Pag Sumapit ang Bagyo

Paano na ang Pasko

Pag sumapit ang bagyo?

Ang pangnotsebuwena

Inanod sa kalsada.

Wala nang kakabitan

Ng adorno at ilaw

Ang marupok na dingding

Binaklas na ng hangin.

Hindi na maririnig

Mga pamaskong himig

Walang radyo’t dagitab

Pati gitara’y biyak.

Ang krismastri’y nabugbog

At putik ang bumalot

Kasabay na nagutay

Ang aning kabuhayan.

Sa likasan, humantong

Laging banta ang gutom

Gutay na rin ang saplot

Bawat araw, malungkot.

Ngunit Pasko’y nar’yan pa

At ito’y makikita

Sa kapwang nagmamahal,

Dumaramay, may alay.

Ano Ang Ibig Mong Sabihin?

Eh bakit hindi ipagtapat , walang biro’t bulaan, walang labis walang kulang

Sa mapagtiwalang kulasisi, malabo ma’t ibig, daig ang malinaw

Tahasang isiwalat ang nasa loob sukdang hubo’t hubarin ang amor propio

Sa yapak ni Selya’y nabaon ang sumpang binitiwan ni Kikong sumala sa letra

Katoto, di ‘ko sinungaling, totoong ayaw lang sa nakabalatkayong ganda

Sa tipanan nabunyag ang lihim ng kinalkulang pakiramdaman

Magkukunwari pa bang may tiyak na kahulugang hulog ng langit?

Wika’y madulas, dumadaplis, humigit-kumulang ipahiwatig na lamang

Ano ba talaga ang ibig mong ipahatid, ilahad, isaad, ilaglag, ibilad?

Kung di mabigkas o maibulalas, itikom ang labi, humalik sa salawahang katipan.

Sumalang Sawikain

SUMALANG SAWIKAIN

1. Katulad ng propetang sumulat sa buhangin hinuhulaan ang gayuma ng babaeng lumagda ng kababalaghan

2. Sa sulong umaandap nagkristal ang uling sa tuminding kislap ng diyamante

3. Iminungkahi na ang tumpak na landas ay isang lubid na bahagyang nakaangat sa lupa upang tisurin ka imbes na gabayan at ugitan

4. Sa unang pagkanulo ang sakit dito’y hindi sumusuob sa luwalhating darating kaya di nalililiman ng ligayang taksil sa bawat sandali umula’t umaraw man

5. Maraming lugar na mapagsisilungan ngunit isa lamang ang pook ng katubusan bagamat maraming paraan ng pagtubos at pagkanlong

6. Pagkatapos ng unang pagtataksil nasulyapan natin sa entablado ang ngiti ng dalaga sa kanyang irog habang nagmunukalang inireserba ang isa para sa iyo Ay naku nuynuyin na lamang ang sisteng ito

7. Naglalaro pa lamang ang mga hayop sa bakuran ng mangangaso di na makatakas ang mga usa gaano man kabilis ang kanilang pagmamadaling lumigpit sa gubat

8. Isang dipa lamang ang layo ng batis sa uhaw ng katoto subalit nagdalawang-loob kaya sa kabila ng hinala kapwa mauutas silang dalawa

9. Bawat pag-aari’y nakaw ngunit sino ang mag-aangkin ng regalo sa sinta at ang sakripisyo sa mga naglalaway na bulto’t santong pinipithaya

10. Walang kawawaan sa taglay na kapalaran, magbabangon ang dayukdok na alipin samantalang umiilag/lumilihis sa tumbalik at balighong arangkada ng tadhana

11. Natuklasan sa buntot ang ulo ng sabwatan hanggang hamog sa talulot ang umaasong patak ng luha sa mulagat na nagsuplong

12. Mabuti pang magdusa kaysa pagmalupitan ang kapwa kaya niyakap ng pilosopo ang kabayong binugbog sa Torino

13. Malas ang mahuli ka sa bilang na ito bukas makalawa’y muntik-muntikanang karamay ka sa di maiiwasang sakuna

–E. SAN JUAN, Jr.

