Piknik sa Tag-Init

_Halina at tayo’y magpiknik
Sa bukid, sa tabing dagat o resort
Lalo na ngayon ang panahon ay tag-init
_Dahan-dahan sa isda at baka matinik

Ang pamilya, barkada at sinisinta
Nagpaplano na magsama-sama
Mga bata, mga estudyanteng naglilimayon
Naglipana, panay ang gala, sinasamantala ang bakasyon

Pero paalala, panahon rin ng Semana Santa
Ginugunita rin ang ibayong naging hirap NIYA
Upang nang sa ganon mailigtas ang ating mga kaluluwa
Upang hindi lang sa lupa tayo maging masaya

_Sobra na ang init ano? hindi katulad nong’ araw
Ngayon, sa heat stroke mag-ingat raw tayo
_Pero noon, mag-ingat lang daw sa bungang-araw
Ang alam kong nahe-heat stroke lang noon ay kabayo

Hala, ilabas na ang tubig, lahukan ng melon, asukal at yelo
Magsalo-salo na nagbabatian ng “Helo”
Pangasin ang patang lechon, tikman ang ginatang tilapia
Habang sasayaw si Neneng na nakasuot ng bakya

4-11-14
Gf (ako rin to si Gf, always)

Paglipas ng Panahon

Sa paglipas ng panahon
Kung kasama mo ang Panginoon
Ay wala kang dapat ikatakot
Wala kang dapat ipangamba
Ligtas ang yong kaluluwa
At lagi ka pang masaya
Kahit ikaw ay matanda na . . .
Para bang ikaw ay bata pa
Hanggang sa kunin ka na Niya.

3-12-14
4:20 (dawn)

Magulang

Maniwala ka sa Magulang mo
Siya’ng tunay na nagmamalasakit sa iyo
Hindi katulad ng iba,
Pinababayaan ang anak nila

Tanda mo nang nagaaral ka?
Binibigyan ka ng baon, kahit barya
At nang magkaroon ka ng syota
Sinabi sa iyo “Hindi ka pa handa”

Paano nga’y puro ka kayabangan
Tamad pumasok sa Paaralan
Pinayuhan, “Mahirap sa isang kabataan
ang lumaki,tumanda nang walang pinagtapusan

Hayan ano ang nangyari?
Pasaway kasi ang iyong sarili
Akala mo. . . iginagapos ka ng tali
Yun pala’y hindi, maniwala sa magulang, uli-uli

Pebrero 5, 2014
Gf

Harapin

Panay ang tik-tak ng orasan
Panahong hihinto, di alam kung kailan
Hindi ang nasa dingding ang tinutukoy ko
Kundi ang kamatayan o katapusan ng mundo
Handa ka ba kung sakaling mamaya na?
Handa ka na ba na humarap sa KANYA

Huwag mag-alala, may panahon pa
Sapagkat may natitira pang hininga
Oras ay huwag sayangin, huwag nakatanga
Gumising nang maaga, tamuhin ang grasya

Enero 26, 2014
11:20 a.m.

Nasaan ang puso?

Isang Ina ang nag-iwan ng kanyang sanggol sa kung saan
Na para bang tutang pinasasagasaan
Ang iba’y ipinagbibili ng halagang kung ilang daan
Nasaan ang yong puso. . . . .nasaan?

Isang taong-grasa ang gustong makiinon
Ang sabi ng tindera “ Sige dito mo inumin sa plastic”
Mabuti pa yon kaysa don sa isa, ang sabi’y “Lumayas ka dito, hulong!”
Nasaan ang puso. . . . . nasaan?

Namamalimos ang Ale,
Araw-araw nasa kalye,
Mas mabuti raw ito kaysa magnakaw
Bali’t ang ibang isip ay makitid, na sa kanya ay naninigaw
Hanapin ang yong puso. . . . hanapin

Walang tigil na nagtititiyap
Ang inakay na nahulog sa puno
Sa halip na pulutin at bigyan ng lingap
Tinapakan ng bata upang matapos na daw ang hirap
Nasaan ang iyong puso. . . . nasaan?

Hayun si Neneng, naglalaro, isang bata
Ano’ng klaseng demonyo ka? Bakit mo ginahasa?
Wala ka daw sa sarili, bangag sa droga
Ngunit . . . . kailangan ba ang iba’y magdusa?
Nasaan ang puso. . . nasaan?

Ang kawalan ng puso ay may kabayaran
Malalaman mo, nandiriyan na yan
Nakakikilabot na alulong ng mga aso
Ang badya na darating na ang kaparusahan mo

Enero 19, 2014
Rod – Escobin

Puso’y Ginto

Walang halaga ang kayamanan mo
Kung ang iyong kapwa ay minamaltrato
Mayaman ka man ikaw rin ay alila
Langgam sa liit sa Dakilang Lumikha

Kaya tandaan, huwag magmalaki
Kapantay rin ang mga taong api
Sapagkat kung hindi ka kayang mataasan
Bakit maging ikaw ay may kamatayan?

