National Pastime Theater, Naked July (Teatro at Pagkamapangahas)

 
Noon lang ako nakapanood nang ganoong pagtatanghal. Noon lang. Pero iyon din
ang unang beses na nakapanood ako sa teatro sa Chicago, o saanman sa buong US.

Cliche na ang sabihing “ibang planeta” ang US. Bagaman sinasabing ang Kulturang
Amerikano ay kulturang globalismo na ang Pilipinas, bilang bahagi ng global na
kumunidad, ay hindi maaaring hindi makisawsaw. Kilala ng mga Pinoy si Pangulong
Obama, si Kobe Bryant, si Angelina Jolie, pinanonood ang mga Hollywood films,
pinakikinggan ang mga musikang nasa Billboard Top 40, kumakain ng McDonald’s,
nagbabasa ng Time Magazine, at tinatangkilik ang halos lahat nang produkto at
konsepto ng mga Amerikano. Pero ang kultura ng mga Amerikano ay hindi pa rin
kultura ng mga Filipino.

“Hidden behind the neon storefront is a room with a past and a space with a
future. It is filled with life, filled with mystery, the perfect space for a
theater.” Blurb ng National Pastime Theater (NPT) na matatagpuan sa kahabaan ng
Broadway Avenue sa Ravenswood malapit sa Lincoln Park.

Isang ‘hole in the wall’ na malamang na lampasan ng isang mabilis maglakad ang
lagusan patungo sa NPT. Kahilera ang ilang maliliit na puwestong komersiyal sa
ground floor ng isang lumang gusali na dating Hotel Buena Park.

Ang mismong lokasyon ng NPT ay isang ‘ballroom’ na ginawang ‘speakeasy’ noong
1923. Ang ‘speakeasy’ ay bansag sa isang establisimyento na ilegal na nagbebenta
ng alak noong panahon ng tinatawag na “Prohibition” na ang paggawa, pagtitinda,
at pagbiyahe ng anumang inuming nakalalasing ay ipinagbabawal saanman sa US.
Naglipana ang mga speakeasy sa mga panahong iyon. Kadalasang may kaugnayan sa
sindikato (mob) ang mga may-ari ng speakeasy. Kabilang sina Al Capone at Lucky
Luciano sa mga gangster na yumaman sa operasyon ng mga speakeasy.

Niremodel ng kumpanya ng NPT ang dating speakeasy at ginawang modernong venue
para sa mga produksiyong pangteatro. Bagaman maliit lang kung tingnan sa
harapan, ang mismong tanghalan ng NPT ay may sukat 25×25 at kaya nito ang
akomodasyon sa halos isandaang odyens. Nilagyan ng bagong facade habang ang
istilong Baroque na kabuuan ng lugar ay naghahatid ng elegansiya ng pagiging
antigo na ideyal sa isang teatro.

Mahilig ako sa mga makasaysayang lugar. Sa Pilipinas, hindi ko mabilang kung
ilang beses kong napasyalan ang Fort Santiago sa Intramuros na malapit lang sa
Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM). Nalulugod akong pagmasdan ang mga lumang
gusali saanman. Sa Intramuros ay nakalulungkot isipin na marami sa mga matandang
istruktura rito’y renobasyon na lang sapagkat nawasak noong Ikalawang Digmaang
Pandaigdig. Sa Kamaynilaan ay may ilang gusaling antigo pang nalalabi. Ang isang
antigong edipisyo ay tulad ng isang tulay na nagdurugtong sa kasalukuyang
panahon sa nakaraan.

Habang nasa loob ng NPT, hindi ko maiwasang paglaruin ang imahinasyon sa
nakalipas nang era. May isang siglo na ang lumipas nang ang lugar na
kinaroroonan ko ay isang bulwagan para sa magkakaparehang nagsasayaw. Na ito ay
isang speakeasy na pinagpapalipasan ng oras ng mga lalaki at babaeng nais
tumikim ng bawal na alak. Pagkatapos ay natawa ako sa sarili. Ano’t nasa isip ko
ang isang banyagang kasaysayan?

Banyaga nga ba ang kasaysayan ng US sa mga unang taon ng ika-20 siglo? Di ba’t
1901 pa’y iisa na ang Pilipinas at ang Amerika?

