Masaganang Bagong Taon!

Magsimula ng pangitain sa paalaM,
Alalahaning Dios ay may dalang pag-asA,
Sasaatin tuwina maging sa pagtangiS.
Ano nga ba ang dapat nating ipangambA
Gayong ramdam Niya pati ang ating dainG
Anupa’t bilang ang bawat patak ng luhA?
Nasa mundo mang nililiglig ng paghamoN;
Aahon pa rin tayo, sakaling madapA
Nagbibigay S’yang lagi ng pagkakataoN,
Ganap na buhay nais N’yang ating maratinG.

Bukas; ang ngayon ay sa kahapon sasaniB,
Anino ng mga pagsubok na binatÁ,
Gulong ng mga lubak na daang dinaiG.
O, sadya ngang ganito ang pagkakatutO,
Nilililok din ang tagumpay sa dalangiN,
Gaya nitong gintong nilalantay ang kinanG.

Tama na ang walang kapararakang alaT,
Alamin kung saan tutungo’t papasadA.
Oras na ng pagsisikhay at pagpa planO,
Nang magbago hindi lamang ang mga taoN.

Nadilaan Na Muna

Napunta nga sa madla

pamatid gutom

nadilaan na muna.

Ang Bakuran ng Pulitika

Napansin kong tigang
ang bakanteng lupa
sa aming bakuran
kaya sinimulan kong
abonohan.

Binungkal:
dinakot kung isa-isa
at sinilid sa sako
ang nalantad na basura;
tansan ng serbesa,
lumang dayaper,
lumang baterya,
gulanit na tela,
sangkaterbang bubog,
nagkalat na plastik
at maraming pang ibang bagay
na kahit muling ibaon,
hindi magbabago
ang anyo
ni ang kulay.

Habang hinihimay
ang bulok sa hindi
upang ihanda
sa pagdating ng trak,
naisip kong sana
ganito rin kadali
linisin at patabain
ang bakuran…

…ng pulitika.

Nala’om (may salin sa Filipino at Ingles)

Nala’om

Diklom
an magdamlag
nagtilad ki tubod;
ra, nala’om sa lanob kan
LAAD.

(Bikol)
******************************************

Nasukol

Dilim
ang magdamag
na humahaginit,
hanggang diwa’y masukol ng
ILAW.

(Filipino)
*****************************************

Trapped

twilight
were murmuring
persistently howling;
till faith found, trapped against the wall
of LIGHT.

(English)

Pabulong Kung Manalasà

Upos na si Yolanda
matapos niyang ibuga
ang lahat ng bagsik
ng nakakabibinging hagupit.

Kaya damá na uli ang drama
ng bagyong may dalawampu’t dalawang puyo
ng hanging lumilingkis sa ere
at nakikipagpataasan ng ihi.

Sikat sa kanilang lahat
ang matandang puyong
may pangako ng banayad na amihan;
ngunit ang totoo ay pabigat na habagat,
may bahid ng kamay na bakal
at dilang armado ng retorika.

Kasama niyang umaalimpuyo at sisinghap-singhap
sa ikalawang palapag ng langit
ang anak ng teteng
at ang balingkinitang anak ni asiong
tila isang mantsang bigote sa alapaap.

Taglay din ng bagyong ito ang bugsong
hindi hihigit sa dalawang daan at limampung
tahimik na nagpapahangin,
papitik-pitik sa ibabang palapag ng paraiso,
handang magparamdam
gamit ang kapangyarihang hiram.

Sa lambong ng madilim na ulap;
pabulong kung wasakin
ang lupang nananalangin,
ipapako ang panaginip
bago pa maging pangarap.

Sa kabila ng kaliwa’t-kanang unos;
ang lahing kayumanggi ay hindi matitinag,
sa kumunoy ay hindi lulubog
maglalakbay, patuloy na babangon
sapagkat lagi itong nakaluhod.

Malasakit

Sa harap ng kalikasang
walang sinisino;
hindi na tanong
kung sino ang meron
o kung sino ang wala,
kundi kung sino ang may puso.

Sa harap ng pagtulong;
hindi na tanong
kung hayag o kubli,
hindi na rin tanong
kung kanino ang malaki
o kung kanino ang kaunti,
kundi ang pagdamay ba’y
sa Dios ang papuri?

Namalas
sa kabila ng ilang
nang insulto sa kapaitan;
maliban sa ilang masarap idahak,
nangibabaw ang tamis ng pagdamay sa mga hindi pinalad,
ang malasakit ng kahit nangangailangan
sa mas higit na nangangailangan.

Naalala ko ang sinasabi ng Bibliya:
tatlong bagay ang sa dilim
hindi matatangay;
ang pananalig,
pag asa
at pag ibig.

