Kumot At Unan
Kagabi, ginising ko ng masiil na halik ang aking sinta.
Napatitig siya, nagtanong ako: Mahal mo ba ako talaga?
Napaismid siya at napatawa ng banayad: ano’ng nakain
Mo at nagtatanong ka ng ganiyan? Saglit lang at pinaghari
Namin ang katahimikan sa pagitan naming dalawa.
Tinuruan ko ang sariling huwag magtanong
Ng mga bagay na alam naman ang sagot. Kahit pa
Nangungurot sa budhi ang pagbabakasakali
Na marinig ang mga litanyang nais kong marinig.
Hahayaang magsanib ang gabi at lamig ng mga titig
Na nagbubuhat sa mga naglalamlam na katanungan
At mga agam-agam na kinukuyom ng puso,
Pagkatapos ay gagatungan ng takot na sa pagdaiti
Ng malayong umaga, ikaw pa rin kaya ang kahati
Sa pinagkakasyang kumot at unan? Ikaw pa rin kaya
Ang kasiping sa pagsasalikop ng mga tuhod
Sa nanlalamig nating higaan?
Other posts by Don Bustamante
Share this post with friends





