Ispongha
Kung minsan, kagaya lang ng kislap
ang mga pagdating at paglisan.
At sa isang makata, ang paglisa’y tulad
sa isponghang hinahablot,
itinataas
mula sa papalayong alon ng dagat.
Paglisang ang kayakap kadalasa’y
ang maraming sana…
Sana lang, kung lilisan, marinig
at madama naman, kahit paano,
ang mga bulong at himig na ibig ihaplos
sa naisulat, isinusulat at susulatin pa niyang
titik at taludtod.
Sana lang…
marami pang sana lang. Hindi para sa kanya
kundi para sa kanyang mga tula.
Dahil masakit isiping
kadalasan kislap din lang
na dinadaanan ng sikat at lubog
ang maraming akda.
Unti-unti, dumurupok at napupunit
ang mga dahong umaaruga sa mga titik.
Walang tugon sa inaaagiw nilang paanyaya
Sa mga istante. O kung hindi man
Hinahagkan na lang ng titik ang kapwa titik.
Lilisan ang bawa’t makata.
Tulad ng isponghang inaagaw mula sa tubig
at ibinibilad sa init ng araw.
Walang ibang pupuntahan
Kundi ang bumalik sa kung ano siya dati.
Lilisan ang bawa’t makata. (Huwag nawa ang tula!)
Other posts by olivercarlos
Share this post with friends





