Iba ang kulay ng Ulan sa Lungsod
Habagat. Habag at biyaya sa nayon.
Nagbuntis ang ilog, nagsilang sa batis,
Nagsupang ng buhay ang ulang nagbangon.
Nagiging luntian ang lupang naghugis
Ng sandaigdigan; ng tikling at tagak,
Ng supang at duklay na may bagong bihis.
Hindi. Di ganito sa lungsod. Ang patak
Ng ula’y pagduwal ng itim na lason
Ng estero’t kanal, babaha’t bubulwak
Ng burak at banlik na may talas, balon,
butas, kawad, kagat. Alon ng suka,
ng dumi’t basura na mag-aahon
ng baha at bigat. Habagat ng dusa
sa tipus, kolera’t, pesteng Leptospira.
Other posts by Ezzard R. Gilbang
Share this post with friends





