Saludo sa Kubo

Itago man, mabubukô
tadhana’y hindi nagbirô
pitong daan at tatlumpô
noo’y putok pa sa buhô.

Tulala pakalat-kalat
iniluwa nitong dagat
inunang laya inunat
sa kalsada sumusulat.

Hanggang mapadpad sa kubo
labing tatlo magpapasko
mga pantig estimado
napasalo sa parnaso.

Piping saksi itong dulang
sa may wangis na aklatan,
doon ay pinagsaluhan
mga tulang maiinam.

Unti-unting namumukod
ehemplong dito nahubog
kay ligaw paanod-anod
balingkinitang taludtod.

Karangalang nakapiling
ang bangis ng isla talim
katipunerang malambing
at mga gurong kay galing.

Maaliwalas, kulimlim
bubong kang handang tanggapin
ang bayaning hayag, lihim
nang mangaylangan ng lilim.

Ngayong magdadal’wang taon
saludo sa kubo, layon
ng akdang binabalumbon
papuri sa Panginoon.

Kaibigang Tapat

O kay sarap mayakap

ng kaibigang tapat

kesa pasasalamat

ng isang mapagpanggap.

Pasko sa Payatas

Pasko sa Payatas

 

Kung tumulo

ang luha ko

sa “Tinapay ng Paslit”

umapaw

ang puso ko

sa pamilya ni Grace

ang aming bahay

ni Ate Sylvia

sa araw na iyon

 

Pamasko ng mga pari

madre seminarista

at layko

para sa mga mangangalakal

ng basura

 

Pagkatapos ng bendisyon

lumakad na kami

at ikinondisyon

ang sarili

sa paghihiwa-hiwalay

ng anim sa dalawampu’t-dalawang

klase ng kalakal

 

Mga kamay

ang gamit nila

at masaya sila

habang itinuturo sa amin

kung paano

pupunuin

ang bawat sako

 

Ayaw bumaligtad

ng sikmura ko

(naitapon ko na

ang dalandang

pinagsisihan ko)

at totoo

ang tuwa ko

sa pakikipagkwentuhan

habang hinahawakan

ang iba’t-ibang

kaburaraan

ng aking mga kababayan

(walang pang-uuyam

dahil may pasasalamat

para man lang

sa pinagkakakitaan

ng limot na bahagi

ng lipunan)

 

Hanggang tanghalian

 

Tuloy ang kwentuhan

hindi ko maintindihan

kung bakit nakangiti

silang lahat

at puro pasasalamat

ang inuungkat

(si Kernel, coop, multi-purpose

na hintayan, biogas

na elektrisidad,

tubig-NAWASA,

landfill)

nahihiya pang aminin

na wala pa silang budget

para sa kasal

 

(aksidente lang

ang pagsingit ng pangarap

sa kaabalahan

ng bawat araw)

 

Dumaan ang

mga letratista

itinanong kung bakit

wala kaming ginagawa

bago kami pinaporma

kasama sina Grace

sa basura

(hindi naisama

yung biniling mga dalandan

ni Ate Sylvia

para sa mga bata

na sana)

 

Hanggang

sa party na mismo

na halatang

para sa bata

ang motibo

 

Kulang ang mga regalo

kumpara sa basura

na baha animo

ngunit may disiplina

ang aba

na tumatanggap

at nagpapasalamat

sa grasya

malaki o

maliit man ito

 

Kaya gusto kong sawayin

ang mga seminarista

pag pinatatahimik

ang ingay nila.

Hinahanap ko

i.

sa mga mata
na hindi na nakatawa
ang pagtanggap
ng bigla kong pahayag
na meron pang
konting panahon
bago ang susunod kong
kausap

ayaw na nila
at hindi ko na mabawi
ang itinakda-nang
pasubali

at hindi ko na mapigil
ang nagmamadaling
hakbang pauwi.

ii.

sa paghihiwalay
ang unang kislap
ng kasabikan
sa dumating at dinatnan

hindi na bale
yung pasubali
na kokonti
ang natira
sa pagpapa-opera

basta o kahit
magkita-kita lang

kasangkapan lang naman
ang lugar
at pagsasaluhan
kung meron man

kultura na kasi
kahit hindi na nga
magdamagan

nadagdagan
ang katandaan
kaabalahan
kahalagahan

yung biro
ay paulit-ulit
tungkol sa bitbit
para hindi subukan
kung biro nga lang

kultura na kasi
kahit hindi na nga
magpaliwanagan

sa mga dinatnang
kitang-kita
ang pagtatangkang
magmukhang may pitagan
sa harap ng dumating
na kasabikan
malaking puwang
ang mapunang
may pinaghahahandaang
kasunod ang harapang
pinag-usapan

parang biglaang taning
hanggang dito na lang

kaya gulantang
ang paghihiwalay.

iii.

sa malulutong na halakhak
ang katiyakang
kasabay ako
at hindi hiwalay
sa galak.

