Harapin

Panay ang tik-tak ng orasan
Panahong hihinto, di alam kung kailan
Hindi ang nasa dingding ang tinutukoy ko
Kundi ang kamatayan o katapusan ng mundo
Handa ka ba kung sakaling mamaya na?
Handa ka na ba na humarap sa KANYA

Huwag mag-alala, may panahon pa
Sapagkat may natitira pang hininga
Oras ay huwag sayangin, huwag nakatanga
Gumising nang maaga, tamuhin ang grasya

Enero 26, 2014
11:20 a.m.

Tatlong Pagsalubong

Parang hanging mabilis na dumaan
ang kaabalahan at kasayahan
sa Paskong laging ipinagdiriwang,
nalango sa regalo at handaan.

Nang matulog ang sintunadong tunog,
nagnilay, nakinig ang tengang bugbog
sa tinatanong ng pusong inanod
ng tradisyon, sa diwa may kalatog.

Sagot ng tahimik na alingawngaw,
sa tatlo nahati ang mga galaw
kinumpol ng mga piping paghiyaw
sa pananampalatayang hinalaw.

Una, karamihan nga ay abala
pagsalubong sa Pasko taon-taon,
palengke’y di mahulugang karayom
tila mga Herodes, iniipit
pananampalatayang tulad sa paslit.

Ang iba naman; pangkat maaalam,
hanggang sa ngayon pinagtatalunan
kung kailan itong kapanganakan,
tila eskribang nagmamaang-maangan
ang pananalig animo’y sa puntod.

Ang ilan; tahimik na manlalakbay,
payak lamang kanilang pagdiriwang
para sa tunay na may kaarawan,
tila mga pantas handang sumamba
patirapa sa kalooban ng Ama.

Ang Bakuran ng Pulitika

Napansin kong tigang
ang bakanteng lupa
sa aming bakuran
kaya sinimulan kong
abonohan.

Binungkal:
dinakot kung isa-isa
at sinilid sa sako
ang nalantad na basura;
tansan ng serbesa,
lumang dayaper,
lumang baterya,
gulanit na tela,
sangkaterbang bubog,
nagkalat na plastik
at maraming pang ibang bagay
na kahit muling ibaon,
hindi magbabago
ang anyo
ni ang kulay.

Habang hinihimay
ang bulok sa hindi
upang ihanda
sa pagdating ng trak,
naisip kong sana
ganito rin kadali
linisin at patabain
ang bakuran…

…ng pulitika.

Pagbabalik bayan… (isang tula para kay chacha)

Parang kailan lang ng ang mga ngiti ko’y di ko namalayan
habang pauwi ng bansa upang ika’y muli ay masilayan
kay tagal na din kasi ng huli kitang makita ng ikay isilang
at naaalala ko pa ang mga ngiti mo noong una kang mahawakan

di na yata ako makapigil sa pagdaan ng oras
sa himpapawid nais kong sa lupa ay sana makaapak
siyam na oras ay kay tagal at parang walang katapusan
bawat tingin sa relos ay tila di mapakali sa aking upuan

naubus ko na yata ang panoorin sa aking harapan
ngunit wala sa sarili ang diwa koy nasa ibang katinuan
naglalaro ang isip sa mga ngiti mo noong huling araw ko
sa pilipinas bago magdesisyong mangibang bansa sa malayo

malaki ka na siguro at maaaring may tinig ng munti
nakakalakad ka na marahil o kaya’y may mga ngiti
sana sa pagsapit ko, ako’y muling makilala at madama
kahit sa musmus na diwa malaman mo ako ang iyong ama

at biglang naudlot ang lahat ng pagiisip ko
nakarating ng payapa ang sinasakyang eroplano
tumalilis bigla sa isang pagkakaupo
nakisiksik sa pintuang dalanging sa N.A.I.A ay makalayo

