Barko, Nag-turtle
Di ko nasipingan ang Prinsesa bago siya
Tumaob sa pusod ng angkin na uniberso.
—
Sa aking kapanahunan, angaw ang aking paglayag,
Kaibigang matalik ang bumbunan ng dagat.
—
Biyaheng Pacifico, ruta sa Dagat Sulu,
Kaylawak ng palugit sa ating tinubuan.
—
Hindi ko binilang, at di ko nais matuos
Sa alaala man ngayon ang lakambining nayapos
—
Sa pagitan ng dahas ng alon at panahon.
May laksang bulabog ang habagat sa buhay ko.
—
Ganunpaman ay tuwina, may katagang mangingibig
Sa langoy ng gunita, sa bawat pagmamasid
—
Sa dulo ng baybayin, pag lulubog ang araw
At tangay ng Diwata ang maraming pangarap.
Other posts by Fermin S. Salvador
Share this post with friends