Nang unang dumating ang mga Amerikano sa Pilipinas, ibang planeta ang nakita
nila sa kultura ng mga Filipino. Wiling-wili noon ang ating mga lolo sa
talampakan sa mga relihiyosong pagtatanghal na naglalaman ng sa pananaw ng mga
Amerikano ay mga ilohikal na salaysayin na binibigkas nang patula. Sarsuwela.
Ito ang natagpuan ng mga GI na paboritong panoorin ng publiko sa Pilipinas.

Nang ginawang instrumento ng mga makabayang manunulat na Filipino ang entablado
sa pagtatanghal ng mga dulang itinuring ng gobyernong Amerikano na ‘sedisyoso’
ay ipinagbawal ang mga ganitong pagtatanghal at ipiniit ang ilang manunulat ng
dula. Sa kabila nito’y nagpatuloy ang sarsuwela at iba pang sariling paraan ng
pagtatanghal ng mga Filipino tuwing may kapistahan at pati na rin sa mga teatro.

Sa kabilang banda’y ibinunsod ng pananakop ng mga Amerikano ang pagsilang ng
panibagong pangteatrong pagtatanghal sa kapuluan. Ito ay ang tinawag na
“bodabil” na mapapanood sa maraming teatro noon sa Maynila gaya ng Manila Opera
House at Clover Theater.

Nagsimula sa bodabil, nagsimulang maipakilala sa mga Pinoy ang
istilong-Amerikano ng pagtatanghal na naging popular at tinangkilik nang husto
sa kabila ng maraming batayang pagkakaiba ng kultura at historya ng dalawang
lahi. Sumunod dito ang pelikula at brodkasting na lalo pang nagbigay-daan sa
lubos na pagyakap ng mga Pinoy sa anumang kausuhan at kulturang Amerikano.

“Perpektong lokasyon ang Chicago para sa layunin ng National Pastime Theater
Ensemble. Kasama ang odyens, aabutin namin ang sukdulan. Lilikha kami ng
pagkagimbal, pagkagilalas, titibagin namin ang kawalang-pakialam. Hindi lang mga
tiket ang mabibili sa amin kundi mga pangarap din.” Ito ang isinasaad ng bungad
ng websayt ng NPT.

Tinutupad ng NPT ang sariling misyon sa pamamagitan ng pagprodyus ng dinamiko at
mahusay na “live theater”. Tumutulong din ito sa pagtaguyod sa ibang kumpanya ng
teatro sa Chicago. Hangad ng NPT na mapuno ang libu-libong upuan sa mga teatro
ng bagong henerasyon ng mga manonood na gugulantangin nila mula sa komportableng
kinalalagyan upang magkaroon ng aktibong puwang sa kani-kanilang pamayanan at sa
buong daigdig.

May bagong tungkulin ang teatro, ayon sa NPT, na kanilang sisimulan. Kailangang
baguhin ang pananaw na malambong ng henerasyon na nahirati at pinalaki sa mga
pasibong anyo ng libangan. Saklaw ng “live theater” ang lahat ng henerasyon na
gagabayan ng mga taga-teatro sa magiging aktibong papel sa mundo.

Sa ganitong kaligiran (background) at bisyon ng NPT ay nakakurus ko ito ng
landas noong Hunyo. Para sa buwan ng Hulyo, buwan sa panahon ng tag-init, ay
mapapanood sa NPT ang tinawag na “Hubad na Hulyo” (“Naked July”). Taunang
pagtatanghal o pestibal ang “Naked July” sa NPT bagaman bawat taon ay
magkakaibang dula ang ipinalalabas. Para sa 2010 ay sisimulan ang pestibal sa
Hulyo 2 at magwawakas sa Agosto 2. Mapapanood ang mga sumusunod: “The Emperor’s
New Clothes”, “The Living Canvass: Demons”, “The Tumultuous Tale of the
Tragically Transparent Tunic”, at “Eros”.

-o0o-

Taunan ang pagtatanghal sa National Pastime Theater (NPT) sa tinagurian nitong
“Hubad na Hulyo” o “Naked July” na isang makasining na paghuhubad at paghuhubad
sa sining (“art stripped down”). Ngayong 2010 ay may apat na sumusunod na
presentasyon:

“Ang Bagong Saplot ng Emperador” (“The Emperor’s New Clothes”) na isinulat ni
Keely Haddad-Null sa direksiyon ni Carolyn Anderson. Itinatanghal ito tuwing
Biyernes at Sabado sa ika-8 ng gabi.