Sapagkat ang katawan ay hindi tumatagal
Darating ang panahon sa mundo’y matatanggal
Kaya’t huwag mahiya kung ang ulam ay tuyo
Walang kamatayan kung ang puso’y ginto

Enero 8, 2014
8:35 n.g.
Rod Escobin

Torotot

Salitang di lamang para sa pindeho
Maaari ring instrumento ng mga musikero
Kapag bagong-taon inirerekomenda ito
Gamiting pang-ingay imbes na piccolo

At nang mapalis ang masasamang espiritu
Pumasok ang suwerte na para sa iyo
Pag-asang inaasam ay darating na
Huwag ka lang susuko hangga’t may hininga

Maligayang bagong-taon sa lahat!!! Pasensiya na.

Disyembre 31, 2013, umaga
Gf—(ako yon)

Takipsilim

Takipsilim na nga bang matatawag
Ang taon na dumadagdag sa edad?
Wari ko’y di sapat na matatawag
Kung di naman nawawalan ng liwanag

Ang sigla at saya sa buhay,
Sa aki’y di nagpapatanda
Narinig ko, ito ri’y tandaan niyo
Ang edad raw ay isa lamang numero

ngayon, hapon
Rod / gf

Inip (boredom)

Dahil nang pagkainip
_ay walang ginagawa,
Ano ang iniisip?
_animo ay timawa,

Walang silbi ang oras
_kapag nagkaganito,
Dalian mong tumakas
_sa sayang na segundo,

Tingnan mo ang lamesa
_ito’y maalikabok,
Bakit di mo punasan?
_Nang di ka nakamukmok

Marapat na lumikha
_ng gawaing mabuti
Produktibong paggawa
_ialay sa society

1-15-13
Rod Escobin

Kahiwagaan ng Buhay

Hiwaga ay kakaiba,
Sapagkat ito’y nakapagtataka.
Taliwas sa dapat asahan,
Hinahamon ang katuwiran,
Tulad nang Pagkakalikha,
Iyong itanong sa May-Akda,
Ang lalim ay hindi mahinuha,
Nang magising nang isang umaga,
At darating nang di namamalayan,
Walang putol na pagtulog,.. unan ay kamatayan,
Ganyan lang naman tayo,
Mga mortal na tao, sa ibabaw ng mundo,
Kaya’t huwag masiphayo, kung ang biyaya’y madalang,
Ang ating Kapalaran,.. tanggapin na lamang,
Gaya ng manok ko nang ito’y manalo,
Pero iba ang layon ng manok ni San Pedro.

10-19-12
gf

Wala na

Naglalakad sa dalampasigan,
Nang may makasalubong na kaibigan,. .

“Kailan ka pa dumating?” tanong ko,
Sagot niya “Ah, non pang isang Linggo,

Natuwa sa narinig at nasabi ko,
“Mabuti dumating ka nang panahong ito”
“Kung nakaraang buwan, baha pa rin dito”

10-12-12

Tubig

Tubig ay nagiging salot,
Kapag naging baha at dalhin ka sa laot,
Ang lahat ng ari-arian at napundar,
Napipinsala’t nawawala, parang natalo sa sugal,

8-20-12
dala ng kabahaan

Paano ba ang tumula?

Paano ba ang tumula?
Kailangan ba’y maging dalubhasa
Magkamit ng medalya’t mga parangal
Upang mga katoto ika’y itanghal
Sa ika-isandaan at pitumpong sinulat ko
At ang isang ito’y ika-isandaan at pitumput-isa
Ipagpaumanhin ninyo bawat isa’y panalo!
Sa wika ni Ina “Siyang tunay, anak ko”.
Isang nilalang na sa tula’y naglilibang
Lasap na ligaya’y sadyang nakahihibang
Di kailangang mangilag sa mga diskurso
Kaya sige ka lang, kahit anong pumasok sa ulo

Ang hilig sa tula ay di kailangan nang galing
Kailangan lamang sa puso manggaling

Subukan mo sumulat ka, puso ang iyong gamitin
Mararamdaman mo nagtagumpay ka, naihayag mo ang ibig mong sabihin

5-24-12, 9:45pm

Mayo uno

Sa Mayo uno
Gugunitain natin
Ang kahalagahan
Nang pagiging magawain,

Malawak na sakop nito’y
Mga karaniwang manggagawa
Na kung di magtatrabaho’y
Walang iuulam sa kanilang dampa

Sa bawat tulo ng kanilang pawis
Mga negosyante’y nakikinabang
Na kung iabot ang karampot na suweldo
–nagmamalaki, nagyayabang
Na para bang sinasabi “Pasalamat ka na lamang.”
Kapag humingi nang dagdag, ang sagot: “Hindi puwede”
Yan pa lamang ang kaya, at di ka pa puwedeng bumale

Karaniwang tao, karaniwang manggagawa
Darating ang panahon na ikaw’y giginhawa
Sa sipag at tiyaga, sa kaunting maiipon…..
Makapagsasarili at ang buhay ay aahon

Taasan ang sahod, mga manggagawa’y itaguyod
SA ganitong paraan, Papayapa ang ating Bayan

4-26-12