May Bagyo Ba?

Walang

magagawa

kahit sinong santo

upang mapigilan itong

bagyo

kaya naman

magtitindang santol

upang tugunan sikmurang

kalam.

Ganti ng Inang kalikasan

Dagundong sa bawat dako ay di mo ba naririnig?
Sakuna sa paligid ay parang di mo nababatid
Panaghoy ng mundo’y sa balintataw sumisiksik
Na tila nagbabadyang, katapusan ay nalalapit

Sa mga nasusulat mundo ay dating Paraiso
Na nilikha ng Diyos para sa akin at sa iyo
Upang maging tahanan ng sangkatauhan
At maging lahat ng may buhay mula sa Inang kalikasan

Mabango at sariwang hangin, dati’y iyong malalanghap
Ngayo’y mabahong usok at amoy ng basurang nagkalat
Malinis na ilog at batis na dating pinagkukunan ng kabuhayan
Ngayo’y wag kang lulusong at baka maging sanhi ng iyong kamatayan

Awit ng mga ibon na dati ay iyong maririnig
Sa mga kagubatan at luntiang paligid
Matataas na punong kahoy na nagiging kanlungan
Ngayon ay pawala ng lahat, pinupuksa ng mga taong hunghang!

Aking kapatid masdan mo ngayon ang kalikasan
Tila nagpupuyos ang damdamin niyang sinasaktan
Pagkat ang mundo nyang paraiso ay ating niyuyurakan
Dahil lang sa ating mga pansariling kahungkagan

Kaya ito ang tamang panahon upang tao ay magbago na
Bigyang halaga ang likha ng may lalang sa kanya
Huwag na nating hintayin ngit ngit at galit nya
Sa pagdating ng araw na tayo’y singilin nya

By: egt 01/04/12

ulan

Muling bumuhos ang ulan…

tila bubog nagkislapan…

sa paligid ng karimlan…

nar’on ang iyong larawan…

Noong ikaw pa ang sinta…

binagyo mo ng pag-asa…

ngunit ngayong lumayo ka…

pati hamog tumila na…

Tikatik ang naging saksi…

nang mawalay ka sa tabi…

sarili’y ‘di mapakali…

hinintay ka araw gabi…

At nasundan pa ng unos…

ng puso mo ay nagdamot…

sinasalanta ng lungkot…

matapos mong makalimot…

Kung kailan ka babalik…

labis akong nananabik…

kahit ulan ay tikatik…

kahit hamog tumalamsik…

ikaw ang aking pag-ibig…

hanggang wakas ng daigdig…

Malayo man ako ngayon…

masungit man ang panahon…

larawan mo hanggang ngayon…

sa puso ko nakabaon…

Pagluha ng Alon

Alanganing lahat ang daigdig kong ginagalawan noon, malabnaw pa ang sabaw na bumabatis sa puklo ng aking kiwal na ilog, marami pang katanungang umuukilkil sa aking diwang minsa’y ikinapipikit ng mga mata ni ama. [Read more…]

Tanaga Patama

1. Halang ang kaluluwa’y

wala sa sementeryo,

sila ay naglipana’t

pinuno ng gobyerno.

 

2. Kalul’wa kaming tambing

sa gobyerno nanggaling,

kawangis nami’y kambing;

may sungay kami’t pangil.

 

3. Tirikan ng kandila

ang laksang namayapang

nangulimbat sa lupa’t

dinarambong ay dukha.

 

 

Kahit na Bumabagyo

Nagliliparang yerong mistulang eroplano

sa mga kabahayan,

posteng nagsihalik sa paanan ng lansangan,

palaisdaang nangasira,

mga puno’t pananim

at gumuhong lupa’y

paslit sa kasusunod sa wasiwas ng unos,

habang siphayo ang rutang tinutumbok…

(gawing Norte pa-kanluran).