Ibinatay ito, gaya nang inaasahan, sa pambatang kuwento ni Hans Christian
Andersen tungkol sa isang emperador na nilinlang ng dalawang sastre na ang
tatahiin diumanong saplot para sa kanya ay pambihira sapagkat tanging ang
matatalino ang nakakakita nito. Nagkunwaring ‘matalino’ ang buong madla.
Ipinarada sa lansangan ang hubo’t hubad na emperador habang ang taumbayan ay
pawang papuri ang sinasabi patungkol sa ‘saplot’. Hanggang sa may paslit na
sumigaw ng katotohanan.

Ganoong-ganoon din ang buod ng istorya ng dulang may katulad na pamagat na
mapapanood sa NPT maliban sa ginawang mas kontemporaryo. O ‘futuristic’?
Ginawang tagpuan ay siyudad ng Los Angeles at ang alkalde ang kumakatawan sa
emperador. Dinagdagan ng labirinto ng modernong burukasya at inevitableng
ginagampanan ng relasyong pampubliko na minamanipula ng bawat pulitiko para sa
pansariling kapakanan.

Bunga ng korapsiyon at inkumpetensiya ng alkalde ay naging bangkarote ang
pamahalaan. Upang matakpan ang mga isyu laban sa kanya ay nag-isip siya ng
‘gimik’ na makapagpapalihis sa atensiyon ng publiko. Sa payo ng isang paham na
film director, si Korminsky, ay pinuntahan nila ang inirekomenda nitong sastre
na lilikha ng ‘designer clothing’ na tanging ang mga ‘enlightened’ ang maaaring
makakita. Siyempre pa, ang sinasabing saplot ay isang panlilinlang sa meyor at
mga alipores nito.

Di lohikal at di inaasahang magaganap ang kuwento sa literal nitong saysay sa
tunay na buhay. Obyus na ito’y isang ‘lampun’ (lampoon) at islapstik bagaman
hindi layong makapang-aliw lang. Maaaring layon din ng dula ang maglahad ng
simbolismo ng ‘kahubaran’ ng isang pusakal na pulitiko at sistema sa/ng lipunan.

Nasa dayalogo ang lakas ng dula sapagkat prediktabol na nga ang banghay nito na
halaw sa isang lumang istorya. Isang rebyuwer ang may puna na napaunlad pa sana
ang tayming ng mga tauhan sa pagpapatawa. Sa kabuuan ay kaaliw-aliw itong
panoorin.

Ang mga aktor ay sina Don Claudin (meyor), Miona Harris (asawa ng meyor), Mary
Roberts (Maggie), David Bettino (Marco), Taylor Entwisle (Maylan) na pawang mga
tauhan ng meyor at si Meg Elliot bilang si Korminsky. Lahat nang tauhan maliban
kay Meg Elliot ay maghuhubo’t hubad pagkat isa sa mga bagong ‘twist’ na inilagay
na pati ang mga alipores ng meyor ay igagawa ng damit na kahanga-hanga.

“Buhay na Canvas: Mga Demonyo” (“Living Canvass: Demons”) sa panulat-direksiyon
ni Lisa Adams. May mahalagang papel sa produksiyon ang makasining na direksiyon
at projection ni Pete Guither, koriyograpi (choreography) ni Meagan Picocci,
sound design ni Isaac Mendel, pamamahala sa entablado ni Andi Davis, at si Don
Alsafi bilang pangalawang manunulat at direktor.

May pangunahing papel sina Emily Mark bilang si “Lilly” na dalagitang baliw at
si Miona Harris bilang nakatatandang kapatid na nagnanais na ilayo o iligtas
siya mula sa mga ‘demonyong’ umaaliw/umaakit sa kanya sa kaibuturan ng
nalalambungan niyang isip. Ang mga gumanap na mga ‘demonyo’ (o mga ‘creature’
ayon sa termino ng programa) ay sina Joshua Peterson, Carrie Colden, Liz
David, Tim Lee, Gina Marie Koontz, Xavier Quillan, Lauren Schufelt, at Gaby
Labotka.

Si Emily Mark ay isang “waifish beauty” na balingkinitan ang katawan at may
ekspresibong kulay-luntiang mga mata. Siya ay gradweyt ng Northwestern
University at napabilang sa ilang produksiyon sa Chicago. Si Miona Harris ay
gumanap ding asawa ng meyor sa “Ang Bagong Saplot ng Emperador”.

