Mga Kaso ng Puso
Case#1
Banggaan ng puso’y biglang aksidente;
Nagkasagian lang ng ngiting matamis,
At nagkagasgasang magka-abrasyete
Nagkahatakan nang sa talyer maglingkis!
Case#2
Inangkin na puso ay biglang ninakaw;
Ng mutya ng ibang di na pinapansin,
‘Kinwintas sa dibdib, saka inihikaw
Nang binabawi na’y ayaw nang alisin.
Case#3
Ang pusong namatay lihim na nilason;
Nilagok ang pait nitong kataksilan,
Inulilang pusong hinagpis ang baon,
kaya nga’t ninais, naog sa libingan.
Hatol:
Ang anumang kasong puso ang kasangkot,
Hindi malulutas ng pusong sandakot!
Other posts by Ezzard R. Gilbang
Share this post with friends