wala na yata akong pakialam sa presyo ng taxi doon
di na namili at nakisuyo sa terminal ng bus pa buendia
hinahabol ko kasi na maabutan kong gising ka pa
ngayong alas kwatro na dito sa lungsod ng manila

apat na oras pa anak ang paghihintay
apat na oras sa bintana ng bus ay nagaabang
na makarating sa probinsiya kung saan ika’y naririyan
at ang pagnanais kong ika’y mahawakan at mahagkan

ahh…at ang kaba ng dibdib ko sa pagbaba sa sinasakyan
sa mistulang lugar na alam ko ang bawat daraanan
sa lugar na bawat panaginip ko ay inaasam
na magbalik muli at ngayo’y akin nang nasisilayan

at ang luha koy umagos ng di sinasadya
sa bintanang tanaw sa malayong alam kong naririyan ka…
kaysarap palang mabuhay ng may isang kalakip na pagasa
sa lihim na tagumpay na muling makita ka.

…at ang lahat ng pagmamahal sa yo’y inilaan
sa bawat araw na alam kong may isang yugtong
muli sayo ay mamaalam

Tipanan Sa Pinto Ng Hardin

TIPANAN  SA  PINTO NG HARDIN

ni E. SAN JUAN, Jr.

Nagkataon, di sinasadya’y bumulong ka: “Sinungaling…”

Sa nagputik na pintong hagdanan, sinong humihibik?
Pagpapasiyang nilambungan ng alinlangan, pananabik…

Akala ko’y nagkaabutan na sa gabing walang balatkayo.

Pagtiklop ng bagwis, kariktang alabok ang hinugot sa tadyang.
Walang alingawngaw ang iyak ng kaluluwang naghubad….

Umangil sa dibdib ang tuksong ipinagkaloob, sabik sa ligayang
Ipinangako–
Pagbaba, kumapit sa patalim na tumagos sa pader–
Bumitaw ka’t ibinunyag paglagos: “Utang na loob, bukas na….”

Mapupunan ba ang pagkukulang sa udyok ng pananabik?

Abutin ang sundang ng anghel na humikbi’t bumulong–
Bumangon sa hamog, pithaya ng nagbabakasakaling alabok.

###

Tiwala sa Tiwali

Tiwala
ang tintang
gamit natin
sa pagboto.

Tiwala,
ang pundasyon
bakit sila naluklok
sa puwesto.

Tiwala
ang naging susi
para mahawakan
nila ang kaha de yero.

Tiwalang
sobra ang naging daan
upang ang bilyong pondo
ay maging anino.

Tiwala
ko ay ninakaw
ng tiwaling pamahalaan
kasama ang kaban ng bayan.

Ngongong Langô

Ipinakisuyo ko ang aking dugo
sa mga pinagkatiwalaang kinatawan
upang dalhin sa nangangailangan
lalo na sa naghihingalo.

Ngunit sa halip na ito’y maingat na naihatid,
malaking bahagi nito ang kanilang nilagok,
ang iba’y pinagkakitaan at ang iba’y pinamigay
sa mga kakutsabang hayok.

Tinanong ko ang isa
kung bakit nagka ganun.
Ang sagot lang niya’y
hindi niya raw obligasyon
na alamin kung buhay pa
o hindi yung bibigyan,
kung itoy totoong ngongo o hindi.

Ngayon, hindi na ako aasa pang makakuha
ng tama at matinong sagot
mula sa ngongong nalango sa dugo.

Buwaboy

Sa isang pangitain,
ang dating pinong pilegis ni Pelipe
ay unti-unting naging dike.

Ang pawis na dating doon dumadaloy
ay naging dugo
at panaghoy.

Ang agos ay dire-diretso
sa malalaking imbudong animo
lalamunang may pangil
na hawak ng mga maligno.

Mulo doon,
nilulunok ito
ng lawang hindi makuntento.

Nang matuyo ang ilog
tumambad ang matatabang buwaboy
na dahan-dahang binabalatan

at nagmamantika sa apoy.

