Birtud na Kasipagan

“Basta’t masipag ka,
Yayaman ka,”

5-12-15
7:50 n.g.

Akrostik 1

Titigil lang ba
Ang ingay ng
Humaharurot na buhay kapag
Inimpit ng
Mga sigawan ang
Inis na pagtalima sa
Kapangyarihan?

Sirang Plaka

Ugat ng ngitngit

umaga hanggang gabi

walang kapalit

ay ambot may rayt to…

Ewan…
ang sagot kapag hindi alam,
ewan ko…
kung walang pakialam,
ewan ko sa kanila…
kung tunay ang kasinungalingan!

Tanong: Anong ewan naman yung “ay ambot may rayt to…?”

Sagot: Hindi ko alam!

064e5704-25d3-4e67-8466-09e29294381f_20131107_NPPA-VFD_00073905

Bad Trik

Isang inang losyang
limang mapuputlang paslit
nagbayad ng tatlo
sumakay ng dyip.

Tik tak tik tak tik tak tik
usad pagong ang trapik,
maya-maya’y sa pawis namutiktik
ang dalawang batang nakakunyapit.

Naging tila sombi ang maliliit
sumuka ng pansit,
sa paa ko ang tilamsik
umasim bigla ang dyip.

Sumabog ang amoy ng trik or trit
kalahati diretso sa sahig
kalahati sa orends na plastik,
biyahe ko bad trik!

Pinsala kay Barok

Alis
Alin?
Api?
Alas
asin
pasan
asa
salà
asal
sali
lapà.

Nasà
sana
lasáp
lasa
iláp
palà
lisan
pila
pisan
salin
silà
pilas
pisâ.

Salain
lapis
pinsalà,

salapî.

Scam

Pagkatapos kong mabasa ang isang artikulo ng PCIJ
tungkol sa PORK BARREL SCAM,
ito ang dalanging tinuro ko sa aking anak bago kumain:

“Panginoon, salamat po sa pagkaing ito na aming kakainin,
pagpalain mo po ito dahil wala itong halong PORK at SCAM. Amen”.

“Kain na baby, masarap yang CHICKEN NOODLES!”

“Hayaan mo, next time magpo PORK tayo. Pangako hindi ko lalagyan ng SCAM!”

Tek (Anghel na Halimaw)

Bagay na mahiwaga,
merong dalawang mukha,
katawan ay galamay
punong-puno ng dila.

T’wing pumapaimbulog,
nagkukubli sa tunog,
hawak-hawak mo siya
pero alipin ka nya.

Unawa ay ninanakaw,
pandama ang balaraw,
sangkap ng araw-araw,
anghel ngunit halimaw.

Galing sa Pusò

Di baleng simple ang talumpatì

basta galing sa pusò,

kesa kahanga-hangà’t kay galíng,

galing naman sa ibang ngusò.

Anghit

Sabi ko; di muna ako magdyi dyip,
kaya pumara ng bus sumakay akong pilit,
pakay ko kahit konting lamig,
tikuran, ulo ko ang uminit,
paano, katabi ko amoy anghit.

Kabalahibo

Ngayo’y hubad at hubô
gusto ring makaupô
sa binukbok na buhô,

habang ibinububò
ang putik na mabahò
sa kalabang pamatò,

tyak na kabalahibo.

Tatlumpu’t Limang Ulo

Sa apat na sulok ng silid
matatagpuan ang tatlumpu’t limang paslit;
May tangang bolpen at isip
na sinasagutan ang pagsubok na nakaiinip;

Sa dibdib ay may dugo at sakit
mga kuyakoy at yuko panay ulit;
Nakatingala sa kisame at nakaabang
ng milagro mula sa anghel na matatapang;

Tulala ang isa’t nag-iisip, paano ba?
Daig pa ang bangkerong sa loto’y tumaya;
Nagkamot ng ulo at naghikab,
Mga nirebyu kagabi’y walang tumalab

Kaakibat ko ang munting relo
Pakalad-lakad, mata’y sumisirko
Nagmamatyag ng maaaring tumingin
ng mga maling sagot sa katabi nang palihim

Kung Ikaw Na Nga

Nang ibinato mo sa akin salitang may salamangka

Parang  nagbukas bintanang nakasara

Ngunit ang paraluman  hindi nagpahalata

Dinaan ang lahat sa tawang palaka

 

Kung ikaw na nga ang magiging tanglaw

Sa mga gabing mapanglaw

Hintayin ko kung kailan mo  matutunang isigaw

Kung kailan mo ibibigay sa akin ang ‘yong huling sayaw

 

Batid ko naman,  mga larawan ko’y sinisilip mo nang palihim

Habang tumutagal, pagnanasa  sa aki’y lumalalim

Unti-unti na rin akong nabubuo sa iyong mga salamisim

Pinapangarap na makasama sa paparating mong takip-silim

 

Kung ikaw na nga, hamon ko’y magpakatotoo ka

Kapalaluan mo sa iba ay tigilan na

Pagkamataas lunukin,  magpakumbaba

Patunayan mo na buhay ay hindi pala madaya

 

Ang dyaskeng  kupido ngayon ay naunawaan ko na

Kung bakit pusong bato ay sapilitang pinanana

Wagas na diwa ng pag-ibig  nais niyang ipakita

Hangad niya’y mapunan ang pangungulila ng bawat isa

 

Sa  sandaling katha ko ay iyong mabasa

H’wag ka sanang pipiyok, h’wag din kokontra

Pakinggan na lang bulong ng aking mga mata

Nang malasap mo tindi ng magneto ko’t gayuma

 

Kung ikaw na nga

 

 

 

 

 

D2 Na Me

~~~
d2 na me
wer na u hon?
~~~
bhay ka
na ba ‘nak?
“work pa po Pa!”
~~~
s’an ka ngayon?
d2 pa me, sa byan
ng culi2… 🙂