Friendster Testimonial (Kay Kris Ricafort)
Napanaginipan kita kagabi (medyo erotika kaya hindi puwedeng isulat)
Ngunit hindi naman kita inisip bago matulog. Umukilkil tuloy
Ang mga katanungan sa kalagitnaan ng mahimbing kong pagtulog
Kung paano ka nasagi ng isipan at dumaong sa himaymay
Ng aking imahinasyon. Hanggang sa nagsalimbayan
Ang mga nakaraang naghulagpos patungo sa isang araw
Nang una nating pagkikita, (naalala kong hilaw na hilaw
Ang iyong mga ngiti at titig sa kawalan habang ninanakawan
Kita ng mga malagkit na tingin)
Ikinahon natin ang bawat simula ng pagtinging itinangi
Ng pagiging tapat na magkaibigan. Ipininta ko ang bawat
Saliw ng musikang bumabalong sa iyong mga himig
Na ibinubunga ng mga mumunting halakhak. Iningatan
Ko ang bawat kaluskos ng iyong puso kapag napipigtal
Ang mga dahon ng iyong talaarawang pilit mong ipinugal
Sa dilim. Maingat kong hinaplos ang mga subyang
Sa iyong dibdib, hanggang magdugo ang aking mga
Palad sa bawat litanyang ibinubuhos ng nagdadamdam
Mong tinig (bunga ng lumipas mong pag-ibig)
Hanggang sa pagwawakas ng pagbabakas ng ating mga landas
At naging maramot ang mga pagkakataong magtutunghay
Sa bawat pagkikita nating dalawa. Ikaw pa rin kaya ang dating
Ikaw na nakasalig sa mga petalya ng rosas ang bawat
Talinghagang isinasaboy ng iyong mga ngiti? Ikaw pa rin
Kaya ang dating ikaw na matapos ang mahabang pagbibilad
At pagkasungasog sa larangan iyong napili ay muling
Magbabalik hanggang sa mga unang araw nang matagpuan
Mong ako’y nalulunod sa sariling dugong tumatagas
Mula sa mga matang namamagod sa pagtugis sa nakaraan
At natagpuan mong ako’y nag-iisa’t nagtatampisaw
Sa malamig na tagas ng ulan.
Magtatanong ka kaya kung ano ang dahilan.
Maniniwala ka kaya kung iyong malalaman.
Other posts by Don Bustamante
Share this post with friends





