Maikling Salaysay Tungkol sa Ipuipo sa Piging – Antolohiya ng mga Tula Mula sa mga Totoong Makata ng ating Panahon

January 23, 2010
By Fermin S. Salvador • Posted in Blogs atbp .

Meet Fermin S. Salvador
Leave a response
Email this post to friends Email this post to friends

Maikling Salaysay Tungkol sa Ipuipo sa Piging – Antolohiya ng mga Tula Mula sa mga Totoong Makata ng ating Panahon

Sinulat ni

 Fermin S. Salvador

Una kong isinulat ang pariralang “Ipuipo sa Piging” sa isang papel na iskrats na may kasamang tala na “pamagat ng aklat ng mga tula”. Ganoon lang. Bahala na kung kumupas sa gunita anuman ang eksaktong naglalaro sa isip ko sa mga sandaling iyon. Ang mahalaga ay naisulat ko sa papel ang sa haka ko’y magandang pamagat.

 
Kalagitnaan ng 2007 nang nagpaskil ako ng paanyaya sa Philippine Komiks Message Board ni Gerry Alanguilan para sa sinumang handang makipagpartner sa paglilimbag ng isang libro tungkol sa komiks. Marahil ay inakalang isang biro lang ang hamon na iyon. Pinatulan ni Randy Valiente ang hamon. Si Randy ay isang manunulat at dibuhista sa komiks. Nagsilbing balangkas sa gagawing libro ang minsa’y naipaskil kong ideya sa mga yugto ng kasaysayan ng komiks sa Pilipinas. Ang mga detalye ay bahala na si Randy. Bago natapos ang taon ding iyon ay isinilang ang “Komiks sa Paningin ng mga Tagakomiks” na antolohiya ng mga sanaysay mula sa iba’t ibang taong may iba’t ibang naging karanasan sa industriya at sining ng komiks. Marami ang bumili sa nasabing libro. Sa halip na pakinabangan at paghatian namin ni Randy ang kinita nito, nagpasya kaming gamitin para sa panibagong proyektong magasin na pinangalanang Pinoy Komiks Rebyu. Nasa merkado na ang unang isyu ng magasin na ito na naglalaman ng mga nagaganap sa industriya ng komiks at mga pagsusuri sa kaugnayan ng komiks sa kultura at lipunan.

 
Pagkatapos nito’y naisip ko ang proyektong paglilimbag ng isang aklat tungkol sa renga ng mga miyembro ng isang yahoo group na itinatag ng isang kabataang makata na si Lolito Go Jr. alyas Bum. Mahigit sa lima kami sa mga miyembro ang nagpalitan ng dugtong o kabit na mga tula sa renga sa loob ng ilang buwan. Nagsimula ang renga sa kalagitnaan ng 2008, natapos ang rengga noong Disyembre nang taon na iyon. Bago pa man natapos ang renga ay nag-email ako sa isang Rose Ydia na kasaping kabilang sa pamunuan ng yahoo group. Sa mga panahong ito ay hindi na aktibo si Bum sa yahoo group. Sinabi kong interesado akong pondohan ang pagsasalibro ng renga ng grupo. Isinali niya sa usapan ang isa pang kasaping pangala’y Raul Funilas na kadikit niya sa kontrol ng yahoo group. Sa pagpapalitan ng email, sinabi sa akin ni Rose na limampung libong piso (P50,000.00) ang halagang kailangan sa paglilimbag. Madali akong kausap laluna’t hinaka kong hindi naman mga ordinaryong tao kundi mga ‘makata’ ang kausap ko. Nang nagbalikbayan ang kapatid ko noong Enero 2009 ay ipinadala ko ang US$1,100.00 na agad namang kinuha ni Raul sa mismong bahay namin sa Tundo. Pagkatapos nito’y wala nang email akong natanggap kina Raul at Rose. Manaka-naka, ipinapaskil nila ang usad ng proyekto sa yahoo group. Ang pagkakatanda ko’y renga lang ang sinabi kong ililimbag. Pero biglang naging kasama ang mga balagtasan at kung anu-ano pang nakatuwaan sa yahoo group bago pa ang renga. Napakamot ako ng ulo. Pinabayaan ko na lang sapagkat nauunawaan kong nais nilang lubusin ang pagkakataong mailimbag. Bandang Agosto nang biglang nagkaroon ng desisyong palitan ang pangalan ng yahoo group dahil may puna raw ang isa o dalawang pambansang alagad ng sining. Sa pagkakatanda ko’y inilibing na ang orden ng pambansang alagad ng sining (PAS) ng mismong mga PAS. Pero palagi pa ring nakabuntot o nakasungay ang titulong ito sa pangalan ng mga PAS na para bang wala na silang ibang mapagkakakilanlan pa. Pagkatapos nito’y naputol na rin ang anumang ulat-paskil sa pag-usad ng proyektong aklat ng renga. Pagdating ng Disyembre ay nagsabi si Raul na nais niyang iworksiyap ang mga kasapi ng yahoo group sa mga kilala niyang manunulat. Isang taon na ang nakaraan na walang nangyari sa proyekto habang nasa kamay nina Rose at Raul ang pondo para sa pagpapalimbag ng libro. Nagpaskil ako sa yahoo group na tumitiwalag na roon sabay sabing ipinauubaya ko na kay Randy Valiente ang inilaan kong halaga para sa pagpapalimbag ng aklat ng renga. Dalawa ang opsiyon: bawiin ang pera kung wala pa sa imprenta ang libro; kung nasa imprenta na, kukunin ni Randy ang karampatang bilang ng kopya ng mga aklat para kami na ang magdidispatsa nito lalo’t nakapag-establisa na kami ng distribution system na independiyente kahit maliit. Lumitaw na talagang wala pa sa imprenta ang proyektong aklat. Sinusulat ko ito’y hindi pa rin naibabalik nina Rose at Raul ang nasabing halaga.

