Saksi Ang Buwan
Nagkukulabo ang buwan sa sandaling nakasilay
Ng dalawang pusong may bulaan ang sumpaan.
Ayaw nitong saksihan ang isang pag-iibigang
Madalas na nauuwi lamang sa walang kabuluhan.
Naglilimbo ang buwan kapagka may pag-ibig
Na hinugot ang hininga sa loob ng dalawang dibdib
At kapuwa nilasap ang walang patlang na tamis,
Ang liwanag nito ang tanging sinag na may hatid
Ng isang walang hanggang pag-inog ng daigdig.
Natutulog lamang ang buwan sakaling nahihimbing
Ang dalawang pusong nanungkit ng libong bituing
Sumilip sa kanilang pag-ibig. At habang lumalalim
Ang gabi’y magkayakap ang kanilang nagluningning
Na puso; na bukangliwayway ang maagap na nanggigising.
Pebrero 7, 2010
Sa puno ng Piedras Platas
Taliang Bangka sa Makambong
Pulo ng Talim, Lawa ng Laguna
- Ambus - 27th August 2010
- Dalit Ng Galit - 27th August 2010
- Ang Kagaw Ni Sabel - 27th August 2010
- Ibinabangon Ako Ng Alon - 13th August 2010
- Alapaap - 5th August 2010

