Kundimang Handog sa Armadong Paraluman

by E. San Juan

I.

Mahal,
Nagliliyab ang lansangan ng Islang Puting Bato nang ikaw’y
lumisan
Sa iyong balintataw nagtalik ang liwanag at dilim
Nagtipan ang luha’t ngiti sa hanggahan ng pangako’t alaala
Saang likong landas tayo naghiwalay, nakipagsapalaran?

Pumalaot ka sa lagim ng lungsod, napigtal sa diwa’t nakintal sa
dibdib
Patnubay ang masang kumalinga, sabik sa paglaya’y naglakbay
Bagwis sa budhi’y pumailanlang sa madugong larangan
Sa gilid ng bangin naglamay, sa gubat ng gunita naghintay
sa tukso ng mapagkandiling bituin.

KORO:

Sa bawat pintig ng iyong kaluluwa, sa bawat himaymay
Nagpupumiglas ang sinag ng kinabukasan—
Luningning ng pag-asa, halimuyak at alindog ng panaginip ng
armadong diwatang kusang naghandog, kumalas, nagligtas—

II.

Mahal,
Nilambungan ng usok at apoy ang gayuma ng iyong pilik-mata
Humagip ang bagwis ng guniguning lumipad lumapag

Lumusong ka’t tinahak ang tulay sa nilunggating ligaya
Sa dusa’t aliw ng busabos, binalangkas mo ang hiwaga ng darating.

Saang dulo ng landas kaya tayo magtatagpo, abot-tanaw?
Binaybay mo ang ilog, dumaramay sa udyok ng mapagpaubayang
batis sa lambak
Sa takipsilim gumapang ang sugatang katawan sa dalampasigan
Sinasalubong ang luwalhating biyaya, agos ng bukang-liwayway.

KORO:

Sa bawat pintig ng iyong kaluluwa, sa bawat himaymay
Nagpupumiglas ang sinag ng kinabukasan—
Luningning ng pag-asa, halimuyak at alindog ng panaginip ng
armadong diwatang kusang naghandog, kumalas, nagligtas—

Latest posts by E. San Juan
If you enjoyed this post, please consider leaving your comments to share your thoughts with others.

This post was written by...

avatar

E. San Juan – who has written 10 post/s on emanilapoetry.

Kilalang kritiko, makata at progresibong intelektuwal sa buong daigdig, si E. San Juan, Jr. ay director ng Philippines Cultural Studies Center sa Connecticut, USA at co-director ng Philippine Forum sa New York City, USA. Natamo niya ang A.B. sa University of the Philippines at ang A.M. at Ph.D. sa Harvard University. Dating puno ng Departamento ng Comparative American Cultures sa Washington State University, kamakailan siya’y naging Visiting Professor of English and Comparative Literature sa Wesleyan University, Tamkang University (Taiwan), University degli studi di Trento (Italya); at 2003 Fulbright professor of American Studies sa Antwerp at Leuven, Belgium. Nailathala ng University of the Philippines Press ang apat na aklat niya: Carlos Bulosan and the Imagination of the Class Struggle; Toward a People’s Literature; Writing and National Liberation; at Allegories of Resistance. Ang pinakahuling libro niya ay Racism and Cultural Studies (Duke University Press), Working through the Contradictions: From Cultural Theory to Critical Practice (Bucknell University Press), Himagsik (De La Salle University Press); In the Wake of Terror: Class, Race, Nation and Ethnicity in the Postmodern World (Lexington Books); US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave); Critique and Social Transformation (Edwin Mellen Press); Balikbayang Sinta: An E. San Juan Reader (Ateneo de Manila University Press); & Critical Interventions: From James Joyce and Henrik Ibsen to C.S. Peirce and Maxine Hong Kingston (Lambert Academic Publishing, Germany).