«  ARCHIVES  Live Help Today's date:


Share this post with friends Share this post with friends

May Bulong Sa Sinapupunan Ng Himpapawid (Huling Balada Kay Oblation 2008)

by Raul Funilas

53. May Bulong Sa Sinapupunan Ng Himpapawid

Mula sa sinapupunan ng himpapawid,
Lumuwal ka at isinaling isang Mahiwagang Bulong
Sa lundo ng salikwaang hangin at kristal na tubig;
Tuluyang pumailanlang sa kalawakan.

Nagpa-anod,
             Umimbulog,
                               Umindayog,
                                                  Umikot,
                                                              Kumislot,
                                                                     
     
Naglaop
                                                                     
         
         At
                                                                     
         
             Bu
                                                                     
         
                  Mu
                                                                     
         
                      Lu
                                                                     
         
                         Sok.

Sinagap ang mga sariwang hangin,
Hinagod ang banig ng karagatan,
Umingkat sa bikilan at dalisdisan ng bundok
At nang mapagod ay nagpahinga at humimlay
Sa sinapupunan ng talino ng tao.

Daanlibong taon,
Natutuhan mo ang sumanib
Sa piling tao na mag-iingat ng iyong lihim.

Taong hindi hambog,
Hindi mayabang,
Tahimik ang panganib
Subalit may korona
Ang bawat salitang ipinutong
Sa lantay na kalooban.

Hanggang sa ang bibinga ng taong nag-iingat sa iyo
Ay unti-unting nadurog at itinago ka sa sinapupunan ng tubig.

Daan-daang libong taon ang lumipas,
Mula sa sinapupunan ng tubig,
Sinalapsap ng iyong dibdib ang salibsib ng tubig
Na malaon nang nakadagan sa iyong katahimikan,
At sa unang pagkakataon ay muling nakaniig ang hangin,
Dinama mo ang bagong hugot na hininga ng iyong kalayaan,
Pumanhik sa balintataw mo ang walang hanggahang kalawakan,
Ninais mong dukwangin ang maningning na Pliyades, Mapulon, Santilmo—
At lahat na Buntala.

Gusto mong ubusin ang iyong kagalakan
At nang sumilang ang naggigintong dating araw
Ay iniinat mo ang iyong dibdib at dinarang mo nang lubos
Ang iyong kalooban.
Dumaloy na batis ang apoy na umaalsa sa iyong dibdib
Hanggang sinalubong ka ng tikatik ng ulan
At tuluyang naramdaman ang lamig.
Natanaw mo ang bawigang balantok ng bahaghari
At muling kinulayan ang iyong sarili,
At sa kulay na ikinulapol sa iyong sarili;
Naramdaman mo ang tunay na kalayaan.

Sinalamin mo ang dagat at tinitigan ang sarili,
Tinanaw mo ang iyong kabuuan;
Naaliw ka sa mga halamang tumubo sa dalampasigan
Na maraming ibong salimbayan ang paglipad,
Inaliw ka ng mga paparo at mariposang palipat-lipat
Sa humahalimuyak na bulaklak,
Pinagmasdan mo ang tumitiyad na along
Sinasalubong ng yakap ng puting buhangin sa aplaya.

Walang tigil ang daluyong ng hanging gustong malanghap
Ang huldong bunton ng iyong hininga.

Daanlibong taon,
Ini-unat mo ang iyong dalawang kamay at pinalaki ang dibdib.
Muli mong binalikan ang parangan.

May naniningalang pugad sa dibdib ng iyong pagkatakhan,
Mga punggok at balisaksakin ang nananambitan,
Bumubulong sa iyong Mahiwagang Bulong
Na sila man ay bahagihan ng natutuhang mga titik
Na iuukit sa dibdib ng kanilang panaginip.

Gusto mong isigaw ang iyong Mahiwagang Bulong
Dahil ang pakiramdam mo ay may lamig
Na gustong bumuhos sa kabuuan ng iyong  maliyab na dibdib.

