Dalawang Tula Para Kay Inay

Dakila Ka Inay

Sa aking isipan ay nanghihinayang,
panahong kaytagal na di namalayan,
Aking nalimutan ang mga pangaral
at pinaghirapan nang mahal kong Inay.

Kan’yang inigatan sa sinapupunan
di pa nasilayan ay kinasabikan,
Maaring hantungan di kinatakutan
ang aking pagsilang maging kamatayan.

Hirap na tiniis ngayon aking batid,
luha at hinagpis na di ko napahid.
Yakap na mahigpit nang kanyang pag-ibig,
sa tuwa niya’t galit ako’y nasasabik.

Aking ala-ala pantulog na kanta,
sa’kin ang halik n’ya lamang pa kay Ama.
Tanging mahalaga laging nauuna,
ako ang maganda at wala ng iba.

Masuyo’t malambing maalalahanin,
ang tingin sa akin isang babasagin.
Lahat ay gagawin hindi man pansinin,
palagi na hiling ako’y makapiling.

Mga kagustuhan kanyang ibinigay,
aking kahilingan walang tinanggihan.
Nagawang pagtakpan maging kasalanan
sa gipit kong lagay hindi iniwanan.

Ngayon aking dasal sana’y magampanan,
magawang pantayan kan’yang pagmamahal.
Sa’king pagluluwal nang anak kong mahal,
siya pa rin ang sigaw “Dakila Ka Inay”.

dcd/dodie

Inay Dakila Ka

Nang ako’y magluwal sa anak kong Mahal
ikaw rin ang sigaw “Dakila Ka Inay”.

Sa aking pag-aray na ikaw ang sigaw
iyong pagmamahal lalong naramdaman,
Ang bigay mong buhay sa iyo ay utang
saan kailan man di kalilimutan.

Ngayon dinaranas sa piling ng anak
iyong paghihirap na higit ang saklap,
Noon isang palad lampin ko ay hawak
kung basa’y masalat magpalit kaagad.

Anak kong malambing na kagaya ko rin
sa bawa’t pag-gising walang malang gawin,
Gatas at pagkain saan manggagaling
pagkalong sa akin sino ang kapiling.

Sa luhang pumatak pawis na kumatas
pagod mo at hirap batid ko nang lahat,
Sa mahal kong anak ang laging pagyakap
katumbas ay lahat na iyo ring hanap.

Tuwing pagmamasdan manika mong bigay
alaala’y ikaw bilin mo’y ingatan.
Pagdating ng araw kahit naluma man
sa apo mong mahal aking ibibigay.

Akin ngayong awit sa iyo nadinig
hanggang sa mapikit hawak na mahigpit,
Ako’y nasasabik sa’yong mga halik
anak kong makulit hindi mo kalapit.

“Inay Dakila Ka” sayo ay nagmula
narito ka sana anak ko ay karga,
Minamasdan siya kamukha ni lola
ikaw ay kasama hanggang maging Ina .

dcd/dodie

On Mother’s Day 2011

Latest posts by danilo diaz

Share and enjoy...

If you enjoyed and liked this post, LIKE it on your Facebook. Consider also leaving a comment below to share your thoughts with others.

Fatal error: Uncaught Exception: 12: REST API is deprecated for versions v2.1 and higher (12) thrown in /home/emanpoet/public_html/writersgroup/wp-content/plugins/seo-facebook-comments/facebook/base_facebook.php on line 1273