Sa Tahanan

Nais kitang anyayahan

Pumasok sa munting tahanan

Barong-barong sa tabing batisan

Minumutya at tanging yaman.

 

Paglapat ng iyong mga paa

Sa baitang yari ng kawayan

Iakyat ka sa isang palasyo

Na inukit ng pagmamahalan.

 

Ang pintuan ay iyong buksan

Talakbong nito’y saya ni Inang

Sa pagdungaw sa may bintana

Sa lirio ang mga mata’y mahalina

 

Kung takipsilim man ay darating

Sa kandungan niya’y mahihimbing.

Utang (kay Itay)

Ayaw kong husgahan ang aking paggalang
Marahil
Akin mang pakinggan mga kwentong tunay
Baka
Tulad mo’y ako rin hirap ang damdamin
Siguro
Kung
Sa bawa’t paggising wala sa paningin.

Minahal mo ba sya
minahal ka raw nya?
Ako’y iniwan ba nang iwanan mo siya?
Pinaluha mo siya ikaw ba ay lumuha?
Nang ako’y iluwa
ikaw ba’y natuwa?

Dala ko ang ngalan na bigay ni Inay
Kanyang dinugtungan ang iyong nilisan,
May hapdi ang ungal bilin nang pumanaw
Hanapin ay ikaw sayo ay may utang.

Ikaw ba ay ako
ngalan mo’y dala ko
Ikaw ba ay sino na may utang ako
Hindi ko ginusto ako’y naging ako
Galing ako sayo
ikaw si Itay ko.

Ayaw kong tuluyan mawalan ng saysay
Dahil
Ang tangi kong buhay ikaw ang may bigay
Kaya
Laging hinihiling sa aking dalangin
Sana
Dapat
Kita’y patawarin aking makapiling.

dcd/dodie
14June’12

Sa Aking Ama

May tatay kung mag-alyas

Na sa galaw ay ungas

Aking bayolohikal

Na ama ay simple lang

Ama di lang sa tawag.
[Read more...]

Soneto Claus

Mamang malusog na may balbas,

Pula ang suot, ikaw’y sino?

Sino ka nga ba? Bakit tanyag

Ka kapag petsa ng Pasko

Na ang ‘sinilang ay Sanggol

Na payat at may  payat  ding

Ina at ama? Dagundong

Ng karetela, kuliling,

At paghalakhak mo’y lamang-

Diwa ng bawat batibot

Na nahihimlay; nahimlay

Din no’n sa kural ang Diyos

Na Bata’ng hatid:  regalong

Purong pag-ibig  sa  mundo.

Si Santa at ang mga Pulitiko

Si Santa ay totoo

At sa Paskong darating

Ang mga pulitiko

Ay kanyang dadalawin.

“Magsabit kayo ng medyas

Sa gabi na ang Mesiyas

Ang mensahe’y lalaganap

Sa mundo na mapagwaldas.”

Memo’y ipinadala

Sa bawat sekretarya

Ng dalawang Kamara.

“Sa bintana, ang isabit

Ay di bagong biling branded

Bagkus totoong ginamit

Amoy-paa’y  nakabahid.”

Sa petsa ng pagdalaw

Si Santa ay namanglaw

Bawat mans’yong puntahan

Medyas na nakasampay

Bago’t sa pabango’y apaw.

Ngunit kay Kongresman Tungaw

Kaysama ng alingasaw

Ng medyas, parang basahan.

“Siya’y di ipokrito

Lantad ang pagkatao

Sa kanya ang  regalo:

Mananalong pangulo.”

“Paumanhin, Ginoong Santa!”

Si Tungaw ay halos dumipa

Hiyang-hiya nang umeksena,

“Dapat ay bago’t imported pa

Ang medyas ko’t di  labakara…”

“Di iyo itong medyas?”

