Paglipas ng Panahon

Sa paglipas ng panahon
Kung kasama mo ang Panginoon
Ay wala kang dapat ikatakot
Wala kang dapat ipangamba
Ligtas ang yong kaluluwa
At lagi ka pang masaya
Kahit ikaw ay matanda na . . .
Para bang ikaw ay bata pa
Hanggang sa kunin ka na Niya.

3-12-14
4:20 (dawn)

Torotot

Salitang di lamang para sa pindeho
Maaari ring instrumento ng mga musikero
Kapag bagong-taon inirerekomenda ito
Gamiting pang-ingay imbes na piccolo

At nang mapalis ang masasamang espiritu
Pumasok ang suwerte na para sa iyo
Pag-asang inaasam ay darating na
Huwag ka lang susuko hangga’t may hininga

Maligayang bagong-taon sa lahat!!! Pasensiya na.

Disyembre 31, 2013, umaga
Gf—(ako yon)

Masaganang Bagong Taon!

Magsimula ng pangitain sa paalaM,
Alalahaning Dios ay may dalang pag-asA,
Sasaatin tuwina maging sa pagtangiS.
Ano nga ba ang dapat nating ipangambA
Gayong ramdam Niya pati ang ating dainG
Anupa’t bilang ang bawat patak ng luhA?
Nasa mundo mang nililiglig ng paghamoN;
Aahon pa rin tayo, sakaling madapA
Nagbibigay S’yang lagi ng pagkakataoN,
Ganap na buhay nais N’yang ating maratinG.

Bukas; ang ngayon ay sa kahapon sasaniB,
Anino ng mga pagsubok na binatÁ,
Gulong ng mga lubak na daang dinaiG.
O, sadya ngang ganito ang pagkakatutO,
Nilililok din ang tagumpay sa dalangiN,
Gaya nitong gintong nilalantay ang kinanG.

Tama na ang walang kapararakang alaT,
Alamin kung saan tutungo’t papasadA.
Oras na ng pagsisikhay at pagpa planO,
Nang magbago hindi lamang ang mga taoN.

Tatlong Pagsalubong

Parang hanging mabilis na dumaan
ang kaabalahan at kasayahan
sa Paskong laging ipinagdiriwang,
nalango sa regalo at handaan.

Nang matulog ang sintunadong tunog,
nagnilay, nakinig ang tengang bugbog
sa tinatanong ng pusong inanod
ng tradisyon, sa diwa may kalatog.

Sagot ng tahimik na alingawngaw,
sa tatlo nahati ang mga galaw
kinumpol ng mga piping paghiyaw
sa pananampalatayang hinalaw.

Una, karamihan nga ay abala
pagsalubong sa Pasko taon-taon,
palengke’y di mahulugang karayom
tila mga Herodes, iniipit
pananampalatayang tulad sa paslit.

Ang iba naman; pangkat maaalam,
hanggang sa ngayon pinagtatalunan
kung kailan itong kapanganakan,
tila eskribang nagmamaang-maangan
ang pananalig animo’y sa puntod.

Ang ilan; tahimik na manlalakbay,
payak lamang kanilang pagdiriwang
para sa tunay na may kaarawan,
tila mga pantas handang sumamba
patirapa sa kalooban ng Ama.

Pagbuklos (Pagbangon)

Hinanap ko sa cantil
an kabangang luha,
diklom an nag ugop-ugop
antes mahiling
kakupo su agom
naging sarong pisog
pumurusngak
ruminusdos pasakat
kinugos ang liwanag.

(Bikol)

Hinanap ko sa kailaliman
ang kalahating luha,
dilim ang sumiil
hanggang makita
kaniig ang kabiyak
naging isang butil
sumisinghap-singhap
bumulusok paangat
pagdaka’y niyakap ang liwanag…

Daing Patos (Walang Balot)

Hadukan an huba na paros
basaha an hiro kan dahon
dangugon an rusdos kan busay
ti’nuha an saimong gabat, lumukso.

