Bago pa kita personal na masilayan
Sa mga panaginip ay akin’ nang nasusulyapan
Maamong mukha, makisig na katawan
Umaali-aligid sa guniguni ngunit walang pangalan
Pinilit kong mukha mo sana ay maipinta
Nang sa ladrilyong kuwadro, mailagay ka
Ngunit tila balot ka ng hiwaga
Pagkat ‘saktong anyo mo, bakit di ko magaya
Kaya minabuti kong ikaw ay itula
Larawan mo sa isipan ang aking ilalathala
Ah, laking gulat ng puso ko nang ikaw ay bumulaga
Hindi ko inaasahan sa tunay na mundo makikita ka
Mula noon, binihag mo na ang aking kaangkinan
Parang pilit mong binubuksan ang bintana kong sinar’han
Kung ikaw man ang nakatakdang kabalyero ng paraluman
Magwawakas na marahil ang daigdig ko sa karimlan
Habang ang panahon ay tumatakbo
Diwa ko ay patuloy na sa’yo nakabilanggo
Damdamin ko ngayon ay hilong-hilo
Dahil dito sa puso ko’y nakakulong ang isang maginoong pasko
O,ano ba talaga ang totoo, maging sa paglitanya ay nalilito
Ang paraluman ba ay nakalaan para kanino
Sa mga pangarap ba na bumihag sa aking isipan
O sa mga ikinulong na kasiyahan, na ayaw ko na yatang pakawalan
May pag-asa pa ba, na magtutugma ang ulo at ang puso
Ano, sino ang nararapat na sundin ko
Aabante kaya, o panahon na para umatras at lumiko
Hihirit pa kaya o titiklop na lamang at yuyuko
Kanino kaya ako?