Mahahalatang sinadya ang pagpili ng cast na may magkakaibang sukat, taas, at
hubog ng katawan. Walang dalawang katawang magkapareho. Hindi ito katulad ng
isang beauty pageant na hindi nagkakalayo ang mga sukat, taas, at hubog ng
katawan ng mga kontestant.

Mas masalimuot ang presentasyon ng “Buhay na Canvas” kumpara sa “Ang Bagong
Saplot ng Emperador sa aspetong teknikal man o sa kasiningan. Mas mataas ang
antas ng pagkamalikhain nito at dito’y nagkakapareho ng pananaw ang maraming
rebyuwer.

Mapapanood sa “Buhay na Canvas” ang lahat ng perpormer na hubo’t hubad subalit
halos hindi mo maaaninag ang kahubaran nila sapagkat madilim ang paligid at ang
tanging liwanag sa kabuuan ng bulwagan ay nagmumula sa ‘video projection’ na
magsasaplot sa mga hubad na katawan ng matingkad na iba’t ibang kulay at
disenyo habang halos walang patid ang kanilang sayaw sa saliw ng musikang
klasiko at techno-pop.

Gumagamit ng ekspresibong paggalaw (expressive movement) sa pagsasalaysay ang
mga tauhan sa “Buhay na Canvas” na naging mabisa sa wastong koordinasyon nito sa
pagbabago-bago ng tempo ng tugtog mula sa musikang-ballet hanggang sa
instrumental na “Smells Like Teen Spirit” ng Nirvana. Tanging ang pangalang
“Lilly” at ilang maiikling kataga na sinasambit ni Miona, at mga ungol, hibik,
at hagikgik ng mga ‘demonyo’ ang maririnig mula sa sampung tauhan.

Bumabalatay sa kamalayan ng manonood, laluna sa unang beses makapanood nang
ganito, ang koordinasyon ng galaw, tunog, at paglapat ng mga saykedelik
(psychedelic) na disenyong may iba’t ibang matitingkad na kulay sa hubad na mga
katawan na nagdudulot ng distorsiyon sa imaheng nasa harapan.

Tulad ng ibang simbolikal na anyo ng arte, hinahamon ng “Buhay na Canvas” ang
pang-unawa ng manonoood sa ibig nitong ipahiwatig. Naririto rin ang labas/lampas
sa reyalidad na pagsasanib ng nasasaklaw ng kaisipan ng nakatatandang kapatid
(na normal) at nakababatang kapatid (na baliw). Pareho at sabay nilang haharapin
ang mga ‘demonyo’ o ‘nilalang’ na gumagambala at nang-aakit. Magkaiba nga lang
ang pagsipat ng magkapatid sa mga demonyo o nilalang. Naririto ang isang Suriyal
na Tunggalian na kumakatawan sa iba’t ibang reyalistikong tunggalian depende na
sa subhetibong interpretasyon ng tumitingin dito.

Bagaman isinasaad sa sub-titulo ng “Buhay na Canvas” para sa taon na ito ang
“Demons” bilang pagtukoy sa mga ‘nilalang’ na nakikita ng baliw na si Lilly,
kahit ito ay nararapat ituring na simbolikal. Isang rebyuwer ang nagsabi na ang
mas angkop ipamagat ay “Daemons” na salitang Griyegong pinaghanguan ng
salitang “demonyo” ngunit may kaibahan sa “demonyo” sa Judeo-Kristiyanong
katuturan at konsepto ng mabuti at masama. Aniya, sa mga sinaunang Griyego, ang
“daemon” ay isang payak na ‘ispiritu’ na hindi agad matatanto kung maghahatid ng
mabuti o masama sa isang tao.

-o0o-

“Ang Mapanggambalang Kuwento ng Trahedya ng Tagusang Tunic” (The Tumultuous Tale
of the Tragically Transparent Tunic”) sa paghahalaw ni David S. Denman. Nasa
cast sina Mike Brown, Shawn Goudie, Jen LaTurner, Ben Zisk, Hubertus Van
Lanzenauer, David Denman, Megan Brown, Erin Robinson, Arch Harmon, at Mallory
Schuh.