Kugusa an saimong magurang
magmulo-mugo saimong mga aki
sa amigo maging totoo.
Dangan kaya dai ini ki patos,

daing nakatakod na kantidad.

(Bikol version)

Halikan ang hubad na hangin
basahin ang galaw ng dahon
dinggin ang lagaslas ng talon
damhin ang ‘yong bigat, tumalon.

Mga magulang ay yakapin
arugain ang mga anak
sa kaibigan maging tapat.
Lahat ng ‘to walang pabalat,

walang katumbas na halaga.

Kilala ng Dios

Ang may sala ba’y nagkamali
o nagkamali ang may sala?
Itama ninyo kung ako’y mali;
kapag minsan ay sumasala
ang mga tinuring na imbi,
kung ang binigay napasobra
sa iniabot nga na sukli,
sila rin ba ay magdurusa?
alam ng Dios, trigo sa hindi.

 

 

Tatak Ng Pasko

Magdiwang! Sa kadiliman magpaalaM;
Alayan, purihin S’yang nagpakababA,
Langit nilisan isang tronong maringaL
Ilaw ng sanlibutan, di magagapI.
Gula-gulanit ang lampin nang isilanG
Alang-alang sa lahing may pasang salA,
Yamang higit sa ginto ang ibinigaY
Alay, pag-asa sa sasampalatayA,
Nanghiram ng sabsaban pati libingaN
Gayak ng Kanyang kahabagan, pag-ibiG.

Pwedeng ayusan ang bahay hanggang atiP
Ayusin din ang buhay nang mapagpalA,
Sana huwag makalimutan ang MesyaS
Kristo Hesus ang pangalang kumakatoK,
Omega’t Alpha, itatak sa’yong pusO.

Ligaya ng Pasko

Bumaba Syang pasan, ating kabigatan
Regalo na nakabalot sa sabsaban
Korderong nag aalis ng kasalanan
Ng bawat isa, ng buong sanlibutan.

Nagpakababa nang ika’y maitaas
Pag ibig at sakripisyo ang namalas
Kaya naman sa kalungkutan tumakas
Ipagdiwang kapanganakan ng Mesyas.

Dumaan man ang sari-saring sakuna
Sa’ting bayan, sa sarili o pamilya;
Ang Pasko’y mananatiling maligaya,
Sapagkat ang Kanyang dala ay pag-asa.

Paskong Walang Hanggan

Ang Pasko ay di natatapos
Sa handaan o pagpapatos,
Sa bagong damit at sapatos,
Sa maligayang pagdiriwang,
Sa kabi-kabilang kainan
At sa sintunadong awitan.
Magpapatuloy itong pasko
Mangangatok sa bawat puso
Hanggang walang hanggan suma’yo.

Kaibigan sa Pasko

Walang saysay ang pagdiriwang
Kung wala itong kaibigan,
Ang tapat hindi mang iiwan.
Balewala ang kasayahan
Kung wala ang may kaarawan,
Ang kikitil sa kapanglawan.
Walang silbi ang regalo
Kung hindi bubuksan sa puso
Ang Dios sumaatin, si Kristo.

Sevenling (Posporo)

Sang pulang kahong bakal
mala bato ang pakpak
puno ng alipato

makulay na pangarap,
pagsablay ng umaga;
hinagkan ang kalsada,

labingwalo, naabo.

Puso

Napapatalon lumulukso
humuhulagpos sa panuto
tangay-tangay na parang buto
patotot sa pugad ng tukso
at basurang binabalikan,
nitong maruruming bubuwit,
awatin mo’t piliting pilit
pipiliin din kanyang bait
sariling dunong na malupit.

Walang Puso

Sarili itong tatlong pantig;
ako, ako ang pinipintig
bingi kahit may naririnig,
akin to, ang kabig ng dibdib.

Hindi sila, hindi ang iba,
sa sukdulang pagkatimawa,
kahit sa paghuhukom, una.
Oo; may puso, pero wala,

ako muna, bahala kayo!