Kilala ng Dios

Ang may sala ba’y nagkamali
o nagkamali ang may sala?
Itama ninyo kung ako’y mali;
kapag minsan ay sumasala
ang mga tinuring na imbi,
kung ang binigay napasobra
sa iniabot nga na sukli,
sila rin ba ay magdurusa?
alam ng Dios, trigo sa hindi.

 

 

Bunga

Sa tagpuan ng silangan at kanluran,
yakap ng mga sanga ang bungang bubot,
maghapon magdamag, inaalagaan,
walang pagod, walang halong pag iimbot.

Sakaling ito ay tuluyang mahinog,
maluwag nya itong ipauubaya
sa dumadagundong na kidlat at kulog,
pagmamasdang lumago mula sa lupa.

Kung mangalaglag ang mga lumang sanga,
naron ang Punong Puno, magpapayabong
magpapatatag sa mga bagong sanga
at sakaling mamunga, may magkakanlong.

Sumpa

Kung minsan pag tinanong ang nanay kung may trabaho sya, ang sagot nya, WALA! Pero kung gumising sya, madaling araw -maghahanda ng babaunin mo anak. Ginagawa nya ito ng walang bayad na kapalit. Dahil ayaw niyang danasin mo ang kanyang kabiguang suklian ng ginhawa ang kanyang ina dahil sa maagang pag aasawa, sumumpa siyang magtiis makatapos ka lang. Hindi naman siguro kalabisan kung ang una mong sahod, sa kanya mo ilaan. Pero paano mo ito gagawin kung bago ka nakatapos, nanay ka na rin. Kumayod ka ngayon para makabawi sa iyong pagkakamali – hindi na sayong nanay kundi sayong sarili. Ngunit dahil sayong kaabalahan; bago mo pa naagapang pagpayuhan, ang anak mo’y nanay na rin. Nagsikap ngayon ang iyong anak para sa kanyang anak, ngunit huli na nang malaman ng iyong anak na nanay na rin ang iyong apo.

Kahit Luha

May pakimkim man na sigwa
ang mundo ng upasala;
wag nang kimkimin ang tuwa,
dahil langit kahit luha.

Kumot

Sana’y wag kang lumimot
dito, tela ang kumot
panangga sa’king lungkot

Babalikan

Di baleng mahirapan
sa lugar ng dayuhan
basta may babalikan

Buhay at Kamatayan

Kami ay binigyan ng malaking responsibilidad
Na ang bayan ay ipagtanggol mula sa mga gahaman
Hawak-hawak namin ay sandata, baril at granada
Upang ipagtanggol ang bayang aming sinisinta

Buhay namin ay nakatali sa kamay ni kamatayan
Gabi-gabi nananalangin na kami sana’y pagbigyan
Araw sana’y darating na ang lahat ay magmahalan
Nang matapos na ang giyera na aming kinatatakotan

Sa pamilya kami humuhugot ng aming lakas
Sila ang aming inspirasyon upang ituloy ang laban
Ngunit di nawawala sa aming puso’t isipan
Ang takot na baka kami mawala magpakailanman

Sa gabi kami umaatake sa mga kalaban
Hawak namin ay takot, sandata at dasal
Na nawa’y matapos na ang ganitong kahibangan
Kapwa Pilipino ang naglalaban sa loob ng inang bayan

Kami ma’y sundalo sa oras ng labanan
Ngunit kami rin ay tao na marunong masaktan
Masakit din sa amin na aming kapwa’y pahirapan
Dahil lamang sa ideolohiya at di pagkakaintindihan

Malakas mang tingnan ang aming katawan
Ngunit puso namin ay mahina’t walang laban
Dahil dalawa lamang ang aming patutungohan
“Buhay lamang at Kamatayan”

May Bagyo Ba?

Walang

magagawa

kahit sinong santo

upang mapigilan itong

bagyo

kaya naman

magtitindang santol

upang tugunan sikmurang

kalam.

