Ikaw Na Ang Tula, Ako Ang MayAkda
Sa Aking Mga Tula
Bunga man ng isip
ako ay sinagip,
Sa hirap na hatid
nang bigong ninais.
Hindi ko pa batid
na tulad ng awit,
Ikaw ay papalit
sa lungkot at hapis.
Habang nag-iisa
aking naalala,
Ang tula kay Selya
nasa eskwela pa.
Laging binabasa
minsa’y kinakanta,
May arte’t kumpas pa
parang nasa drama.
Sa luma ko na’ng cell
hirap man’g pindutin,
Puso at damdamin
aking nakapiling.
Mata ma’y maduling
ayaw pa’ng tumigil,
Gusto ay tapusin
katha’y pagkasyahin.
Maraming nagawa
sari-saring diwa,
Buhay din ng iba
ay naisali pa.
Maigsi no’ng una
lumalim humaba,
Nagdulot ng tuwa
ang simple kong tula.
Tula kong tinipon
sa mahal na cellphon,
Bilang na ay taon
na hindi ‘tinapon.
Parang galing baul
binahagi ngayon,
Magsilbing pabaon
ng aking panahon.
Sa’yo aking tula
ikaw ay lumaya,
Sa diwa ng iba
ay makadamay ka.
Sa pagbasa nila
maging ala-ala,
Ikaw na ang tula
ako ang mayakda.
… DcD/dodie
Latest posts by danilo diaz- Sad Love - 26th July 2010
- Just Bear In Mind - 23rd July 2010
- Iba'ng Ganda - 20th July 2010
- Basyang - 20th July 2010
- Missing You - 12th July 2010