Malalim ang gabi at mas malalim ang iyong iniisip,
Wala kang maapuhap na karunungan sa Mahiwagang Bulong.
Hindi mo matanaw sa kanilang kalooban ang busilak na puso
Na hinahahanap ng huklubang alaala.

Gusto mong lisanin ang iyong kinaroroonang daigdig,
Gusto mong bumalik sa sinapupunan ng himpapawid
Dahil nababanaag mong walang maningning na paralumen
Sa kanilang mga puso.

Gusto mong bumalik sa sinapupunan ng tubig
Upang ang hininga ng mga bumubulong na hindi karapat-dapat na hangin
Ay hindi mo malanghap.

Wala kang maramdaman,
Wala kang marinig sa iyong Mahiwagang Bulong.

Raul Funilas

Top 5  sa Likhaan 2008 sa Pagtula
Ikasandaang taon ng UP, 1908-2008

  • Other posts by Raul Funilas
  • Share this post with friends Share this post with friends

    7 Responses to “May Bulong Sa Sinapupunan Ng Himpapawid (Huling Balada Kay Oblation 2008)”

    1. Raul Funilas says:

      May mga pormularyong limbag ang Palanca Awards at Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang org na may patimpalak.na puwedeng i-down load ka Henry, puwedeng batayan iyon at i-revise..

      Muli, maraming salamat po!

      Tula nang tula!

      Tata

    2. Raul Funilas says:

      Ka Henry, maraming salamat kamo kay ka Romy C. May anak ako diyan sa Australia yung Jr ko pwede mo siyang kontakin sa cf# +61432178884 Buboy nickname niya.

      Muli, ang duayan ng aking panitik ay muling uugoy upang mahimbing munang magpahinga pansumandali sa digmaan ng salita.

      Tula nang tula!

      Tata

    3. Team Emanila says:

      Isang malugod at masaganang pagbati kina Tata Raul (#2) at Marlon Hacla (#5). Sana dumating din tayo sa bahaging ang emanilapoetry ay magkaroon din ng pa-kontes katulad ng isinasagawa ng UP at ng iba pang kapisanan.

      Anong palagay ninyo? Sino kaya ang puwede nating makausap upang bumuo ng mga pormularyo sa isang Poetry Contest dito sa emanila?

      @ Tata Raul > Kumusta na lang daw sa inyo at sa iba pa nating mga kasamahan sa UP, sabi ng Ka Romy. ~ Henry

    4. Raul Funilas says:

      Charles, lumabas ang wentuhan sa mga mismong huradong sina Prof. Joey Baquiran at Vim Nadera noong Fairwell Party nila sa Institute of Creative Writing sa UP-Diliman sa harap ng pulutan at beer kasama sina Rio Alma, Marne Kilates, Charles Ong at iba pangnanalo sa patimpalak specialy Ms Criselda Yabes na nagkamit ng two awards.Pasok ka sa 360 ko ser at marami akong wento dun.

    5. charles says:

      pagbati po sa iyong tula, kahit number 2, ibig sabihin nakahigit ang tula mo sa marami, saan po lumabas ang resulta ng top 5?

      charles

    6. Raul Funilas says:

      Nag number 2 pala itong huling tula ko sa 53 kong tulang inilahok sa Gawad Likhaan 2008.kaya lang isa lang ang mananalo ayon sa pormularyo ng UP.

      Mga Top 5

      1. Jerry Gracio -Winner of P200,000.00
      2. Raul Funilas
      3. Teo Antonio
      4.Ayer Arguelles
      5. Marlon Hacla

      Tula nang tula

    7. Ezzard R. Gilbang says:

      Iba ang level nito Tata.

      kuya Sam

    Leave a Reply

    Help us Fight Spam!


    Search for a Poem

    Quick links to writers works

    Essays & Short Stories by Writers Group Members

    Order your copy here





    This page is protected by COPYSCAPE   Alert us
    About Us - Terms of Use - Privacy - Knowledge Base - Contact Us - Place an Ad    [Register / Login ]
    EMANILAPOETRY, PINOY VERSES and TULANG PINOY are trademarks owned and operated by emanila.com pty ltd.
    © 2005, 2006, 2007, 2008
    emanila wins!