Diborsiyo

Pagod na pagod ako nang kumalas
_Tila lumaya na isang bilanggo
Sa masamyong hangin, panahon ng tag-lagas
_Nabunot ang relasyong sa aki’y gumugupo

Lasing

Alkohol sa ugat at usok sa baga
Pwede ba kitang isama sa suka
Pwede ba kitang ilabas sa sistema
Pwede ba? Pwede ba?

Minsan lang silipin mo ang aking kaluluwa
Na darang sa takot ng walang bahala
Na baka pag nakita mo ang mga demonyo sa ilalim ng kama
Tumayo ka, lumayo ka, maiwan akong tumitikim ng basang asin mag-isa.

Mga kalansay ng ilang kalendaryong pinalitan
Bumabangon sa hukay, naghahanap ng laman
Naghahanap ng ugat na masisipsip
Na puno ng tamis, na puno ng pait.

Maiaalis ko ba na maghanap
Maghanap ng makikinig sa hungkag na kumpisal
Hungkag na sakit ng puso at kalamnan
Kalamnang bugbog sa punong kawalan?

Isa lang naman ang ibinubulong sa buwan.
Ibalot mo ako pag bumuhos ng ulan.
Ibalot mo ako at huwag bumitaw.
Kailangan ng kaluluwang muling sumayaw.

Kailangan kita, parang batang api
Kailangan kita, parang iyak sa gabi
Kailangan ka ng kaluluwang lasing
Pakiusap, pakiusap, wag ka munang gumising.

Yakapin mo ang puso kong nanginginig
Buksan mong pilit ang utak kong nakapinid.
Kailangan ko ng magsasalba.
Kailangan kita. Kailangan kita.

31 Agosto 2015
Dahil may mga hugot mula sa sahig ng bote.

Batu-batong Langit

Pag ang gutom tumawid sa yaman

ang hapdi hindi kasingtindi ng

kung ang may dama’y walang kadluan

ng alalay sa hiwatig pa lang.

 

Subalit kahit mga upahang

karampot ang kita’y may lungkot din

kung sa gitna ng pagod susugod

sa kanilang pugad mga haring

 

dagdag na abalang  di masaway

pagkat hinay nila’y walang bibig.

Sila ang siyang sanhi ng kamayaw

ng pagdating ng paghuhumindig

 

noong may taglay na karapatang

ilagay sa baba nila sila.

Di lang sila moog ng parokya

bukas-palad pa ayon sa kwenta.

 

Kaya ang galit ay nasa lugar

kung ang hangin ay mag-amoy isda

at isip ay itulak na lubha

upang muling hanapin ang singaw.

 

Itinambad ng siyasat pawang

walang katibayang sapat upang

ang malisya ay kunin sa dasal

at iligtas ang diwa ng banal.

 

Singlinaw ng krus ng bagong buhay

mula sa pighating walang humpay

hindi sapat mandin ang patawad

bagong hirap sa dusa bababad.

Magulang

Maniwala ka sa Magulang mo
Siya’ng tunay na nagmamalasakit sa iyo
Hindi katulad ng iba,
Pinababayaan ang anak nila

Tanda mo nang nagaaral ka?
Binibigyan ka ng baon, kahit barya
At nang magkaroon ka ng syota
Sinabi sa iyo “Hindi ka pa handa”

Paano nga’y puro ka kayabangan
Tamad pumasok sa Paaralan
Pinayuhan, “Mahirap sa isang kabataan
ang lumaki,tumanda nang walang pinagtapusan

Hayan ano ang nangyari?
Pasaway kasi ang iyong sarili
Akala mo. . . iginagapos ka ng tali
Yun pala’y hindi, maniwala sa magulang, uli-uli

Pebrero 5, 2014
Gf

Nasaan ang puso?

Isang Ina ang nag-iwan ng kanyang sanggol sa kung saan
Na para bang tutang pinasasagasaan
Ang iba’y ipinagbibili ng halagang kung ilang daan
Nasaan ang yong puso. . . . .nasaan?

Isang taong-grasa ang gustong makiinon
Ang sabi ng tindera “ Sige dito mo inumin sa plastic”
Mabuti pa yon kaysa don sa isa, ang sabi’y “Lumayas ka dito, hulong!”
Nasaan ang puso. . . . . nasaan?

Namamalimos ang Ale,
Araw-araw nasa kalye,
Mas mabuti raw ito kaysa magnakaw
Bali’t ang ibang isip ay makitid, na sa kanya ay naninigaw
Hanapin ang yong puso. . . . hanapin

Walang tigil na nagtititiyap
Ang inakay na nahulog sa puno
Sa halip na pulutin at bigyan ng lingap
Tinapakan ng bata upang matapos na daw ang hirap
Nasaan ang iyong puso. . . . nasaan?