Malapit na…

Naramdaman ko
ang pagtaas ng antas
ng kalam;
ng sikmura
ng karunungan,
ng lahat ng
pangangailangang
mangmang sa poot
hanggang mangayayat
hindi dahil pumayat
kundi dahil sa bilbil
na humulas hanggang alabok.

Inisip ko na lang,
sana malapit na…

Naulinigan ko
sa saod
ng mga karaniwa’y mayaman
ang mga batang hamog;
nag aagawan,
nag aaway sa hatian
hindi ng pagkain,
kundi ng pantapal
sa bubong.

Inisip ko na lang,
siguro nga malapit na…

Nabalitaan ko:
ang mga tulong
para sa mga nawalan ng bubong;
handa na at nakabalot
pero naantala at nagkabuhol-buhol,
ang iba ay hindi na nakaabot
dahil muling binalot
sa laway ng mga asong ulol.

Inisip ko na lang,
malapit na namang matanaw
ni Lazarus ang mga timawa.

Manikindin

Maingay ang mga anak ng kulog

may bilang ang sayaw

kalkulado ang mga galaw ng panlilinlang

nitong tila mga maryonet.

Nang dumating si Yolanda

naglaho ang gaslaw

bukod sa manika,

manikin din ang mga lintek

tumigas sa sakim na pedestal,

pagpapatiwakal

ang dito pagsandal.

Langitngit

Langit
ang kapantay
ng bawat langitngit
ng mga huling singhap ng
ngitngit

Araw-Araw na Delubyo

Dumapo ka sa halos dapang bansa
sa mga dupang parating alila
pinahalik mong paluhod sa lupa,
iniwang pugad ng mga ulila.

Pangamba ko’y hindi sa alingasaw
ng nagkalat na laksa-laksang bangkay
kundi sa mga pinunong naglisaw
na nangabubulok bagamat buhay.

Hirap malunok ang pantawid-gutom
habang inuulam ang mga luha,
hihigitan kaya itong kurapsyon
na nagpabaligtad saking sikmura?

Mas dumoble ang aking pag alala
hindi sa mga susunod na unos
kundi sa sanrekwang mga ayuda
harinawang makatulong ng lubos.

Huwag tayong kumurap ni malibang
na ang delubyo’y itong si Yolanda
kundi ang araw-araw na nakawan
sa gobyernong may bulok na sistema

Tumpok ng Tuldok

Nobyembre otso dos mil trese;
sa kabila ng naka ambang tanda ng pagdamdam,
marami ang hindi nag akalang ito’y magiging biyernes santong terible,
kaya panatag ang mga bantas sa harap ng nangungusap na banta.

Kinabukasan;
ang Sabado ay hindi kay delubyong Imelda, Janet o Gloria
sapagkat nawalan ng saysay ang mga salaysay ng kahandaan laban kay bagyong Yolanda.

Bakat ang bakas ng kanyang puyo sa lupa,
parang niliskay na pugad ang paligid
at mistulang libreng pataba na hindi mananakaw.

Liban sa luhang tanging nabuo,
lahat ay baklas
lahat ay lagas
kaliwa’t kanan ay !

Umalingawngaw ang mga palahaw ng ?
Ramdam sa paligid ang mga nag agaw-buhay na ,
Ang meron at wala pare-parehong nawalan.

Maliwanag pa sa anggi ng araw
na sa kasagsagan ng unos
iisa ang ideyang kalunos-lunos
na kinabukasan
sa malaking hukay itatampok -

ang tumpok ng .

Maynilad

Higit tatlong oras kong hinintay na maubos
ang singkwenta pesos mula Padre Burgos
hanggang sa lugar ni Bonifacio,
binuno ang daan
kung saan panay pula
ang nakikita sa likuran ng mga latang nasa harapan,
parang mga mata ng halimaw;
galit, nanlilisik.

Mula sa mahanging espasyo
matatanaw ang tila dahan-dahang usad ng baga
na nagsisilikas mula sa bulkan
habang sa loob nito’y
naroon ang mga ulong nag iinit
at mga batang naiinip.

Nagtatalo na ang talukap ko’t mata
kung sino ang mauunang magpahinga,
banas na rin ang pawis na nagpuputik
at hinahanap ang tubig
habang pabigat nang pabigat
ang aking timbang sa kinauupuan.

Kung bakit pagong ang usad
ay hindi alam hanggang sa malagpasan
ang pila ng mga sasakyan -

naghuhukay pala ang Maynilad.

KaYolanda

Buong magdamag binayo

winagwag mong parang kayo

lahat ng bagay kaladkad

hinubdang walang patawad.

ay ambot may rayt to…

Ewan…
ang sagot kapag hindi alam,
ewan ko…
kung walang pakialam,
ewan ko sa kanila…
kung tunay ang kasinungalingan!

Tanong: Anong ewan naman yung “ay ambot may rayt to…?”

Sagot: Hindi ko alam!

064e5704-25d3-4e67-8466-09e29294381f_20131107_NPPA-VFD_00073905