Nasa Sana

Nasa ng bawat Pilipino
ang makalaya sa kahirapan,
nangingibang bayan
kung kinakailangan.

Ibinubuwis
ang sarili upang tulungan
hindi lang ang pamilya,
pati na ang pamahalaan.

Ngunit asan ang bahagi
ng pamahalaan?
Dinuduhagi
sariling mamamayan!

Kung may pagpapahalaga
sana sa pondong laksa-laksa
na sa kanila’y ipinagkatiwala,
ang Pilipinas hindi nangangayupapa.

Sana
mas marami na tayong tulay
mas marami na tayong ospital
mas marami na tayong paaralan
mas marami na tayong tren.

Sana
hindi na tayo taon-taon binabaha
hindi na sa daan naaantala
hindi na inaapi ng katabing bansa
hindi ko na sinasabing hindi tayo totoong malaya.

Bago Ako Kumain

Naging kasanayan;
kung hindi tinitingnan,
hinuhugasan
ang hugas nang pinggan
bago ko latagan
ng pagkaing nakabilot
sa dungis ng buwis,

hindi tulad ng mga mambubutas!

Magulang

Pabalik-balik
paulit-ulit
ang kasaysayan ng kasakiman,
ang pagnanakaw sa sariling tahanan.

Pagmasdan mo mambubutas,
pagmasdan mo magulang
ang mga bahagi
sa labas ng iyong gintong silid.

Pudpod ang dingding,
nangayupapa ang mga haligi
dahil sa alaga mong mga anay
na binusog sa dugo ng iyong mga anak.

Nagtatago ka sa sedang kurbata
ngunit likas kang pabaya,
madalas magpalaglag
at ang pamilya’y naging lagalag.

Ikalawang Kaluluwa

Kung bakit tumutula
ay hindi ko alam,
kung bakit sa puso
may puwang,
bakit sa isip
nakasiksik
at sa panaginip
ayaw pumikit.

Parang ulap
na nabuo sa alimuom;
duyan ng hangin
lilim sa lihim,
tilamsik ng ambon
kislap ng ulan
tampisaw ng paslit
at bahang may laya.

Kalayaang
hindi tumitila
sa kumpas
ng musika
tugma
bantas
patlang
o sesura.

Ito ang aking
buntong-hininga
at balaraw,
hilaw na hiyaw
na tinuturing kong

ikalawang kaluluwa.

Pusod

Pipit akong pilit
pinagtagni-tagni
pakpak na bali-bali
hanggang sa maabot
alanganing ulap
at masundan ng tanaw
kakatwang halimaw.

Ang kaliwa niyang pakpak
sa malupit na uwak
mapula nagnanaknak
nangingitim tila lusak.

Ang kanan niyang bagwis,
perlas ang kawangis
itinubog sa langis
dugong may dungis.

Mula sa kinalalagyan
tanaw ko ang halimaw
ang puwit may pugad na maliit
nililimliman.

Nang ako’y makalapit
tumambad ang lupit
mga pagaspas niyang pahagupit;
kaawa-awang mga inakay,
payat, panot, walang pakpak
sa laot ng lawa ng dugong nasipsip
sa kanilang balikat
balumbon ng putik.

Pabulusok akong kumapit sa hangin
hanggang sa masaling
ang tuyong dayaming
pinagkabit-kabit
at nagsilbing pusod

sa pagitan
ng inakala kong
ibon at pugad.

Ang Pagsunod ay Paggalang

Ang mga bata
na hindi tinuruang makinig
sa tunog ng palo
ay natututo ng pagsuway
una sa loob ng bahay
na nagiging ugat
ng kawalan ng respeto sa kapwa
na siyang sanhi
ng mga mamamayang walang disiplina
na lumilikha ng isang bagong henerasyong
walang pagpapahalaga
sa kanyang tinubuang lupa
at mistulang putik
na hindi marunong gumalang
sa kanyang Maylalang.