luha kahapon… pag-asa ngayon
Sa nakakatakot na karimlang iyon
Sa lakas ng hanging tila naghahamon
‘Sang kakaluwang sa langit nakatuon
Habang naghihintay pagbagsak ng ambon
Ambong hinihintay dagliang dumatal
May kulog at kidlat pa itong kakambal
Habang ngayon nga’y abot-abot ang dasal
Yaring kaluluwang walang nagmamahal
Ang lamig ay sumisigid na sa laman
‘Di pa din pansin ang abang kalagayan
Ng taong ito na walang makanlungan
Ni wala man lamang pisnging mahahagkan
“Kailan, O kailan” ang patuloy n’yang sambit
Ang aking ligaya’y kailan makakamit
“O Diyos ko” pagsusumamo n’yang pilit
“Sa ‘ki’y ibigay na, pangarap kong langit”
Sa kalaunan ay agad ding tumila
Ang ambon na naghugas ng kanyang luha
Pusikit ng liwanag ay kumawala
May bagong pag-asang doon ay nagmula
Kadiliman ay tuluyan nang nabasag
Sa kanyang mga mata’y mababanaag
Na s’ya ngayon ay hindi na isang bihag
Ng isang kahapon na kahabag-habag
Other posts by xetthe
Share this post with friends






October 29th, 2008 at 12:57 pm
salamat po mga kasama sa inyong pagpuna
October 28th, 2008 at 7:12 pm
nasayang man ang iyong araw at oras,huwag kang mawalan ng pag asa pagkat marami pang panahon
October 27th, 2008 at 2:07 pm
napakaganda naman ng tulang ito…