Pitong Pilar ni Pilo
I
Nag-uumaga sa tuwing tumitilaok ang manok
Nag-uumaga sapagkat ang araw ay nagbabayo
Nag-uumaga sa tuwing karimlan ay napapagod
Nag-uumaga sapagkat ang uniberso’y may relo
Nag-uumaga na tanda na naririyan ang Diyos
Nag-uumaga kaya may pumapalit sa relyebo
Nag-uumaga na tanda na lahat ay kumikilos.
Umaga na, umaga na, bumangon at magsepilyo
Umaga na, umaga na, iwaksi na ang bangungot
Umaga na, umaga na, himas-himasin ang noo
Umaga na, umaga na, magpasya ng isusuot
Umaga na, umaga na, isubo ang hintuturo
Umaga na, umaga na, may talaarawang bugnot
Umaga na, umaga na, pag-asa’y may kalendaryo.
II
Di pagkat ipinahayag ay isang katotohanan
Di pagkat nakaluklok ay isang pinunong marapat
Di pagkat nagwagi’y anyo at simbulo ng tagumpay
Di pagkat pinutungan ay di naputungan ng lusak
Di pagkat pinapuriha’y walang masahol na libak
Di pagkat nananagana ay di isang magnanakaw
Di pagkat kapangyarihan ang kapa ay sakdal-tatag
Di ang mga nakakubli ang bukas ay maglulumot
Di ang mga nabubuwal na lamang ang mananaghoy
Di ang mga nagdarahop ang tatanggap ng palakol
Di ang mga nasa putik ang hahakbang nang paluhod
Di ang nabuhay nang tapat ang binhi na mauubos
Di ang tumahak sa bundok ang di sa bukal hahantong
Di ang nagtigis ng dugo ang lagi’y ni walang puntod.
III
Ayaw natin sa marumi, ito’y pinandidirihan
Ayaw natin sa masagwa, ayaw natin sa bakokang
Ayaw natin sa mapurol na utak, o walang laman,
Ayaw natin sa mahirap sa bugtong man o sa buhay
Ayaw natin sa di sikat batid mang sikat — lalamlam
Ayaw natin sa wala ni munting tropeyo na tangan
Ayaw natin kapag salat sa angking kapangyarihan
Ginagaya’y mga langaw, may piging kahit sa tae
Ginagaya’y mga buhong, sakmalan bago magparte
Ginagaya ang daynasor na nabundat at nalipol
Ginagaya’ng may mania, umangat lang kahit ulol
Ginagaya’ng mga pating, huwaran ay mga tsonggo,
Pumapayag marahuyo sa kapirasong magneto;
Oo-hindi, gusto-ayaw, huwad-dili, tonto-tanto.
IV
Pinipili nati’y buhay na payapa at panatag
Pinipili nati’y buhay na walang dagok o dahas
Pinipili nati’y buhay na banyaga’ng pagsasalat
Pinipili nati’y buhay na dayo at may kutitap
Pinipili nati’y buhay na ligtas at may paglawig
Pinipili nati’y buhay na sasaklaw at aakit
Pinipili nati’y buhay na makulay at mabilis
Pinipili nati’y buhay na marangal at may takip.
Nabubuhay tayong tuso, alerto lagi ang utak
Nabubuhay tayong lilo at nagkukunwaring bulag
Nabubuhay tayong mata ay malapitan ang masid
Nabubuhay tayong ilong ay nadadaya’t matarik
Nabubuhay tayong dila ang ginagamit panaksak
Nabubuhay tayong puso ang nauunang matuklap.
V
Naglalakbay tayo upang agawin ang bahaghari
Naglalakbay tayo upang umamot ng anting-anting
Naglalakbay tayo upang sumalo sa mga piging
Naglalakbay tayo upang humiwalay ang paningin
Naglalakbay tayo lulan ng malalapad na dahon
Naglalakbay tayo sakay ng karitong nagniningning
Naglalakbay tayo sabit sa karwaheng kulay-itim
Naglalakbay tayo tangay ng hangin sa takipsilim.
Nararating nati’y dagat ng dambuhalang gusali
Nararating nati’y mga teritoryong umuugong
Nararating nati’y lungsod at lunan ng alimuom
Nararating nati’y hardin ng rosas na pinupupol
Nagbabalik tayong bitbit ay maleta, bag, o bayong
Nagbabalik tayong batbat ng danas at paglalagom.
VI
Palaging panahon upang tayo’y umibig nang wagas
Palaging panahon upang ang kagandaha’y ihayag
Palaging panahon upang pagpapantay ay matupad
Palaging panahon upang mga tula ay isulat
Palaging panahon upang mga palad ay magdaop
Palaging panahon upang mga bibig ay humigop.
Panahon man ng disyerto pangarap ay parang ilog
Panahon man ng niyebe pagnanasa’y tumutupok
Panahon man ng habagat batong kanlungan ang timpi
Panahon man ng paghimbing sa iwa’y may kalamansi
Panahon man ng pagtambang mailap ang dilidili
Panahon man ng paglimot naitataga ang mithi.
Panahon nang ang paligid ay alayan ng panahon
Panahon nang ang panahon ay di ipasok sa kahon.
VII
Bago pa dumilim nais natin na nasa bahay na
Bago pa dumilim minsan ginagawa ang pagtanan
Bago pa dumilim nais nating tapos nang magsikhay
Bago pa dumilim minsan nabubuo’ng panganyaya
Bago pa dumilim sabay-sabay ang pag-aantada
Bago pa dumilim minsan ginagawa ang pagpaslang
Bago pa dumilim ganap natatapos ang pag-alay
Bago pa dumilim minsan ibinabaon ang mura.
Pagdilim ikaw’y nasaan? Sa kamang may kutsong bulak
Sa tahanan ng sultan o iba pang tinataningan
Sa harap ng nagyeyelong kahuyan at nagbabalak
Sa panibagong obaryo, sa panibagong kandungan,
Sa tabi ng estranghero, o nag-iisa, may angkat
Na kaylambot na unan na nasa iyong talampakan.
Other posts by Fermin S. Salvador
Share this post with friends