Hayun si Neneng, naglalaro, isang bata
Ano’ng klaseng demonyo ka? Bakit mo ginahasa?
Wala ka daw sa sarili, bangag sa droga
Ngunit . . . . kailangan ba ang iba’y magdusa?
Nasaan ang puso. . . nasaan?

Ang kawalan ng puso ay may kabayaran
Malalaman mo, nandiriyan na yan
Nakakikilabot na alulong ng mga aso
Ang badya na darating na ang kaparusahan mo

Enero 19, 2014
Rod – Escobin

Pirata

Kahit musika

kung parang sirang plaka

dumi sa tenga.

Nadilaan Na Muna

Napunta nga sa madla

pamatid gutom

nadilaan na muna.

Pekeng Pag-ibig

Kung hindi tunay

kahit kalong ang akbay

maghihiwalay.

Sirang Plaka

Ugat ng ngitngit

umaga hanggang gabi

walang kapalit

Dumi sa Langit

Dumi sa langit

itong paulit-ulit

na isang awit.

Pabulong Kung Manalasà

Upos na si Yolanda
matapos niyang ibuga
ang lahat ng bagsik
ng nakakabibinging hagupit.

Kaya damá na uli ang drama
ng bagyong may dalawampu’t dalawang puyo
ng hanging lumilingkis sa ere
at nakikipagpataasan ng ihi.

Sikat sa kanilang lahat
ang matandang puyong
may pangako ng banayad na amihan;
ngunit ang totoo ay pabigat na habagat,
may bahid ng kamay na bakal
at dilang armado ng retorika.

Kasama niyang umaalimpuyo at sisinghap-singhap
sa ikalawang palapag ng langit
ang anak ng teteng
at ang balingkinitang anak ni asiong
tila isang mantsang bigote sa alapaap.

Taglay din ng bagyong ito ang bugsong
hindi hihigit sa dalawang daan at limampung
tahimik na nagpapahangin,
papitik-pitik sa ibabang palapag ng paraiso,
handang magparamdam
gamit ang kapangyarihang hiram.

Sa lambong ng madilim na ulap;
pabulong kung wasakin
ang lupang nananalangin,
ipapako ang panaginip
bago pa maging pangarap.

Sa kabila ng kaliwa’t-kanang unos;
ang lahing kayumanggi ay hindi matitinag,
sa kumunoy ay hindi lulubog
maglalakbay, patuloy na babangon
sapagkat lagi itong nakaluhod.

Malasakit

Sa harap ng kalikasang
walang sinisino;
hindi na tanong
kung sino ang meron
o kung sino ang wala,
kundi kung sino ang may puso.

Sa harap ng pagtulong;
hindi na tanong
kung hayag o kubli,
hindi na rin tanong
kung kanino ang malaki
o kung kanino ang kaunti,
kundi ang pagdamay ba’y
sa Dios ang papuri?

Namalas
sa kabila ng ilang
nang insulto sa kapaitan;
maliban sa ilang masarap idahak,
nangibabaw ang tamis ng pagdamay sa mga hindi pinalad,
ang malasakit ng kahit nangangailangan
sa mas higit na nangangailangan.

Naalala ko ang sinasabi ng Bibliya:
tatlong bagay ang sa dilim
hindi matatangay;
ang pananalig,
pag asa
at pag ibig.

Malapit na…

Naramdaman ko
ang pagtaas ng antas
ng kalam;
ng sikmura
ng karunungan,
ng lahat ng
pangangailangang
mangmang sa poot
hanggang mangayayat
hindi dahil pumayat
kundi dahil sa bilbil
na humulas hanggang alabok.

Inisip ko na lang,
sana malapit na…

Naulinigan ko
sa saod
ng mga karaniwa’y mayaman
ang mga batang hamog;
nag aagawan,
nag aaway sa hatian
hindi ng pagkain,
kundi ng pantapal
sa bubong.

Inisip ko na lang,
siguro nga malapit na…

Nabalitaan ko:
ang mga tulong
para sa mga nawalan ng bubong;
handa na at nakabalot
pero naantala at nagkabuhol-buhol,
ang iba ay hindi na nakaabot
dahil muling binalot
sa laway ng mga asong ulol.

Inisip ko na lang,
malapit na namang matanaw
ni Lazarus ang mga timawa.

Manikindin

Maingay ang mga anak ng kulog

may bilang ang sayaw

kalkulado ang mga galaw ng panlilinlang

nitong tila mga maryonet.

Nang dumating si Yolanda

naglaho ang gaslaw

bukod sa manika,

manikin din ang mga lintek

tumigas sa sakim na pedestal,

pagpapatiwakal

ang dito pagsandal.