«  ARCHIVES  Live Help Today's date:


Share this post with friends Share this post with friends

Renggahan (nina Raul Funilas/Don Belardo/Don Bustamante

by Don Bustamante

Raul Funilas:

Kung ang amiha’y namamalipod sa matatayog na bundok,
At ang salata’y nanghuhungkag sa tiyang maukdo ang kirot;
Ang habagat naman sa parang ng dagat ay laging may dabog
Sino’ng hangin ang nakikita mong sa kanila ay dudurog?

Don Belardo:

Sa babala ni Nahum ang limbas na gagapi ay mapanaghili
Nakapaguutos upang ang kidlat ay tumarak sa imbing napili.
Karagatang nahati’y mamamalas muli sa araw ng paghuhukom
Mga palasyo’t moog ay mauuwi sa mga bugang kinuyom.

Don Bustamante:

May hanging tiyak na dadampi sa pisngi ng ‘sang kalupaan
May gabok ang tatalisod sa lagwerta ng ating himlayan;
Upang ang balibot na hinlog ng ating mga paghihirap,
Papawiing kusa ng hanging nagbadya ng mga pangarap.

Raul Funilas:

Sumabog, kumalat at ito’y nagpikat paghalik ng araw,
Dumampi ang hamog at hinalumigmig, Malayong Silangan;
Ang limayong bagwis ng ibo’y kumampay sa kaniyang bubunga’t
Bumagsak ang binhing siyang magkukulay ng punong malabay.

Don Belardo:

Dugong nagpipitagan ang ukilkil na pang buwis
Ang tanging pandilig na titighaw ay malapot na pawis.
Mga ginintuang bagol anila sa dulo ng bahaghari,
Karampot sa timbang, bagasong kaluluwa, salat sa puri.

Don Bustamante:

Tagilong nakatirik, nakatitig sa pisngi ng langit,
Salambaw na magkukusang hahalik sa dibdib ng tubig.
Paano ba gigisingin ang saray ng abang talindaw
Kung ang himig ng tatyaw ay may bikig, malat at natunaw?

Raul Funilas:

H’wag itangis ang himagsik ng bagabag sa ‘yong dibdib,
Idampi ang sutlang labing pinagliyab ng daliri;
Tunawin ng titig-lisik ang nagpipikat na putik
Itunhay at ibanyuhay ang dakilang minimithi.

Don Belardo:

‘Di dapat manibugho kung sa lapida’y walang banggit
Tustusan ang leteng ng guryong pinahahalik sa langit.
Ikandili ang nobenang taimtim at sisirin ang taklobo sa laot,
Sa sarili mong mga bugtong iluluwa ang ‘di matawarang sagot.

Don Bustamante:

Bugtong man ay matangkakal sa labi mong nauuhaw
Malagihay na tulyapis sa diwa’y h’wag matutunaw;
Pintakasing nag-ingat sa balubatang nagtataglay,
Maging ang isang huklubang tumatanggi pa sa hukay.

Raul Funilas:

Lumalalim itong gabi’y hindi naman hinuhukay,
Katulad din nitong along hinihipan ng amihan;
Lumipas man ang magdamag kapag walang kaulayaw
Mangingigkig ang dapyuan nang nagngalit nitong ginaw.

  • Other posts by Don Bustamante
  • Share this post with friends Share this post with friends

    2 Responses to “Renggahan (nina Raul Funilas/Don Belardo/Don Bustamante”

    1. Don Bustamante says:

      salamat naman po kung gano’n. Ang katotohanan ay noong isang taon pa namin ito sinulat ni tata Raul at Don Belardo, mula sa pagpapalitan ng email ay nabuo ang ganitong tema.

    2. Team Emanila says:

      Maganda itong sinimulan ninyo, mga ginoo. Hayaan ninyo at maghahanap tayo ng “plugin” na maaaring gamitin dito sa ating sayt para sa mga ganitong renggahan at banggaan. :-))

    Leave a Reply

    Help us Fight Spam!


    Search for a Poem

    Quick links to writers works

    Essays & Short Stories by Writers Group Members






    This page is protected by COPYSCAPE   Alert us
    About Us - Terms of Use - Privacy - Knowledge Base - Contact Us - Place an Ad    [Register / Login ]
    EMANILAPOETRY, PINOY VERSES and TULANG PINOY are trademarks owned and operated by emanila.com pty ltd.
    © 2005, 2006, 2007, 2008
    emanila wins!