Putik sa Dalampasigan
Sa dalampasigan ay mayroong kakaibang bagay
Malagkit na putik sa maputing buhangi’y nakahimlay.
Sa kanyang kaitiman, sadyang kakaiba ang kulay,
Sa paghamak ng iba, s’ya’y nabayubay.
Lahat ay umiiwas, ayaw nilang madumihan–
Ang putik ay lumuha sa tinamong kapalaran
Bakit ba s’ya’y kakaiba sa dalampasigan.
Lahat ng nagdaraan, siya’y pinandidirihan.
Gusto man niyang umalis at pumunta sa malayo
Wala s’yang nagawa upang sa tanan ay magtago.
Tanging ang alon lamang ang kanyang katagpo,
At bulong ng hangin sa kanya’y sumusuyo.
Labis na habag sa sarili ang kanyang nadarama,
Ang maging isang putik ay isa bang parusa?
Walang karapatan na sa kanila’y makitawa–
Ang sa kanyang paligid–lahat sila’y nagsasaya.
Lumipas ang araw at natapos ang maghapon,
Lumalakas na sa pandinig ang sigaw ng alon.
Ang ibon sa paligid, sa akasya’y humapon.
At nawala na ang mga batang sa dagat ay tumatalon.
Ang kalangitan ay sadyang kumulimlim
Ang buong paligid ay unti-unting dumidilim.
Natuwa ang putik kumupas na ang paninimdim,
‘pagkat ang kulay ng gabi at putik ay magsing-itim.
Tumaas ang alon, at pumunta sa baybay
At ang maduming putik ay kanyang tinangay.
Hinugasan sa dagat at binago ang kulay,
At busilak na sa pagdating ng bukang liwayway.
Other posts by Noriel Agascon
Share this post with friends






October 3rd, 2008 at 5:16 pm
mayroong nakatagong aral ang tulang ito. maganda.