Dahan Dahan

At kung baka sakali lang naman
Hindi mo alam, o nalimutan
Kung paano kita tinitignan
At pa’no pinahahalagahan [Read more…]

Kaya Kaibigan

Hindi mo matatapik
ang iyong likod
bilang gantimpala
sa nagawang may lugod.
[Read more…]

Kung Sakali Hati Tayo

Noong ako ay bata pa ay maraming katanungan

Ang tuwina’y naiisip sa sarili kapag kuwan.

Sa darating na panahon kaya ko ba ang mabuhay?

Kahit wala sa tabi ko ang kapatid at magulang?

Naroroon yaong takot baka ako’y magkamali

Sa pagkilos at paggalaw kahit na nga sa pagngiti.

Sa pagbigkas ng salita nag-iingat namimili,

Naging bunga kaya ako ay lumaking isang kimi.

Gayon pa man ang pangamba ay pilit kong iniwasan

Sa maganda itinuon ang buo kong kaisipan.

Palagiang sinasambit, “bahala na ang Maykapal,

Bigyan sana Niya ako ng tunay na kaibigan.”

Parang tugon sa dalangin dumating ka sa buhay ko

Sa pangambang nasa dibdib ay ligaya ang dulot mo.

Aliwalas ang paligid may ngiti na ang labi ko,

Dahil sa’yo kaibigan kayganda ng aking mundo!

Naisip ko tuloy ngayon oh kay sarap nang mabuhay

Sa daigdig kung kasama matalik mong kaibigan.

Sa hirap man o ginhawa sa tuwa at kalungkutan,

Naroroon sa tabi mo upang ikaw ay damayan.

Kaibigan ikaw pala ang lunas na hinahanap

Panlaban ko sa pangamba at dusa na dinaranas.

Lumipas man ang panahon sa pag-abot ng pangarap,

Asahan mong bahagi ka kung tagumpay ay malasap!

Kaibigan

Paligid ay nagiging makulay
Ngiti sa mga labi’y laging sumisilay
Buhay sa piling nyo’y walang lumbay
Sa tuwing kayo’y aking kasabay.

Problema’y saglit na nawawaglit
Lungkot at pangamba’y naaalis kahit saglit
Sa tuwing kayo’y aking kasama
Araw ko’y walang kasing saya.

Hatid nyo’y laging saya’t ligaya
Kung may lungkot sa aking mga mata
Handa rin kayong umagapay at umalalay
Kapag nangangailangan ako ng isang karamay.

Kaibigan, sa lahat ng araw na ating pinagsamahan
Sa lahat ng mga halakhak at ngiti
Na sa aki’y iyong ibinabahagi lagi
Taos puso akong nagpapasalamat ng marami.

Naaalala Kita

Dalas sumasalit kahit na abala
Hindi pwedeng hindi kita maalala
Di man kusain ay naaalala ka

Babanggitin ko kahit nakakahiya
Bibig na buka nababanlag ang mata
Sa maraming beses na buntung-hininga

Ang lakas ng epek mo sa aking buhay
Dalas kong malipasan kahit matakaw
Sino pang sisisihin alangang ikaw

Anong dalas na sumilid sa isipan
Kasing dalas ng pagsilip sa silangan
At pagtiklop ng liwayway sa kanluran

Hay naku pag ako`y nangalumbaba na
Sa katutunganga`t pikit nitong mata
Doon nangyayaring naaalala ka

Ay kung bakit nakilala ka pa noon
Na lingon-likod ko ngayong tinutunton
Pwede pa kayang maulit ang “Sing Along”

Hehehe

Luanda, Angola
Miyerkules
07:42 H

Salubong

(Para kay Ka Romy)

Halika

ang sabi ng de-kuryenteng

mensahe

mga letra

at numerong

hinusgahan ko

dahil sa kawalan

ng laman at pulso

saka ko na lang

lululunin ang sariling

konsepto ng hustisya

sa pagkikita

ng mga ngiti

tawa

at kislap ng mata

kahit kumonti

ang mga kanta.

Kainuman

 

Maingay.
Magulo.
Nakakahilo
ang kumukulong
asid sa baso.

Inabot ko.
Tinungga mo
ang tagay na may yelo
at may mapait na likido.

Dumampot ka.
Isinubo mo
ang aming pulutan;
mga hinaing,
mga reklamo,
mga yabang,
mga alalahanin
at iba pa.