Katulad ng “Ang Bagong Saplot ng Emperador” ito ay ibinase sa kuwento ni Hans
Christian Andersen. Sa naunang presentasyon ang naging wakas ay ang pag-aalsa ng
taumbayan laban sa korap na meyor na kumakatawan sa emperador. Sa “Tunic” ay
masaya ang naging ending nang tanggapin ng emperador ang sariling kahinaan at
itinuwid ang pagkakamali sa pamamagitan ng mga reporma o pagbabago sa kanyang
pamumuno. Kumpara sa “Bagong Saplot” na nailagay sa masamang pagsipat ang
konsepto ng kahubaran sapagkat naging mitsa ng pagbagsak sa poder ng pinuno ang
pagiging hubo’t hubad sa harap ng publiko, ang kahubaran ‘per se’ ay ginawang
positibo sa “Tunic” bilang proseso ng pag-unlad ng isang tao. Pinatawad at
binigyang-pabuya pa ng emperador ang mga nanlokong sastre sapagkat ang panloloko
ng mga ito ang naging dahilan ng pagkamulat niya sa mga kamalian.

Maibubuod ang “Naked July” sa pagbibigay-luwalhati sa Kahubaran bilang isang
hiwalay na paksa sa paksa ng Seksuwalidad. Dito pumasok ang pagiging angkop ang
kuwento ni Hans Christian Andersen na isinulat para sa mga bata at tumutuon sa
inosenteng pagtingin ng mga bata sa hubad na larawan o landskeyp. Ganunpaman ay
maiiwasan ang sagarang paggamit (overuse) na gaya ng dalawang produksiyon sa
iisang istorya.

Ang dalawang beses na paggamit ng kuwento tungkol sa hubad na emperador ni Hans
Christian Andersen ay waring indikasyon ng kakapusan ng materyales ng mga
organisador ng Naked July sa taon na ito sa temang Kahubaran Bilang
Isang Konsepto ng Kawalang-Malay.

Mahusay na dinala ni Mike Brown bilang emperador ang dula. May mahalagang papel
din is Megan Brown bilang tagapagsalaysay at bilang ang karakter na si
‘Moonbeam’.

“Eros” sa pamamahala ni Shifra Werch. Nasa cast sina Taylor Entwisle, Nicholas
Gamboa, Jason Grozyca, Reggie Robinson, Carolina Granger, at Gina Marie Koontz
na kasama rin sa “Buhay na Canvas: Mga Demonyo” bilang isa sa mga ‘demonyo’ o
‘nilalang’. Si Taylor Entwisle ay nasa cast din ng “Ang Bagong Saplot ng
Emperador. Si Carolina Granger ay isang Colombiana na sa biglang tingin ay
mapagkakamalang isang Pinay.

Ito’y isang ‘kolads’ (collage) ng bahagi ng mga obrang biswal, musikal, at
panitikan na tumatalakay sa romansa at, ayon sa pagbubuod ng programa,
nagbubunsod ng erotikong igting sa maraming tao. Ang kolads ay isang
pormang-sining (art form) na ang literal na saysay ay ‘pagdidikit-dikit’ o
‘pagkakabit-kabit’ (sadya ang ‘pun’) ng iba’t ibang bagay sa iisang lugar na ang
kabuuan ng pinagdikit-dikit o pinagkabit-kabit ay ang kumakatawan sa paksa ng
likhang-sining. Nag-ugat ang pormang ito sa sining biswal na idinidikit ng isang
pintor sa canvas ang mga aktuwal na bagay bukod sa
ipininta niya rito. Sa mas moderno at flexibol na katuturan, ang kolads ay
maaari ring isang pangteatrong presentasyon na maayos na pinaghalu-halo ang mga
bahagi ng ibang dula, konsiyerto, deklamasyon, eksibit ng mga litrato/larawan,
atbpa.

Nagsimula ang palabas sa bidyo ng serye ng mga litrato na naglalarawan ng
sari-saring konsepto ng pag-ibig mula sa eksenang romantiko ng magkasuyo
hanggang sa close-up ng pribaadong bahagi ng katawan ng babae at lalaki, at
pagtatalik ng may magkaiba o magkatulad na kasarian sa iba’t ibang posisyon.
Malamlam ang kapaligiran at may banayad na musika.

Didilim. Pagliwanag ay may ‘snap shot’ nina Taylor at Jason sa pusturang
maromansa ngunit ang ipinaaalala ay ang “La Pieta” ni Michelangelo. Parehong
hubad, nakahiga si Taylor sa kandungan ni Jason na ang isang kamay ay nakapatong
sa suso niya. Didilim.

