Pagdating ng Nakalipas
“What goes around comes around.”
—
Magaling gumalaw ang Kasalukuyan
Naririyan ngunit naglalakbay siya
Parang nakabaon sa Ngayon ang paa,
Di halatang siya na ay humahakbang.
—
At maraming paa ang Kasalukuyan,
May nakaharap at may nakapahalang;
Kasalukuyan ay marami ring mukha
Kagaya’y dungawan na sali-saliwa.
—
At magkakaiba ang Kasalukuyan:
Minsa’y papalusong, minsa’y papasampa –
Kinakapa-kapa’y mga alaala,
At inaabot din ay ang Balang-Araw.
—
Ga’no kaikli man ang Kasalukuyan
Ito ay palagi’t palaging tagpuan.
Other posts by Fermin S. Salvador
Share this post with friends




