Repleksiyon
Ano na bang narating ko sa paglipas ng panahon?
ito ang paulit-ulit sa sarili’y tinatanong.
May kabuluhan ba nagdaan kong mga taon?
o basta nasayang, tumanda lang ng paurong?
May natutunan ba ako sa aking pagkakamali?
nalaman ko na ang buhay sa mundo’y hindi madali
na respeto’y hindi bagay basta na lang hinihingi
at ang mga sumusuko’y tunay na di nagwawagi.
Paniniwalang baliko akin na bang naituwid?
natuto nang makadama ang puso kong medyo manhid.
Sa sariling mga paa kaya ko na bang tumindig?
Pinipilit na humakbang kahit tuhod ay nanginginig.
Marunong na bang makinig bago pa man magsalita?
Inuuna ang kumilos at hindi lang puro dada.
Hindi mangingiming gawin basta’t alam ko na tama
Pagkat tunay na pagbabago sa sarili nagmumula.
Ano na ba ang nakamtan na hindi ko kayang bilhin?
gaya ng mga kaibigan na kailanma’y tapat sa’kin
pagkat batid nilang lahat, ako sa kanila’y ganun din
at kahit na kelan pa man di ko sila lilinlangin.
Pinatawad na bang lahat ang sa aki’y may kasalanan?
kahit pa ako’y nasaktan, at buhay ko ay nahirapan
pagkat ang paghihiganti ay dagdag na bigat lamang
at tagong kimkim na galit ay walang patutunguhan.
Nakakasabay ba ako sa tumatakbong panahon?
o patuloy na nakakulong sa aking mumunting kahon?
sa mundo ng kapalaran ang tulad ko’y isang gulong
minsan landas koy pabababa minsan naman ay paahon.
Latest posts by Jason Villena- Jeje Germs… Kadiri! - 27th May 2010
- Weder-Weder Lang - 27th May 2010
- Pinid na Yaman - 24th May 2010
- Para daw? - 27th April 2010
- Benggansa - 27th April 2010


