Baliw na Pagmamahal
Tanging araw ng aking pagsilang
Hunghang na naghihintay nang masuyong bati
Kung bakit ang hungkag na puso`y alumpihit
Gabing-gabi na`y binabayo pa ang dibdib
Igan malapit nang pumutok sa silangan
Hindi pa rin gumigitaw ang hinihintay
Garapa`y taob na katawa`y lumulutang
Malapit nang sumilip ang bukang-liwayway
Wala pang dapo sa kawad ng telepono
Ang mahal na ibong sumakabilang dako
Kabanuan ang asam ng windang na puso
Nangangapa sa dilim ang aninong bigo
Bakit pag-ibig na nag-ugat ng malalim
Bakit ayaw mamatay kahit na bunutin
Ang tontong likidong iniinom ng bibig
Ay pinipilit takpan ang guwang sa dibdib
Salamat kasama ko sa alab na bigay
Nababaliw ang isip sa loob ng kural
May pintuan kaya o isang kahibangan
Paano tatakas sa isang kabaliwan
Luanda, Angola
04 Feb. 2010
Huwebes
Dito sa aking silid
Likido sa kopita ang tanging kasama
Latest posts by Noel Reyes- Naaalala Kita - 4th August 2010
- Teka Lang Naman - 21st July 2010
- Pribilehiyong Mga Sandali - 19th June 2010
- Salamin Sa Mata - 27th May 2010
- Sa Ihip ng Hangin...Noon - 10th March 2010



Igan,
“Happy Birthday”
Sa’yong kaarawan
wala man si Mahal,
Kami’y narito lang
ikaw’y sasamahan.
Kahit sa tula lang
ay mararamdaman,
Kaibigang tunay
lagi mong tandaan.
Iyong kabaliwan
di man matakasan,
Isipin na lamang
na hindi ikaw lang.
Mayro’ng nasa kural
duon na pumanaw,
Ang palad kaibigan
parehong kumapal.
(ngekkk)
“talagang ganyan lang”. (ito tama)
Igan, Magsaya ka dyan, kami’y narito lang
Igang Noel,
Sa dakilang araw ng iyong pagsilang
damhin mo sa puso ang pagbating bukal
ng isang kaibigang tulad mo’y hiwalay
hinahanap-hanap ang mahal sa buhay
yayamang tayo ay tulad-kapalaran
sa malayong pook nakipagsapalaran
nararamdaman ko ang bigat na atang
diyan sa dibdib mong tigib-kalungkutan
marapatin mong ikaw ay saluhan
kung gayo’y kukunin ang sunod na tagay
para sa iyo igan, kampay! inom! kampay!
kapwa man malungkot, sige, igan, tagay!
Igang dodie,
ramdam aking igan
ang iyong pagdamay
ang tula mong alay
pulutan sa tagay
kabaliwan ko igan
ay nasa isip lang
pasan ng dayuhan
ay ang kalungkutan
buti ngang isipin
sa aking panimdim
ang sa iba`y higit
sukdol hanggang langit
aking igang tapat
maraming salamat
igang noel
- – -
igang oliver,
salamat igan sa pagsalo ng tagay
medyo napapabilis na nga ang kampay
ang kaakibat nitong pandadayuhan
ay ang dagan sa dibdib na kalungkutan
kung bakit kasi puso`y may pakiramdam
sa kalungkutan tagay ang inilaban
ang tagay igan sa akin ay ibalik
bayaan mong mag-alab ang aking dibdib
kung mag-init na at mundo ay gumiling
sasalipadpad na ang mga pasanin
salamat igan sa alo at pagbati
pasasaan ba at hindi mangingiti
igang noel
Luanda, Angola
Biyernes
(Sexta-feira)
05:10 H