Huwag Mong Sisihin Ang Gabi (Kay Anne Stephanie Cruz)
Habang isinasalin ng iyong mga labi ang pag-ibig
Sa aking bibig, kumakalas ang mga hinagpis
Sa aking dibdib, kasabay ng pagkapigtal ng mga alaala
Na nakakawing sa mga nagdaang hinagpis. Malagkit
Ang mga tayutay ng ibinubunga ng mga titig na mapusok,
Ngunit tumutusok sa himaymay ng mga katawang
Nag-aampon ng mga pagsubok na sinusuong
Ng mga aligutgot ng mga pusong nadudurog.
Huwag mong sisihin ang gabi sa mga sandaling
Ginagahasa ng pananabik ang ating mga labi ngunit
Patuloy na ginuguhit ng pait ang mga ngiting isinasantabi
Ng mga hiram na sandali. Malaon nang nagsisinag
Ang mga ginigiit na pagpupunyagi upang mag-alab
Ang mga tinig na iniluluwa ng ating mga pusong
Kay lakas pumintig.
Huwag mong sisihin ang lamig ng gabi upang kasuklaman
Ang mga aranyang nagbubuhat sa aking mga titig. Huwag
Mong sasagkaan ang daloy ng mga himig na nanggagaling
Sa aking mga bisig na yumayakap ng mahigpit
Sa bawat sandaling tinatamasa ng ating pagniniig.
Sapagkat ang gabing ito, nating dalawa, ay puspos
Ng alinagnag na tatanglaw sa silahis na ipagbubuntis
Ng mga talukab ng dilim na matagal nang nakapugal
Sa mga puso nating minsa’y naging maramot
Sa pagbibigay-laya sa pag-ibig na pilit nililimot.
Other posts by Don Bustamante
Email this post to friends!




May 15th, 2008 at 9:24 pm
salamat, Dimasalang!
May 15th, 2008 at 8:07 pm
ayus!