Minsan nang naimungkahi ni Randy na magpablis kami ng aklat ng mga tula ko. Tumanggi ako. Sabi ko, tapos na ako sa ganoong level ng mentalidad. Mas mamarapatin ko pang isalibro ang mga tula ng isang baguhang mahusay na makata na tiyak na magiging masaya sa ganoong karanasan. Sabay pagbibirong napakamahal ng mga tula ko para ilagay sa iisang aklat lamang. Katulad nga ng kasabihan:  Huwag ilagay sa iisang buslo ang lahat nang iyong mga itlog – bagaman hindi ko alam kung angkop ang paghahambing na ito sa paksa.

 Hindi ako nagbibiro nang sabihin kong interesado akong magsalibro ng mga tula ng mga batang makata o kahit hindi na bata basta may mga tulang karapat-dapat mailimbag at walang oportunidad na mailimbag sapagkat na-marginalize sa kasalukuyang kalakaran ng paglilimbag ng mga obrang literatura. Nagbalik sa isip ko ang “Ipuipo sa Piging”. Hindi ko pa sinasabi kahit kanino ang nabubuong planong ito. Bigla, may isang mensahe mula kay Abet Umil. Nakikisuyo ng dalawang tula para sa ilalathala niya raw sa blog niya sa GMA News. Nagpadala ako ng dalawang tula sa kanya na makalipas ang ilang araw ay naging laman ng lathalain sa blog niya. Bago pa ang nasabing pagkakalathala ay parang nalutas na ang tanong sa sarili ko kung sino kaya ang makukuhang editor para sa antolohiya ng mga tula na tatawagin ngang “Ipuipo sa Piging”. Premyadong makata si AU, may sariling aklat ng mga tula (“Oda sa Kaldero”) at hindi makakatkat na bahagi ng hurisprudensiya ng Pilipinas matapos mabilanggo nang walang basihan at pinalaya matapos magdesisyon ang Korte Suprema.

 Nang ialok ko kay AU ang proyektong “Ipuipo sa Piging” ay nagtanong siya kung ano ang motibasyon ko rito. Magilas kong sinabing ang aklat na “Mga Agos sa Disyerto” na kalipunan ng maiikling kuwento. Sabi ko, kung ano ang Agos sa maiikling kuwento ay magiging ganoon ang Ipuipo sa mga tula. Matayog na pangarap, naisip marahil ni AU, pero hindi niya alam na nanggaling ito sa isang tao na may kasaysayan na ng mapangaraping pagtitiwala para sa ikasusulong ng panitikan at pagtataguyod ng mga manunulat na hindi kilala o ayaw kilalanin ng kasalukuyang sistemang umiiral sa larangan ng kultura at panitikan. Nakararanas ng pagkadismaya. Nakatatagpo ng mga huwad na katauhan. Patuloy na nanlulumo sa tinatahak na senaryo ng panitikan at kultura sa bansa. Pero hindi nagbabago o nababawasan ang igting ng paniniwala sa kahalagahan ng patuloy na pagtataguyod ng mga bagay at diwa na nagbibigay-buhay sa kaluluwa ng sambayanang Filipino bilang isang lahi at Filipino bilang isang tao.