Si Santa ay nagulat.

“Sa tao kong si Kulas

Dito ko iniatas,

Isinabit ng ungas

Ay medyas niyang butas!”

 

Mga Batang Nangangaroling

 

Mga  batang  marusing,

Kayo’y nangangaroling

Sa gabi’y tumutugtog

Barangay, nililibot.

Mapalad na kung piso

Minsan wala ni singko

Sa inyo ay ibato

May bulyaw pang: “Istorbo!”

Patuloy sa pagkanta

At laboy sa  kalsada

Kahit napapagod na:

Ang awit: “O magsaya!”

Karoling, pag natapos

Hahatiin ang limos

Bawat isa,  sa  tuos,

May baryang masasambot.

Barya man ay kaysarap

Kapag bunga  ng  hirap

Ang perang hawak-hawak.

Karoling uli bukas!

Mga bata, alam n’yo

Kayo’y minstrel ng Pasko

Mga  puso’y  sinsero

Gaya  ng  beybing  Kristo.

Pera ma’y kakarampot

Hindi galing sa  imbot

Kumpara sa  kurakot

Nagdudulot ng sinok.

Niyebe Rock

 

Sa ‘Tate ang aming bato  ay  niyebe

Pag ito’y binilog, sa kamay minolde

Ay parang bato ring ipinambabato

At dahil niyebe: ipinangyeyelo.

Kapag bumubuhos ang ulang niyebe

Abong-Pinatubo ang nasa memori

Niyebe’y higit lang ang pagkabusilak

At hindi  mainit,  nailadong  bulak.

Ang perwisyong dulot ng maraming n’yebe

Ang abo ng bulkan ang gaya  rin  bale

Kaylangang linisin, ikaw’y magpapala

Nang maraming oras. Ay, sadyang abala!

Sa larawan tingnan ay kyut ang niyebe;

Panahon ng  Pasko,  kayputi  ng  kalye.

Mga tao’y nahan? – tanong ninyong tiyak -

Bilanggo sa bahay, kanta ay Silent Night,

Habang sa Pilipinas

Rakrakan

Dakdakan

Kantahan

Yugyugan

Sa daan.

Miswa Kung Krismas

 

Paumanhin, Sinta,

Sa hapag, makikita

Sa notsebuwena

Wala tayong bilog

Na keso at  hatdog

O hamon na bantog

Tanging nakaya  ko

Ay ang miswang ito

May hibi at upo.

 

Kung iisipin mo,

Mabuti  pa  tayo

At may sasaklolo

Sa ating bituka

May wala ni miswa

At nasa bangketa,

Pilit itutulog

Ang gutom, bangungot

Ang gabi ng Diyos.

 

At kung  iisipin

Nadaig pa natin

Ang maraming hain

Ngunit magnanakaw

May putik sa kamay

Na di hinugasan,

Handa ay may uod;

Sa bawat paglunok

May sumpang kasunod.

 

Bakit Nga Kaya?

Dati ang pagtula’y naririnig lamang
Kapagka makata’y nasa balagtasan
Ni hindi naisip darating ang araw
Pagkatha ng tula ay kagigiliwan.
Kahit sa sarili ako’y nagtataka
[Read more...]

Ang Hele Ng Aking Ama

Nung ako’y maliit pang bata,
Madalas akong ipaghele ng aking ama,
Lalo na kung ako’y naiinitan at nagwawala.

Hindi ko lubos na maunawaan,
Pero gustong-gusto kong pakinggan
Ang kanyang himig sa silong ng buwan.
[Read more...]

Dalawang Tula Para Kay Inay

Dakila Ka Inay

Sa aking isipan ay nanghihinayang,
panahong kaytagal na di namalayan,
Aking nalimutan ang mga pangaral
at pinaghirapan nang mahal kong Inay.
[Read more...]