Pasko sa Payatas

Pasko sa Payatas

 

Kung tumulo

ang luha ko

sa “Tinapay ng Paslit”

umapaw

ang puso ko

sa pamilya ni Grace

ang aming bahay

ni Ate Sylvia

sa araw na iyon

 

Pamasko ng mga pari

madre seminarista

at layko

para sa mga mangangalakal

ng basura

 

Pagkatapos ng bendisyon

lumakad na kami

at ikinondisyon

ang sarili

sa paghihiwa-hiwalay

ng anim sa dalawampu’t-dalawang

klase ng kalakal

 

Mga kamay

ang gamit nila

at masaya sila

habang itinuturo sa amin

kung paano

pupunuin

ang bawat sako

 

Ayaw bumaligtad

ng sikmura ko

(naitapon ko na

ang dalandang

pinagsisihan ko)

at totoo

ang tuwa ko

sa pakikipagkwentuhan

habang hinahawakan

ang iba’t-ibang

kaburaraan

ng aking mga kababayan

(walang pang-uuyam

dahil may pasasalamat

para man lang

sa pinagkakakitaan

ng limot na bahagi

ng lipunan)

 

Hanggang tanghalian

 

Tuloy ang kwentuhan

hindi ko maintindihan

kung bakit nakangiti

silang lahat

at puro pasasalamat

ang inuungkat

(si Kernel, coop, multi-purpose

na hintayan, biogas

na elektrisidad,

tubig-NAWASA,

landfill)

nahihiya pang aminin

na wala pa silang budget

para sa kasal

 

(aksidente lang

ang pagsingit ng pangarap

sa kaabalahan

ng bawat araw)

 

Dumaan ang

mga letratista

itinanong kung bakit

wala kaming ginagawa

bago kami pinaporma

kasama sina Grace

sa basura

(hindi naisama

yung biniling mga dalandan

ni Ate Sylvia

para sa mga bata

na sana)

 

Hanggang

sa party na mismo

na halatang

para sa bata

ang motibo

 

Kulang ang mga regalo

kumpara sa basura

na baha animo

ngunit may disiplina

ang aba

na tumatanggap

at nagpapasalamat

sa grasya

malaki o

maliit man ito

 

Kaya gusto kong sawayin

ang mga seminarista

pag pinatatahimik

ang ingay nila.