 Disyembre 2009 nang nagkasundo kami ni AU sa proyekto. Makalipas lang ang ilang araw, iniulat niya ang kamangha-manghang pagtitipong-lakas ng ‘Ipuipo’. Napakaraming nagpadala ng ambag na tula. May mga kabataan. May mga beteranong hindi na mababaklas ang puwang sa kasaysayan ng panitikan ng Pilipinas ngunit nananatiling nasa labas ng Establisimyento, nakatapak sa lupa, at tagamasid lamang sa halip na mapabilang sa sirkus o ‘piging’. Pagsasama-sama ito ng nakalipas, kasalukuyan, at hinaharap ng panulaan sa Pilipinas. Pagsasama-sama ito ng mga tunay na makata ng ating panahon.

1/21/10

Latest posts by Fermin S. Salvador

4 Responses to “ Maikling Salaysay Tungkol sa Ipuipo sa Piging – Antolohiya ng mga Tula Mula sa mga Totoong Makata ng ating Panahon ”

  1. dodie58 on January 23, 2010 at 3:25 pm

    Ka Fermin,

    Kung may nais sumali o magpadala
    at mag ambag ng tula, paano po?

    Ang akin pong mga tula, may tsansa po ba?

    Salamat po,

    dodie58

  2. ferdinand bajado on January 23, 2010 at 4:22 pm

    Ka Fermin,
    hangad ko pong mag-ambag ng mga tula, subalit sa kasalukuyan ay nakalambitin po ang aking pang-unawa sa inyong tinuran, bagaman may kasunduan na at mararami na ring nakapagpadala ng tula, ang nais ko pong malaman ay kung saan na humantong ang naturang proyekto. Napakalaki po ng aking interes upang makaambag man lamang at maisama ang mga nakatiwangwang kong likhang tula. Maari pong ba ipaalam ninyo sa lahat ng may interes at sa isang katulad ko kung paano kanino at saan maaaring ipadala ang mga tula,at kung ang proyekto pa po ba’y aktibo hanggang ngayon.
    maraming salamat po.

  3. Rod Escobin - LBNHS on January 24, 2010 at 4:49 pm

    Ka Fermin,

    Halungkatin mo ang aking mga tula. Baka sakaling meron kang makursunadahan. Sila’y naghihintay ng “barkong papel” na masasakyan. Wala namang masamang sabihin ko ito sa iyo.

  4. Rado Cervo 111 on January 25, 2010 at 1:48 am

    Fermin, may mga sablay sa facts mo tungkol sa pagpapaimprenta ng Renga Book ng Kamakataan.

    una: Hindi namin ninais lubusin ang pagkakataong mailimbag dahil mayroon na kaming naunang librong inilimbag. Ang Unang Sulyap.

    Pangalawa: Alam ng lahat sa grupo ang dahilan ng pagkakaantala sa pagpapalimbag. Alam yan nila Ka Ezzard, Zig at ng lahat ng aktibong miyembro. Sana ay huwag naman tayong lumihis sa katotohanan.

    Alam mo bang maaari kang mademanda sa maling impresiyon na ipinaabot mo sa lahat ng readers ng Emanila sa mga inilahad mo dito?

    Yun lang, magingat sana tayo sa ating mga binibitiwang salita.

Leave a Reply

Share with others your thoughts, but please observe our rules for commenting. Other questions? Please visit our FAQ page.
Want your photo on your comments? Go and get a gravatar!
.

You must be logged in to post a comment.

TEXT ADS & LINKS
  • load cell
  • Write eBooks: ebook software downloads
  • Matthew Lesko - Home Bankruptcy Help
  • Coping With Infidelity
  • emanilapoetry.com
  • Free Psychics Online
  • Power Wheelchair Click Here
  • Your text links here! · Learn more.
    WRITERS RESOURCES
    » Apostrophes and Tagalog poetry
    » Grammar, spelling, and poetry
    » The correct use of 'ng' and 'nang'
    » The numerical meaning of 'other'
    » Poetry editing and punctuation
    » Free articles for self publishers, writers, ezines

    Contributors & Writers

    A complete list of our writers and contributors is available here.

    You can easily learn more about a writer by simply following the "Meet -name of writer -" located on the right panel of a single post. Sample: Meet Team Emanila

    Search by Keyword