sa maghapon.

Ah wala talagang nananatili,
ngayon ay bolpen ang kasiyahang-loob.
Kahit nag-iisa ako ay hinahango
sa kaakuhan kong dati ay may lungkot.

Luanda, Angola
17-Jan-13

Tuwid Sana

Tuwid Sana
Danilo C. Diaz

Kung sana
ang Iyong init
ay ang aming apoy
Makaya pa sana nitong pag-alabin
ang dapat naming paglalakbay
sa tuwid na daan.

Ikaw sana ang ilaw
may sinag na gagabay
sa bawat pag-akbay
ng mga kamay
na may iba’t-ibang kulay.
Kami sana
ay may tanglaw
kung sino at saan ang dapat na puntahan,
Sa tuwing kakalam
ang mga tiyan at may mga pusong nauuhaw.

Ikaw sana
ay may naiwang apoy,
Apoy na ang ilaw
ay sinag na gagabay at pag-aalabin
ang pag-akbay
sa mga kalam ang tiyan at mga pusong uhaw;
Ng mga kamay
na may iba’t-ibang kulay.

Kami sana
ay makapaglalakbay
na tuwid ang daan
sa tuwid na daan.

dcd/dodie
27Aug’12

Paano ba ang tumula?

Paano ba ang tumula?
Kailangan ba’y maging dalubhasa
Magkamit ng medalya’t mga parangal
Upang mga katoto ika’y itanghal
Sa ika-isandaan at pitumpong sinulat ko
At ang isang ito’y ika-isandaan at pitumput-isa
Ipagpaumanhin ninyo bawat isa’y panalo!
Sa wika ni Ina “Siyang tunay, anak ko”.
Isang nilalang na sa tula’y naglilibang
Lasap na ligaya’y sadyang nakahihibang
Di kailangang mangilag sa mga diskurso
Kaya sige ka lang, kahit anong pumasok sa ulo

Ang hilig sa tula ay di kailangan nang galing
Kailangan lamang sa puso manggaling

Subukan mo sumulat ka, puso ang iyong gamitin
Mararamdaman mo nagtagumpay ka, naihayag mo ang ibig mong sabihin

5-24-12, 9:45pm

Ikaw Sa Akin

Baka di mabuhay na wala ang Ikaw
Kung di ka makamtan
buhay walang saysay,
Siguro ang buhay na tanging ikaw lang
Tulad sa halaman
dilig mo ang buhay.

Sa’king panaginip
ikaw ay ang langit
Bituing marikit na ayaw pumikit,
Ikaw ang daigdig aking ninanais
Sa bawa’t pag-idlip
ang aking kadikit.

Mainit mong palad
kamay ko ang hawak
Sa hangin at ulap sabay lumilipad,
Laging magkayakap sa sarap at hirap
Ang aking pangarap
ikaw ay ang lahat.

Lilipas ang araw sisilay ang buwan
Liwanag ko’y ikaw
kahit na nasaan,
Ang iyong kariktan kung hindi matanaw
Maghapon ay kulang
parang di nagdaan.

Pag-ibig ko sayo ay ang aking mundo
Umiikot ito
dahil lamang sayo,
Puso ko ay sayo kung iibigin mo
Ang buhay kong ito
para lamang sayo.

dcd/dodie
14February2012

Inspirasyon

Kapangyariha’y ikaw
ikaw ang bawat galaw
pag-ibig gabi’t araw.

Tulog

(sudlong sa Gising ni Rolando Cunanan)

Tulog, matulog ka na

Tulog, takipsilim na

Hilig sa king bisig

Duyan sa king katawan

Tulog sa aking haplos
[Read more…]

Aking Kabibi (may-permisong salin sa orihinal na Ingles ni Erwin Fernandez)

(Tula ni Erwin: Isa pang Salin)

Maging akin kang kabibi.
Buksan mo ang iyong kubling daigdig,                                                                                                                                                       luwagan ang naninigas mong bibig.

Ako ay maingay, marusing,
isang pirasong paubaya
ng pagsabog  sa alon at buhangin,
at maaaring ang iyong sugat
ang kanlungan kong hinahanap.

