Isang Pirasong Papel (kay Flor)
Ang tanda ko’y ibinulsa
nang ulitin kong binasa
ang iyong numero.
Sabi ko pa’y tatawagan kita.
Buti nga’t nakilala ka pa
at nakilala rin ako.
Isipin mo,
dalawang dekada rin
na di tayo nagkita.
Sabik tayong kapwa nagkamay
bago tuluyang maghiwalay.
At muli, lumipas ang mga araw.
Kaibigan na kita noon
nang tayo’y magkaeskwela.
Pero, parang kapwa tayo nagising
na nasayang natin ang pagkakaibigan:
sa binilang nating dalawang dekada
na di tayo nagkita.
Tatawagan kita.
ito ang aking ginawa
ngayon lamang na nabuksan
ang kapirasong papel
na nakaipit sa lumang kuwaderno.
Iba ang tinig sa numerong ibinigay mo sa akin.
Ikaw daw ay naaksidente.
At di na muling makikita.
Other posts by Ezzard R. Gilbang
Share this post with friends