Maingay kami
at magulo.
Lasing na
na nakakahilo.
Ngunit nakisama ka
at nakihalubilo.
Nakitagay
at namulutan.

Nakikinig.
Dinadama.
Pilit mong inuunawa
ang ingay ng aming damdamin.

Hanggang sa nalasing ka
kagaya ko
kagaya naming lahat
ngunit hindi mo kami iniwanan

maging sa kalbaryo.

Sa Dalampasigan ng Mers El Hadjadh

Ilang araw na rin akong sinusundot

ng kunsiyensya

Dalawin mo raw si Ka Regie sabi ng isa kong kasama.

Kaylapit lang, walang isang kilometro ang piitan

mula sa dalampasigang ito ng Mers El Hadjadj–dito kami

malimit mangawil ng isdang maiuulam. Hindi ko siya

magawang dalawin. Mas gusto kong isipin na maya-maya lang

ay narito na siya. Napawalang-sala sa pagnanakaw na

ibinibintang sa kanya. Na narito lang siya, at ang gabi-gabi

niyang mga kwento tungkol sa kanyang mga apo,

tungkol sa kulang dalawampung-taong karanasan sa pangingibang-bayan,

tungkol sa disenyong nais niya sa dinugtungan at mas pinalaking bahay

Mas gusto kong isiping siya pa rin ang magluluto ng sinigang na balaw-balaw

para sa aming hapunan; alalahanin ang mabagal naming mga hakbang

tuwing dapithapon sa may buhanginan. Parang kailan lang

Parang kailan lang ang isang taon at walong buwan

Naririnig ko pa ang pagsiyap ng ibong iyon na aming nadaanan

Nakapulupot sa isang paa ang mga natuyong lumot-dagat.

Nakikita ko pa ang aliwalas niyang ngiti matapos niya itong pakawalan.

Sabay naming tinitigan ang pag-imbulog ng ibong iyon

hanggang sa lumiit at maging tila tuldok sa papawirin

Sadya yatang dito sa balat ng lupa

may mga sumusugba sa apoy

upang makapagbigay-init sa iba

may mga ama

na tinatalian ang kanang paa

at inihahakbang papalayo ang kaliwa

saka niya kukumbinsihin ang sarili

na siya ay malaya.

—————

January 4, 2010

Mers El-Hadjadh

Bethioua, Oran

Algeria

Di masisira ang taong tapat

DI MASISIRA ANG TAONG TAPAT

Slander cannot destroy an honest man
when the flood recedes the rock is there Chinese Proverb

di mawawasak ng anumang paninira
ang dangal ng taong tapat at may tiwala
tulad ng bahang kaylakas na sa paghupa
batong binaha’y nakatindig di nauga

halina’t kilalanin yaong taong tapat
ang pagkatao niya’y sa dangal nasukat
pagkat anumang paninirang isiwalat
ay mabibistong walang kwenta ang bumanat

di siya mayayanig na tulad ng bato
pagkat siya’y taong tapat at may prinsipyo
matindi kung manindigan at taas-noo
bihira ang tulad niyang taong totoo

isang taas-kamao’y handog ko sa kanya
at ang bilin ko pa’y mag-ingat lagi siya
pagkat binabato yaong punong mabunga
kaya dapat lang siyang magpakatatag pa

Ang Mabuting Kaibigan

ANG MABUTING KAIBIGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang mabuting kaibigan ay handa sa pagdamay
Sa anumang labanan, handa siyang mamatay
Para sa kanya, ikaw’y higit pa sa kanyang buhay
Handa siya sa anuman, huwag ka lang malumbay.

Magkasalo kayo sa mga piging at inuman
Magkasama kayo kahit sa mga kalokohan
Kahit sikreto ninyo’y alam nyong magkaibigan
At sumumpa pa kayong walang iwanan sa laban.

Nagkakausap, nagkakasama, sadyang makulay
Pag isinulat na ang inyong mga talambuhay
Ngunit siya’y dapat mo lang pakiharapang tunay
Pagkat mabuting kaibigan, masamang kaaway.

Dahil alam niya ang likaw ng iyong bituka
At ang lahat ng baho nyo’y alam ng isa’t isa
Pag kayo’y nagkagalit, tiyak matindi ang gera
Titiyakin nyong wala nang buhay pang matitira.

Ganyan katindi kung maglaban ang magkaibigan
Kung sila’y sadyang magkakagalit na ng tuluyan
Kaya bago mangyari iyon, dapat pag-usapan
Ang anumang problema’t sila’y magkaunawaan.

Tutal, magkakilala na sila nuon pang una
At tiyak alam nila ang galaw ng bawat isa
Ngunit mas maiging may mamagitan sa kanila
Nang ito’y humantong sa magandang pagpapasiya.