Isang Rondeau sa Mahal Kong Ina
Magpakabait ka anak, darating ang dapithapon.
Na pilit kong binabasa sa noo n’ya ang panahon;
at ngayon ngang nagpipilak ang mata sa luha’t puyat
na wari bang sa pagpikit ay mapait nang magmulat –
sa lusaw na mga hugis at sa kupas na dandanon.
Ang labi na nangangatal sa tinig na naglalayon
na ang bilin at ang payo’y h’wag maglaho sa paglaon;
paos man ang mga araw, muli’t muling mag-uulat –
“magpakabait ka anak.”
Nang bisig niya ay may lakas at may siglang natitipon;
hindi ko pa nalalamang taon pala’y yumayaon.
Ngayong siya’y minamasdang hindi na niya maiunat
ang hukot niyang likod na nagsimpan at bumuhat
ng kalinga at pag-ibig na ngayon ay aking baon:
“magpakabait ka anak.”
Other posts by Ezzard R. Gilbang
Share this post with friends