Talino Lang Ni Pilato

Hindi pa nga naampat
ang mga unang panaghóy
luhang di dapat pumaták
mulí na namáng dumaloy.

Pag-asa’y mulíng nanangis
sa kinapatirang pangkat
anák mahál na kay tamís
pangarap, naglahong ganáp.

Hindi nga ba kalokohan,
pumasá magíng bihasâ
subukin ang katapatan
sa tulong ng mga pasâ!

Di ba kabalintunaan
kapatiran ay kasanggâ
mag aral ng katarungan
patí na maging masamâ!

Anóng silbi ng talino;
magalíng nga anóng saysay,
kung tulad lang ni Pilato
mahusay, maghugas kamáy!

Nang May Makain

Pilit idinidilat;
para lang may makain,
ang magkabilang matang
kinain ng talukap.

Ibon (waging tula)

Sa gawing silangan ng malayong nayon,
Merong isang batang edad tatlong taon;
Kalaro ng ama sa buong maghapon
Walang kasingsayang tawa’y kaylulutong.

Sa gayong tanawin sa tuwing umaga
Ay mayroong ibong tila nagsasaya’t
Sa dal’wang mag-ama ay gustong sumama,
Kaya itong ibo’y kagyat nagpasiya.

Agad na dumapo sa may pasimano,
Nakita ng bata at kanyang sinino;
Nagtanong sa ama: “Iyan po ay ano?”
A, iyan ay ibon, O, mahal kong bunso!

Halos araw-araw ay ganun ang tagpo’t
Pawang kasiyahan ang langkap sa puso,
Kaya itong anak tuwa sa pag-alo
Nitong kanyang amang lipos ang pagsuyo.

Tuwing maglilinang sa kanyang bukirin,
Hindi alintana pawis butil-butil—
Dahil inspirasyon ang anak na giliw;
Kahit anong hirap kanyang titiisin.

May mga panahong ibo’y nawawala,
Ang tanong ng anak: “Ama nahan kaya
Ang magandang ibong lagi sa bintana?”
Nangingitlog anak, sila’y lumilikha

Matibay na pugad. May ngiti ang anak
Na may kasabikang mamasid ang lipad
Ng nagpapalitaw sa kanyang halakhak,
Ang ibong nawala kaya hinahanap

Sumibsib ang araw naglaop ang taon,
Ganap nang lumaki ang usbong ng dahon;
Ang paslit na bunso’y nagka-edukasyon
At ang kanyang ama’y naghuklob na lelong.

Humilab ang buhay ng anak na bunso,
Subalit talagang ang tao sa mundo’y
Minsa’y malimutang di magiging tao;
Kung walang bikilang naghirap na braso.

Tumaas ang lipad sobrang pagkatayog
Ng bunsong niliyag. At ang ikinilos
Sa bawat kaharap ay walang pa-irog,
Kaya kahit ama ay naghihimutok.

Tuwinang darating ang lumaking anak,
“Ano nga bang ibon ang dumapo anak
sa bintanang bubog?” Iyan po ay uwak!
At paulit-ulit: Iyan po ay uwak!

Ano nga bang ngalan ng ibon sa hagdan?
Halos maya’t maya tanong mapitagan,
At ang bunsong anak halos ay pabulyaw
Ang sagot sa amang tila natigilan.

Walang pagkasawang sadyang ulit-ulit,
Ang itinatanong matandang makulit;
Padaskol nang sagot ang ibinabaldig
Nitong kanyang bunsong pagalit ang boses.

Halos araw-araw hintay nitong ama
Ang kaniyang anak sa tabing tarangka,
Ngunit ilang linggong pag-uwi’y umaga;
Hanggang makatulog na di nakikita.

Minsang nat’yempuhang anak ay dumating,
Salubong ang ama sa anak na giliw;
Subalit ang anak halos di batiin
Ang matandang sabik sa kanyang pagdating.

At kung batiin ma’y tila nangsosora,
Dahil yaong uwak ang kinukumusta;
Kung muling babalik tutok-iasinta
Barilin kaagad nang di na makita.

