«  ARCHIVES  Live Help Today's date:


Share this post with friends Share this post with friends

T u n g g a l i a n

by Ezzard R. Gilbang

Deboto’y nagtungo sa moog ng Quiapo.
Luhaan na mata’y usok ang nanduro,
ang kaba ng dibdib sa trapik humalo.

Hilera ng tinda ay halos di pansin,
nangambang tindera’y sa langit tumingin,
nagbanta ng ngitngit, ulap na nagdilim.

Tinudla ng ulan ang tanod na santo,
ngunit di natinag nililok na bato,
tila pa naghamong tumawag ng bagyo.

Nag-inat ang araw na biglang nabahin,
nagpilit sumungaw sa kapal ng dagim,
pilit na nilusaw tunod na suminsin.

Maluwang na pinto’y sinakal ng tuhod
ng mga pulubing nangakayukayok,
humanay sa Santo Entierrong natulog.

Debosyong ‘tinakda’y humantong sa altar,
sepulkrong tinawag ay tila nangatal,
pagsamo’y payagang ilaglag ang laman.

Ang usal ba kaya’y tunay na narinig?
Paano’y malakas, ingay na nanliglig.
Sa labas,busina ay nakatutulig.

Deboto’y ‘niluwal ng moog, tumanghal
sa utak - pumitlag na bawal pumatay,
kasabay ng pintig na nais mabuhay.

Humakbang. Ang dibdib ay luksang panimdim.
Nag-alok ang paslit, bulaklak ay bilhin
saka raw ialay sa Mahal na Birhen.

At habang ang mata sa luha’y nahilam,
isa pang tinderang may bote na tangan,
kahit daw tatlong b’wan kaya pang malusaw!

  • Other posts by Ezzard R. Gilbang
  • Share this post with friends Share this post with friends

    Leave a Reply

    Help us Fight Spam!


    Search for a Poem

    Quick links to writers works

    Essays & Short Stories by Writers Group Members






    This page is protected by COPYSCAPE   Alert us
    About Us - Terms of Use - Privacy - Knowledge Base - Contact Us - Place an Ad    [Register / Login ]
    EMANILAPOETRY, PINOY VERSES and TULANG PINOY are trademarks owned and operated by emanila.com pty ltd.
    © 2005, 2006, 2007, 2008
    emanila wins!