Takip-silim (Kay Jean Guevarra)
Kaulayaw ko lagi ang kaniyang
Mga alaala: ang aking si Jean.
Sa aming mga nakaraang ayaw
Tunawin ng umaga. Palagi
Na lamang akong nakikipagtuos
Sa kahapon kung bakit hindi niya
Magawang balikan ang nakaraan.
Ang aking si Jean at ang kaniyang
Mga matatamis na ngiti.
Kay agang sinubok ng aming
Kabataan ang mapanganib
Na kapusukan. Walang takot
Na hinamon ang kapalaran;
Kung saan kami dadalhin
Ng mga pagsubok at ano ang naroon
Sa kabila ng aming mga pangarap;
Kung ano ang sumpa kapag
Nanaig ang pagkabigo.
Magkayap naming sinundang tingin
Ang pagpanaw ng maghapon,
(lumuha sa pagsapit ng takip-silim)
At magkasiping naming hinarap
Ang hamon ng bawat madaling araw
Hanggang sa kaniyang pagpanaw.
Other posts by Don Bustamante
Share this post with friends