Liliwanag. “Eros…Oohh…Erotika…” Malanding sinasambit-sambit ito ng anim na
tauhan na pawang panloob lang ang takip sa katawan. Direkta silang nagsasalita
sa odyens sa nang-aakit na boses. Manaka-naka’y magyayapusan sila bilang tatlong
pareha. Natatakam. May halinghing ang pagsasalita. “Oohh…Eros…”

Pagkatapos ay magsisimula ang serye ng mga ‘segment’ ng mga monologo, kantahan,
iskets (sketch) o dula-dulaan, dance number, at iba pa na ang paksa ay ang
romansa sa iba’t ibang porma, antas, saysay, kulay, at higit sa lahat ay
reyalidad nito. Sadomasokismo. Kabaklaan. Lesbiyanismo. One night stand.
Hinalukay din ang mga klasiko. Romeo at Julieta. Konde Drakula. Talaarawan ng
isang geisha, etc.

Ang mga dula-dulaan na ang pangunahing tauhan ay nagsasalaysay ng ‘sexcapades’
ay nagpapaalala ng mga naratibong hango sa Xaviera’s Corner ng Penthouse
Magazine at Xerex Xaviera ng Abante. Hindi naman masasabing lubos na mapangahas
sa kabuuan ang “Eros” maliban sa paghuhubad ng mga tauhan. May mga bahagi itong
‘ho-hum’ sa halip palakpak ang ganti ng odyens.

Sa mga kaurian ng pag-ibig, sinisimbulo ni Eros ang pag-ibig na romantiko at
seksuwal bagaman kung magiging istrikto ang pamantayan ay ‘tuwid’ (straight) si
Eros (na tinatawag ding Kupido) na lalaking bathalang Griyego na umibig kay
Psyche na isang babaeng mortal. Si Eros, anak ni Aphrodite na “Bathaluman ng
Pag-ibig”, ay binansagang “Bathala ng Pag-ibig”. Nagagawa ng palasong itinutudla
niya na mag-ibigan ang dalawang mortal. Minsan ay binabansagan din siyang
“Eleutherios” o “Tagapagpalaya”.

Maiuugnay marahil ang esensiya ng pag-ibig na ‘hindi tuwid’ kay Eros o Kupido sa
naging payo sa kanya ng inang si Aphrodite na sa paggamit ng makapangyarihan
niyang pana ay gawing magkapares ang mga hindi magkabagay gaya
ng maganda-pangit, mayaman-api, matalino-bobo. Katunayan, si Aphrodite pa ang
nag-utos kay Eros na gawin nitong si Psyche ay umibig sa pinakapangit na lalaki
sa mundo. Iniutos niya ito sa anak sapagkat naiinggit siya na mas marami pang
tagahanga si Psyche na isang mortal kesa sa kanya na isang bathaluman. Sinunod
ni Eros ang ina at pinuntahan si Psyche. Nang makita ni Eros ang magandang si
Psyche ay hindi niya napigil ang sarili na umibig dito.

Buwan ng tag-init ang Hulyo at idagdag pa na ito ang buwan ng Araw ng Kalayaan
ng Amerika. Naglipana ang iba’t ibang mapangahas na pagtatanghal kaalinsabay ng
pagbibilad ng mga katawan sa araw saanman may tubigan. Hindi nagpahuli ang
National Pastime Theater sa paghahatid ng hamon sa sinumang mamamayan na sumali
sa kapangahasan ng kanilang mga produksiyon at mga aktor na mapapanood.

-o0o-

Sa Pilipinas, bilang isang kumparatibong konserbatibong bansa, ang panlahatang panuntunan pa rin ay pag-iwas sa mga pormang-sining na gumagamit ng, o kinakailangan ang, kahubaran. Ganunpaman ang paggamit ng kahubaran sa di seksuwal na konteksto ay hindi rin naman laging mitsa ng mabangis na paghatol mula sa publiko.

May mga napabalita noong araw na mga pelikulang nais diumano ng ilang hanay na ipagbawal na maipalabas sa mga sinehan sa pagtataglay, diumano, ng “malalaswang eksena”. “Schindler’s List” at “Belle Epoque” ang agad maaalala. Nakatatawa ang ‘bruhaha’ kung iisiping mahuhusay na pelikula ang mga ito at ang mga eksena ng kahubaran ay integral na bahagi ng salaysayin.

Sa huli’y pareho ring naipalabas ang “Schindler’s List” at “Belle Epoque” matapos ang napakaliit na ‘pagkatay’. Madalas, ang mga insidenteng ganito ay nagiging kaduda-duda sa marami na maaaring inisyatiba ng mismong mga produser bilang publisidad na di papalya.

