«  ARCHIVES  Live Help Today's date:


Share this post with friends Share this post with friends

Hanggang Sa Mamatay Na Ang Mga Aranyang Kislap

by Don Bustamante

Salamat sa iyo, alam kong hindi pa huli ang bukas ko para sa mas magandang hinaharap: ang kapayapaan ng dibdib, ang pagmamahal na inubos, ang mailap na pag-ibig. Salamat. Tanging ito lamang ang maiiwan ko sa aking pag-alis. Hindi ko na hihintayin pang lumipas ang ngayon, baka magising pa ang mga nahihimlay na kaluluwa na halos malanta na ang mga baging na nakapulupot sa kanilang puntod. Nagsawa na ang hindi matapos na pagpatak ng luha sa mga matang nilamukos sa pag-iisip sa iyo at pagtanong ng napakaraming bakit at pagtuligsa sa mga kasagutang hindi mo inihandog kahit kailan.

Ang hindi mo alam, ang iyong sakit na dinulot ang siyang nagturo sa akin upang maging matatag sa alinmang pagsubok. Nalimutan mong maaari kong itanim sa aking talaarawan ang bawat latay na dulot mo upang sa bawat sandali ay mabuklat ng aking isipan. Nakalimutan mong patuloy ang pagdaloy ng dugo sa aking mga ugat sa tuwing maaalala ang pangungunyapit ko sa iyong mga braso sa mga sandaling nakatingala sa gawad mong awa. Subalit naging matigas ka at naging bingi sa pagsusumamo ng kaluluwa kong pinatawan mo ng parusang hindi nakalaan sa tulad kong tapat kong umibig. Hindi mo naalala ang bawat pagpupunyagi kong maging maalab ang bawat taludtod ng aking pangako at ihandog sa iyo ang kadalisayan ng aking pagkatao upang sa pagsapit ng umagang ako ang iyong kasiping ay magniningas ang bawat pamimintana mo sa mga daratal pang bukas. Hindi mo naalalang pinuno ng aking mga halik ang nadirimlan mong pagkatao noon, noong kasalukuyang ginagahasa ng sakit ang iyong kalooban. Hindi mo naalala ang matiyaga kong pagsalikop ng mga braso sa nanlalamig mong tinig ng pag-aalumpihit sa sakit na natamo mo bunga ng nakalipas mong pag-ibig.

Subalit ang naalala mo lamang ay ikaw at ikaw, ako ay ako. Hindi mo nakita ang ganap na pagsasatinig ng ating mga puso na walang lasong nakatarak sa bawat himig na inuusal ng ating mga gabi. Hindi mo nadama ang init ng aking mga labi sa tuwinang pagsasanib ng ating mga tinig ng damdamin.

Hindi mo naalalang ako’y may dangal din.

  • Other posts by Don Bustamante
  • Share this post with friends Share this post with friends

    2 Responses to “Hanggang Sa Mamatay Na Ang Mga Aranyang Kislap”

    1. Don Bustamante says:

      fretzie, mabuti naman at sa kabila ng lahat ng nangyari, nakaukit pa rin ang tiwala, at pag-asa sa iyong puso. Gano’n naman talaga dapat.

    2. fretzie says:

      “Ang hindi mo alam, ang iyong sakit na dinulot ang siyang nagturo sa akin upang maging matatag sa alinmang pagsubok. Nalimutan mong maaari kong itanim sa aking talaarawan ang bawat latay na dulot mo upang sa bawat sandali ay mabuklat ng aking isipan.”

      …minsan ko na ring nasabi ang mga salitang katulad nito…ang idinulot na sakit ang angbigay sa akin ng lakas ng loob upang tumalikod….tumakbo….iwan…at bigyan ng pagpapahalaga ang aking buhay….

      ….kung hindi ko mamahalin ang aking sarili..sino pa ang magmamahal sa akin?

    Leave a Reply

    Help us Fight Spam!


    Search for a Poem

    Quick links to writers works

    Essays & Short Stories by Writers Group Members

    Order your copy here





    This page is protected by COPYSCAPE   Alert us
    About Us - Terms of Use - Privacy - Knowledge Base - Contact Us - Place an Ad    [Register / Login ]
    EMANILAPOETRY, PINOY VERSES and TULANG PINOY are trademarks owned and operated by emanila.com pty ltd.
    © 2005, 2006, 2007, 2008
    emanila wins!