Libong hinanakit agad na pumasok
Ang matandang ama sa tahanang loob,
Sa kanyang paglabas may papel na tiklop
Na pinagtalaan nang anak ay musmos.

Doon nakasulat ang mga nagdaan,
Noong itong bunso ay may katanungan
Sa ibong dumapo pasimanong lugar;
Pawang nakalimbag lipos pagmamahal.

“Kanginang umagang sisilay ang sinag
Nitong haring araw kami’y may halakhak
Ng bunso kong anak na labis kong liyag,
Dahil sa may ibong papaga-pagaspas

Sa gawing silangan, agad itinuro
Upang maka-aliw at sa paglalaro’y
Merong matutuha’t sa isip tumimo.
“Anak, iya’y ibon. At iya’y dadapo

Sa ating bintana, masdan mong mabuti
Ang kulay at kilos. Pagkai’y bulate,
Insekto, at prutas. Habang ‘hinihele
Sa bisig ang bunsong may pagmamalaki.

Kagabi, humapon muli’y isang ibon
Sa batalang dampa, agad kong kinalong
Ang mahal kong bunso’t muli s’yang nagtanong:
Na kung bakit daw ba sa dampa humapon

Ang magandang ibon? Ang sagot ko’t bigkas—
Pawang pagmamahal at mga pangarap,
Na siya’y igapang at aking matupad
Na siya’y magtapos ng kurso sa s’yudad.

Hirap, dugo’t pawis ang aking ginugol
Upang mapa-aral, magka-edukasyon
At hindi maparis sa ‘king tinalunton
Ang bunsong minahal. Siya ang tutugon

Pag ako’y tumanda, siya ang aakay,
Siya’ng mag-uugoy sa ‘king pagduruyan
Kung ako’y may sigid hapis-karamdaman;
Siya’y abaniko init ng katawan.”

Sa ganoong tagpo matanda’y natumba,
Halos hinahabol ang huldong paghinga;
Walang ibang taong dito’y nakakita
Maliban sa ibong nasa isang sanga.

Dumapo ang ibon sa kanyang balikat,
Higit man ang hinga’y laking pagkagulat;
Pagkat itong ibon may titik ang bigkas
Na isang awiting sa kanya’y lulunas.

“Ako’y isang ibong iniwan ni ama sa pugad,
Upang makahanap ng mga uod at prutas;
Sa buong maghapo’y walang humpay ang paglipad—
Ako’y nangangambang si ama ay napahamak.

Nahan ka ama at ako ay iyong iniwan?
Sa maghapong gutom sa yakap mo’y nauuhaw,
Ako’y natatakot pagkat walang limbo ngayon ang b’wan;
Ang ibon sa pugad nasa dila ng kamatayan.”

Kagyat nanumbalik liksi ng matanda,
Biglang balintataw sa isip at diwa
Ang nangakaraang galak nito’t tuwa—
Sa awit ng ibong siya’y inandukha.

Hinimas ang ibon at siya’y nagbilin,
Sakaling pumanaw ay kanyang awitin
Sa anak ang himig na napakalambing
At magpapahimbing kung ako’y ilibing.

Kuta ni Tata Raul Art Center
Bgy. Tabon Mainit, Isla ng Talim, Binangonan, Rizal

Hanap-hanap Kita

Ang lahat ng pook, aking nilalakbay,
Hanap-hanap kita kahit saan pa man;
Malibot ko man ang buong daigdigan,
Aking kagalakang ika’y matagpuan.
Ngunit saan ka na kaya, aking liyag,
Nababatid mo bang kita’y tinatawag? [Read more…]

Isang Milyang Dagdag

Anak, tayo nang lumakad,
hawak na’t tayo’y uusad,
daan ma’y ‘di lahat patag,
puso mo ay ipanatag –
akong ‘yong ‘sang milyang dagdag.

Bubot at Dahak

Bubot
nang mabanat
butong nangangarap.
Subalit aahon pa ba
kung oras may pilak
ngunit buto’y
dahak?