Sa halip na sensura na pinaiiral sa panahon ng batas-militar ni Pangulong Marcos ay napalitan ng ‘rebyu’ at ‘klasipikasyon’ ang panghihimasok ng gobyerno sa mga pelikulang ipinalalabas sa mga sinehan. Sa teatro, nananatiling walang malinaw na regulasyon sapagkat hindi ito tulad ng pelikula na ang ‘master copy’ lang ang kailangang repasuhin.

Manaka-naka, may mga produksiyong pang-entablado na mapangahas at nagtatanghal ng hubo’t hubad na katawan ng mga aktor. Wala namang nagiging alingasngas sa nasabing produksiyon kung ito ay may magandang panlasa. Ngunit gaya nang nasabi’y bihira lang ang mga ito. Kung tubo ang hinahangad ay pang-general patronage pa rin ang nakatitiyak ng kita na pangteatrong produksiyon. Naroroon marahil ang joke vis-a-vis mga ‘moralista’ o hanay na nagsariling-atang ng tungkulin na magsilbing bantay na ‘kontra-kalaswaan’ sa publiko. Na maging mapangahas at lubus-lubusin ang kasiningan ng isang obra at sa huli ay walang maaalala rito ang publiko sa pangkahalatan kundi ang pagkakaroon ng hubaran.

Sa bansang awtomatikong nalalapatan ng limitasyon ng popular na persepsiyon ng seksuwalidad ang hubad na katawan ay mistulang sigaw sa ilang na maaari tayong magkaroon ng Makasining na Paningin sa Kahubaran. Na maaaring sipatin ang Kahubaran sa konteksto ng Pangkabuuang Reyalidad, at hindi bilang instrumento lamang ng pagpapainit ng laman na intensiyon ng mga obra na matatawag na ‘pseudo-sining’.

Nagpakita ako ng isang kopya ng “Playboy Magazine – Philippine Edition” sa mga nasa NPT. Ipinakita ko ang centerfold nito na ang modelo ay naka-two piece bathing suit. Ito na, sabi ko sa kanila, ang sukdulang mailalagay sa magasin. Mas hubad pa ang mga modelo sa “Swimsuit Issue” ng The Sports Illustrated. Ngunit ito ay isang bansa na may sulok ding madidilim. Na ito’y isang bansa na may mga palabas na tinatawag na “toro” (o “toro-toro”) na may parehang nagtatalik sa gitna ng odyens. Na sa mga birhaws ay may mga mananayaw na naghuhubo’t hubad at sa tuwing ‘espesyal na gabi’ ay kumukuha ng lalaki sa odyens upang makatalik sa entablado.

Nagpapahiwatig ba ito ng reyalidad na umiiral sa kasalukuyan na tahasang taliwas sa kolektibong pagtingin natin sa ating kultura? Na may pinaiiral na pambansang ipokrisya? Na walang ipinag-iba sa mga tumatawag sa sariling mga “pambansang alagad ng sining” ngunit pawang nasa toreng garing at walang muwang sa mukha at lagay ng bayan?

“Perpektong lokasyon ang Chicago para sa layunin ng National Pastime Theater Ensemble. Kasama ang odyens, aabutin namin ang sukdulan. Lilikha kami ng pagkagimbal, pagkagilalas, titibagin namin ang kawalan ng pakialam. Hindi lang mga tiket ang mabibili sa amin kundi mga pangarap.” Ito ang ‘misyon’ ng NPT na ang lokasyon ay isang dating ‘ballroom’ at ‘speakeasy’ noong mga unang taon ng ika-20 siglo na panahon din ng pagsisimula ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas.

Sa mga panahon ding iyon, sa kabilang panig ng mundo, natagpuan ng mga Amerikano ang senaryo ng teatro sa Pilipinas na di nalalayo sa panahon ng ‘medival’ (medieval) sa Yuropa na naglalaman ng mahahabang berso at tumatalakay sa mga kuwento sa Bibliya. Ngunit hindi naglaon, ang obsoletong porma ng dulang ito ang ginamit din ng mga makabayang Filipino upang magpahayag ng pagtutol sa pananakop ng mga dayuhan. Nang matuklasan ito ng kolonyal na gobyerno ay ipiniit ang mga mandudula at ipinagbawal ang pagtatanghal ng dula sa wikang katutubo sa payak na rason na sila, mga banyaga, ay di ito nauunawaan.