 

Kumpas ng hanging animo’y ipu-ipo,

tubig-bahang luwal ng sinapupunan ng mga dam

at ulang segu-segundo ang patak,

sa agos ay kalunuran-

‘di inanod ang kap’rasong salamisim

na bakas pa ng iyong pag-irog.

 

Ang lamig na dala-dala ng panahong

mahimbing na pagkakaidlip ang iniaalok,

sa pagal kong katawan at isipa’y

‘di makapagbigay-antok.

Sa tugatog man ng kawalang-malay mo,

‘di nalilingat ang diwa kong alalahanin ka

habang puso ko’y lagi-laging sa iyo’y dumudungaw.

 

Subsob sa trabaho, abalang-abala;

maging kalagayan ko’y nakaligtaang silipin.

Hindi rin yata alintana

ang lakas ng ulan at hanging bumabayo,

gaano pa kaya akong malayo sa piling mo?

 

Buong bayan at rehiyon sa dilim nangangapa

nang ilatag ng gabi ang kanyang banig,

ulan ma’y patuloy sa pagbuhos

at ang hangin sa kaiihip,

pagkatapos nangamba, mga tao’y nagsipahinga…

may isang naiwang gising at ang usal:

“alaala pa rin kita

kahit na bumabagyo”.

 

1 Oktubre 2011, habang nananalasa ang bagyong Quiel

may anino ang bagyo

kaylamig ng taglagas

hatid sa liryo

tinampo ng binutas

nb: binutas, pangalan ng isang purok

Si Yayang at Kabayan

Si Yayang ay namatay sa kagubatan

habang si kabayan ay sa karagatan.

Datapuwat sa anong kadahilanan

na itong lahat ng tao ay nagdiwang

nang dumating, kamatayan ni kabayan?

Kung Ikaw

Kahit ihampas ng malakas na alon
hindi matitinag, hindi manunumbat.
Lunurin man ako at yan ang ‘yong layon,
iyo na’ng buhay ko kung ikaw ang dagat.
[Read more…]

Basyang

Hulyo 14, 2010

Malakas na ulan
ang inaasahan,
Madalas sa minsan
baha ang lansangan.
Kanyang daraanan
tiyak sana’y alam,
Buhay na nasayang
dahil ba kay Basyang.

…. DcD/dodie

Ketsana

Nababalot sa madilim na ulap ang mausok na kamaynilaan…
Madilim… madilim ang buong kalangitaan.

Katanghaliang tapat…
ngunit hindi makasilip ang liwanag ng araw sa madilim na kalangitan…

takot…
kaba…
takot…
kaba…. nararamdaman ng bawat isa…

maglalabasan na kaya ang mga giniginaw na ENGKANTO at DWENDE
na dating residente ng nakalbong Siera Madre.

magwawala na kaya ang mga nanlulumong KAPRE
sa may Katipunan na dating tahimik na nakatambay sa mga puno ng Acacia.

magpipiyesta na kaya sa tubig baha ang mga SIOKOY at SIRENA
na dating residente ng nababoy na Ilog Pasig, Laguna lake at Manila bay.

maghahari na ba sila ngayong nababalot sa dilim ang kamaynilaan.
sisingilin na ba tayo sa kasalanan at pagpapabaya sa inang kalikasan.

unti-unting bumubuhos ang malakas na ulan…
marahas ang bawat patak…

takot…
kaba…
takot…
kaba…. habang patuloy sa pagbuhos ang malakas na ulan….

sana hindi…
sana’y ulan lang ito na mas lalong magpapasikip ng trapiko sa Edsa..

sana hindi…
sana’y ulan lang ito na magpapataas ng tubig sa baradong emburnal sa Espaa…

sana hindi…
sana’y mahaba pa ang panahon para matuto at magbago…

Bagyo

Sunod sunod na unday,

dumapo’y limang latay.

Sa malawak na dagat,

doon ipinanganak.

‘Di mahulaan ang sukat,

dama ngunit di masalat.