Sa mga tagpuan
Inisang lagok ng inip na bibig, bakasakaling
malunod ang panis na laway sa lumamig na kape
na kanina pa sinusuyo, hinahalo
ng pilak na kutsarita - - na nahilo na rin
sa kaliwa’t kanang ikot ng pag-aalala.
Sinusumbatan ng titig ang dingding
Nililingkis, tinatanong ng kanang paa
ang kaliwang paa: darating pa ba siya?
Walang maitutugon
ang kaliwang paa
na nagsisimula ng humakbang. Palabas.
Minsan
maging ang kinakabog na mesa
at isinasalyang upuan
walang sagot na naibibigay
Tanong sa tanong din lang
ang natatagpuan
ang naiiwan
sa mga tagpuan.
Other posts by olivercarlos
Share this post with friends





