Iglap
“O, giliw ko ikaw ay nagsa-bulalakaw;
Matapos na mahalin ka’y dagling lumisan.”
Isang iglap ka’t nawala sa langit ng aking isip,
Kalawaka’y tinatanaw hinahanap ang pag-ibig;
Alimbukad mong sagitsit kahit ito sasang-saglit
Walang p’wedeng ipanlunas sa sikip ng aking dibdib.
Yamang ikaw’y nawala na sa ‘lintataw nitong mata,
Bukas muling hahanapin ang diklap mong anong-ganda;
Uunangin ko ang ulap, itatanong: Sa’n nagpunta’ng
Liwanag ng iyong pusong nakakapag-malikmata?
At sakaling lumitaw ka sa gabi nang paghahanap,
Lilimasin ko ang ulan na kinandong nitong ulap;
Akin itong isasaboy sa landas mong binabagtas
Kahit ito’y ikahulog sa hagdan ng iyong ningas.
Alimpuyong pagnanasa’y lumikwad sa paghihintay,
Walang bolang nag-aapoy na ibig kong masilayan
27 Hunyo 2008
UP-Diliman
Other posts by Raul Funilas
Share this post with friends






June 27th, 2008 at 3:03 pm
Rod at kuya Sam, salamat sa papuri…bakit kasi itong lapis kong nanggaling pa ang karbon sa uling ng kahoy na dalindingan e ang hilig at ang sipag sumulat ng akrostik na tula. hehe.
Tula nang tula! Tata
Tata
June 27th, 2008 at 2:23 pm
Ang gusto ko sa inyong mga tula ay ang mga mala-talinghagang dating nito sa mambabasa
June 27th, 2008 at 12:46 pm
Sadyang ang tarikan
munti mang kilapsaw
kahit katayugan
ng katahimikan
sa sangkalangitan;
itong bulalakaw
na saglit lumitaw
ay natutulaan!
mabuhay ka Tata!
kuya Sam