May mahabang kasaysayan ang teatro bilang lunsaran ng kapangahasan sa maraming bansa. Bago ang pagdating ng panahon ng pelikula ay ito ang isa sa mga pangunahing libangan ng sangkatauhan. Sa Pilipinas, mula sa sarsuwela na bigkis sa lahat ng antas sa lipunan sa pagtatapos ng ika-19 na siglo ay may dalawang malawakang kaurian ng produksiyong pangteatro sa kasalukuyan. Ang una ay ang mga itinatanghal sa Folk Arts Theater, Meralco Theater, Cultural Center of the Philippines, at mga katulad na eleganteng venue. Sa isang banda, sa mga lalawigan ay patuloy, bagaman nababawasan na rin ang bilang, ang mga senakulo sa panahon ng kuwaresma at mga dulang halaw sa mga tradisyunal na epiko at kuwentong-bayan tuwing kapistahan na nagsasaad ng mga salaysaying hindi pa man nagsisimula’y alam na ng manonood ang katapusan.

Kaylaki ng kaibahan ng senaryo ng sining-teatro sa US, sa Chicago partikular, sa aspeto ng diversidad at pagkamalikhain ng mga produksiyon. Sa ngayon ay isang maliit at menor na kumpanya ang NPT. Hindi nababago ang pagiging maliit nito ng matayog nitong bisyon sa magiging papel ng teatro sa lipunan. Pero babalik lang tayo sa punto na ang usapin ng mga ‘antas’ at pagiging ‘big-time’ o ‘small-time’ sa materyal at paimbabaw na sukatan ay insignipikante sa sining.

Hindi tulad sa Pilipinas, malaking industriya ang teatro sa US, sa mauunlad na bansa sa Yuropa, at ibang bansa sa Unang Daigdig. Mayabong ang pamumunga ng malikhaing guniguni kapag may kaakibat na posibilidad ng kasiya-siyang produksiyon at pagsuporta sa sining na ito. Kung pagbabalikan ng mga Filipino ang sariling kasaysayan at kultura, maraming maitatanong sa sarili habang pinagmamasdan ang kasalukuyang kalagayan ng teatro at sining sa Pilipinas.

Bago lang akong nakapanood ng mga produksiyong pangteatro sa US at di ko maiwasan ang humanga sa ‘pasyon’ (passion) ng mga aktor sa pagganap laluna sa produksiyong tulad ng “Naked July” na nailalantad nila ang lahat-lahat nang walang pangingimi at tanging sa piniling sining nakatuon ang buong kamalayan. Hindi ‘one-way street’ ang teatro. Nakatungtong ang pasyon na ito sa tiwala sa kanilang odyens, na sa malawakang sipat ay kinakatawan ng taumbayan, na may taglay na Makasining na Paningin sa Kahubaran. Ang teatro ay isang paraan ng pakikipagtalastasan. Isang lengguwahe.

Nararapat bigyang-diin na unibersal ang lengguwahe ng teatro habang nasa lengguwahe ang kultura ng sangkatauhan at pagiging Tao.

-ooo-

Latest posts by Fermin S. Salvador

Share and enjoy...

If you enjoyed and liked this post, LIKE it on your Facebook. Consider also leaving a comment below to share your thoughts with others.
avatar About Fermin S. Salvador

Fermin S. Salvador is a poet sometimes. He has a degree in BSE major in Communication Arts in English and Filipino from PLM and LLB from Lyceum of the Philippines. He also took up (but yet to make a thesis in) Master of Arts in Teaching in Emilio Aguinaldo College.

He has published about a thousand short stories in komiks form and several romance pocketbooks. He had stint writing daily tabloid newspaper column "Serbisyo". About a hundred of his prose stories appeared in several magazines.

Fermin is proud to be a licensed teacher but prouder for having served the Philippine government as an active duty commissioned officer with the rank of captain in the Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). For his services in upholding the country's criminal justice system particularly in the realization of a BJMP Paralegal Program that provides assistance to prisoners he was awarded as the nationwide Junior Officer of the Year in 2003. He was first placer in the first Penology Officer Exam given in the Philippines and commended by the DILG for this feat.

Fermin was trained as a journalist in the Philippine News Agency (PNA) and was a MOWELFUND scholar in Film Editing. Now a permanent US resident, he is working for the state government of Illinois as a QMRP (Qualified Mental Retardation Professional) coordinating various policies and actions related to treatment and care of individuals with developmental disabilities.

Speak Your Mind