Ibig kong damhin ka sa aking paligid,
isang dagat ng balat na malambot at kumikislot.
Gusto kong kinisin ang aking mga gilid,
pagsanibin ang ating kirot
sa isang hamog, pilak na nangangatog.

Sabay tayong tutubo
sa bawat suson ng hapdi
hanggang paghiwalayin tayo ng mundo,
itambad ang ating lungkot sa madla,
at ipahayag tayong marikit.

Ang Walang Karugtong na Tala-arawan

Maaga akong nagising sa araw na iyon. Hindi iyon pangkaraniwang gising ko tulad ng mga nagdaang araw… Ngunit nakatulog naman ako ng mahimbing tulad ng pagtulog ko sa isang napakahabang gabi kasama ang napakahabang panaginip na ayaw kong matapos.  

Sinilip ko ang aking relo de pulso. Ang dalawang kamay ay nakatutok sa alas-sais.

Binuklat-buklat ko ang hawak na libro. Wala akong ganang magbasa. Pinaglaruan ko lang ang bawat pahina. At sinasadyang tatangayin ng hanging nagmumula sa electric fan na nakatutok sa akin. Muli akong nahiga. Ipinikit ang mga mata. Iyon ang huling alaala.

 

Tinangay ako ng hangin. paitaas. Nakakabingi ang katahimikan sa taas. Tulad ng katahimikan sa ilalim ng anim na talampakan. Tulad ng pakikipag-usap sa kamatayan. Tulad ng mga bangungot na laging dumadalaw sa aking higaan.

Sinilip ko sa di-kalayuan. Naaaninag ko ang mga dagitab. Kakapahinga lang ng araw sa kanluran. Papalayo ako. Papalayo nang papalayo. Tila mga alitaptap na ang mga ilaw na iyon. Papalayo ako. Papalayo nang papalayo. Hanggang sa maglaho ang liwanag.Karimlan ang bumalot sa kaitaasan.Naramdaman ko ang dilim. Hindi ko nasilip ang buwan. Tinalikuran ba niya ako? O ako ang kusang lumisan. Hindi ko nakita ang mga bituin. Ni hindi man lang nila ako nasilip sa aking huling paglingon. Pumikit na lang ako. Tinangay ako pataas. Pataas ng pataas.Nakakasikip ng dibdib. Tulad ng mga kimkim na poot. Mga hinanakit na ayaw mong pakawalan. Kinagat ko ang aking labi upang takasan ang nakaraan.

Tinangay ako pataas. Pataas ng pataas. Hindi ko namalayang dumaloy ang aking luha. Marahang-marahang daloy. Kabaligtaran sa pagkakatangay ko sa di ko maipaliwanag na pangyayari. Biglaan. At hindi ko namalayan. Ang alam ko lang ay angkas na ako sa matuling paglipad sa malayung-malayo.

Naramdaman kong nasa pinakatuktok na ako. Ngunit patuloy pa rin akong tinatangay. Papalayo sa aking kinaroroonan.

Nasa langit na ba ako? Hindi pa. Papunta pa lang siguro. Hindi ako sigurado. Isang napakalayo at napakahabang paglalakbay.

Nakatulog ako. Isang mahabang pagtulog at pagpapahinga. Akala ko bangungot na naman. Mula sa 25,000 talampakan taas na paglipad. Sa wakas narito na ako.

Nakatunghay ako sa labas ng salaming bintana. Napakapino ng lupa, ng buhangin tinatangay ng hangin. At kusa naman itong nagpapahinuhod sa bawat ihip. Tulad ko rin hindi ko inaasahang tatangayin ako ng kapalaran dito sa Saudi.

 

Papalapit na ang umaga. Alas-tres na ng madaling araw.

Hindi ko alam kung ako ay gising. Hindi ko alam kung ako ay tulog. Hindi ko alam kung ito’y maging bangungot. Ni hindi ako sigurado kung maging panaginip.

 

Maaga akong nagising sa araw na iyon. Hindi iyon pangkaraniwang gising ko tulad ng mga nagdaang araw…