Ano ang Kahulugan ng Paalam (sa alaala ng Prinsesa ng mga Bituin)
Kumaway lamang ako
nang ako’y lumisan.
Ni walang malalim na tugon
ang iyong mga kaway,
ng pamamaalam.
Tanging ang aking buhok
na iwinawagwag ng hangin
ang marahas na nagpaparamdam
na sadyang ang paglayo
ay paglisan. At paglimot.
Ang kailaliman ang tugon
ng masakit na paglimot.
Kumakaway ang dahas ng hanging
sing-itim ng buhok ang alimpuyo.
At sa iyong paglayo
sasanib ako sa iyong alaala
at pipikit sa kanyang mga kaway:
pagkat hindi ako makakakampay!
Other posts by Ezzard R. Gilbang
Share this post with friends





