Pagluha Ng Alon
Pagluha ng Alon
Alanganing lahat ang daigdig kong ginagalawan noon, malabnaw pa ang sabaw na bumabatis sa puklo ng aking kiwal na ilog, marami pang katanungang umuukilkil sa aking diwang minsa’y ikinapipikit ng mga mata ni ama. Minsan, itinanong ko sa kaniya ang paggalaw ng tubig upang maging isang gumugulong at karaka’y nagtutumiyad na alon. Hinipan niya ang aking dalawang mata at hindi ako nakailag sanhi upang pumikit at umalon ang talukap ng aking mga mata. Bawat kilos at winiwika ni ama’y aking kinalulugdan at iginagalang.
Marami akong natutuhang bagay-bagay na alam kong hindi nabubuklat sa apat na sulok na pahina ng akademya. Halos ang katanungan ko hinggil sa mga laman ng lawa o tubigan ay isang makapal na librong binubuklat niya sa kaniyang mga labi na may nakatagong ngiti.
Maging ang katanungan ko hinggil sa himpapawid ay pahuldohuldo niyang hinuhugot ang buntunghininga at ilalabas niyang parang isang ulap na may kandong na samut-saring hanging umaampiyas ang bubog at bula ng katotohanan. Kaya niyang hulaan ang oras sa pamamagitan ng kiling o posisyon ng pangunahing bituin, kaya niyang sabihing may darating na sigwada sa pagtingin sa dagim ng kalawakan at kaya niyang magtantos kung magiging taghirap o tag-igi ang darating na mga buwan ayon sa pagkakak ng di niya pinangalanang ibon. Kaya naman puspos kong kinilala at tinandaan ang mga inaanas niyang mahihinang bulong kapag ako’y nakikita niyang lumuluha. “Huwag kang iiyak anak, hayaan mong ang mga alon na lamang ang lumuha.”
Nang lumakad ang araw, buwan at ang taon ay hindi ko namalayang isa na pala ako sa mga pinagkukuhaan ng mga naninigil sa lungki at dalampasigan ng pulo kung may pangitain akong nakikita sa araw at gabi ng kanilang pamamalakaya na lipos nilang hinahangaang hindi nagbibisala ang mga tarol ng aking may koronang salita. Lalo na kapagka ganitong panahon. Panahon ng Kawiting Palakol. Si ama ang lihim kong tagahanga, lagi niyang itinitinging deretso ang mata sa akin ng may pagbabantog, kahit ang malalim na dalahit niyang pagtighim ay bumubuntot sa nagbibitak na labi ang mga umid at lihim na ngiti.
Minsan, kalaliman nang gabi’y dinag-as ako ng isang kamag-anak upang sabihing pumanaw na si ama. Maraming nakiramay sa aming pangungulila, higit akong nagdalamhati sa dahilang maraming taon ang ginugol ko sa ibang lugar na di siya kasama ngunit pinangingiti ako ng mga alaalang iniwan niya sa akin, mga alaalang kami lamang ni ama ang nagkakaintindihan sa pamamagitan lamang ng galaw ng aming mga mata.
Ang huli kong titig sa kaniyang mukha ay may kahalong panalangin, hindi ako lumuha at hindi ko ikinurap ang aking dalawang mata kahit na ang sari-saring hangin ay bumabalag at umaalapaap sa aking mukha, nais kong kahit sa huling sandali ay tumindig ang aking sariling hindi matitinag ng kahit anong hangin ang aking pangungulila. At higit sa lahat, hahayaan kong ang mga alon na lamang ang lumuha. Hulyo 28, 2010
Latest posts by Raul Funilas- Ambus - 27th August 2010
- Dalit Ng Galit - 27th August 2010
- Ang Kagaw Ni Sabel - 27th August 2010
- Ibinabangon Ako Ng Alon - 13th August 2010
- Alapaap - 5th August 2010

